Taong 1995, nasa labas ng kanilang bahay si Elora habang nagpapahangin sa kanilang yantok na duyan. Malapit nang mag dapit hapon, iniisip niya ng pumasok upang magsaing ng kanilang mahahapunan. Nasa bukirin pa ang kanyang ama at ina, at maya-maya ay magsisi-uwian na ang mga ito.
Payak lang ang kanilang pamumuhay sa bayan ng Santa Isabel. Sapat na ang kinikita ng kanyang ama at ina sa kanilang bukirin upang matustusan ang kanyang pag-aaral. Nasa huling-baitang na siya sa high school. Isang taon na lang at makapag-kolehiyo na siya. Alam niya na mahirap lang kanilang buhay kaya inaasam niyang makapag-tapos ng pag-aaral. Binabalak niyang kumuha ng kursong pagtuturo sa kanilang nag-iisang Unibersidad sa bayan. Nag-iisang anak lamang siya kaya kahit papaano ay naitataguyod siya ng kanyang mga magulang sa pag-aaral sa pamamagitan ng pagbubukid ng mga ito.
Isang simpleng dalagang-Pilipina si Elora, maraming nagsasabi na napakaganda niya. Makinis ang kanyang kayumangging balat, sa edad na disisyete ay napakaganda na ng hubog ng kanyang katawan. Hindi siya katangkaran, nasa limang talampakan at dalawang pulgada lang ang kanyang taas. Napakahaba ng kanyang buhok na umabot hanggang sa kanyang bewang. Ayaw kasing paputulan ito ng kanyang ina, dahil ang tunay na dalaga daw ay nararapat lang na marunong mag-alaga ng kanyang buhok. Hindi katangusan ang kanyang ilong pero bumagay ito sa kanyang dark brown na kulay na mga mata. Ang kanyang maninipis pero natural na mapupulang labi ay lalong nakakapag-padagdag sa angkin niyang kagandahan. Kung susumahin ang ganda ni Elora ay siyang tunay na ganda ng Pilipina.
Marami rin ang nagpapalipad-hangin sa kanya, pero ang lahat ng iyon ay hindi niya pinapansin dahil mas nakatuon ang kanyang isip sa pag-aaral. Gusto niyang abutin ang kanyang mga pangarap, para sa kanya at sa kanyang mga magulang.
Malapit ng dumilim kaya tumayo na si Elora mula sa pagkaka-higa sa duyan na nakatali sa dalawang malaking puno ng mangga sa gilid ng kanilang bahay. Napapaligiran ang kanilang bahay ng iba't-ibang klase ng mga punong kahoy at pananim. Walang anumang bakod na na nakatayo sa paligid ng kanilang lupain, hindi uso iyon sa mga taga Sitio Malaut. Hindi sila sakop ng modernisasyon na katulad ng sa ibang lugar. Ang lugar nilang iyon ay nasa dulong bahagi na ng Santa Isabel. Isa sila sa mga lugar na masasabing tipikal na probinsya ang pamumuhay. Hindi pa nga sila abot ng linya ng kuryente. Hanggang sa may labasan lang ng Sitio Malaut ang mayroong kuryente, kung nasaan ang Barangay Hall.
Magkakalayo din ang mga bahay sa kanila, katulad na lang ng bahay nila Elora, nag-iisa lang ito sa gitna ng mga nagtataasang puno. Bagamat nasa daanan ng mga tao ang kanilang bahay ang kasunod naman nilang kapitbahay ay may ilang metro pa ang layo sa kanila. Sa bandang likuran ng kanilang bahay ay may malawak na kagubatan kung saan sila nakakakuha ng kahoy na kanilang ginagamit sa pagluluto, meron din itong daan patungo sa batis na kung saan sila naliligo at naglalaba. Nakaka-kuha din sila ng kanilang maiinom sa natural na tuburan na nanggagaling sa bundok.
Akma na siyang papasok sa kanilang bahay ng may isang kamay ang humawak sa kanyang braso at siyang nakapag-patigil sa kanya sa pagpasok.
"Gabriel, anong ginagawa mo dito?" gulat na tanong ni Elora sa taong humawak sa kanyang mga braso.
"Binibisita ka," payak na sagot naman ng lalaking tinawag niyang Gabriel.
"Hapon na at malapit ng dumilim, anong kailangan mo sa akin?" bahagyang tumalim ang tonong tanong niya sa lalake.
"Alam mo naman ang intensyon ko sayo Elora, bakit ba napaka-hirap mong suyuin?" matigas na tanong din ni Gabriel sa kanya.
"Alam mo rin ang sagot ko sayo Gabriel, kaya makakaalis ka na!" mataray na sagot niya dito.
"Hindi ako papayag Elora! Akin ka lang at magiging akin ka, sa ayaw mo o sa gusto!" matalim na ang mga matang saad ni Gabriel sa kanya. Humigpit ang pagkakahawak nito sa may braso niya.
"Ano ba Gabriel, bitawan mo ako! Nasasaktan ako!" galit na saad ni Elora sa lalake, saka siya nagpumilit na makapiglas sa pagkaka-hawak ni Gabriel sa kanyang mga braso. Ngunit sadyang malakas ang lalake, napakalaki ng katawan nito dahil banat sa pagtatrabaho sa bukid. Kaya walang nagawa ang pagpupumiglas ni Elora, dahil habang lalo siyang nagpupumiglas ay lalong humihigpit ang pagkakahawak nito sa kanya.
Hinila siya ng lalake palayo sa kanilang bahay. Halos magkanda-dapa na siya dahil sa bilis ng paglalakad nito. Dinala siya nito sa loob ng kakahuyan sa bandang likuran ng kanilang bahay, patungo ang lugar na iyon sa may batis.
"Gabriel bitawan mo ako ano ba!" sigaw niya sa lalake, at saka niya pinaghahampas ang braso nito. Pero parang balewala lang sa lalake ang kanyang ginagawa, hindi man lang ito natitinag sa panghahampas na kanyang ginagawa. Sa halip ay patuloy pa rin siya nitong hinatak papasok ng papasok sa may kagubatan.
"Gabriel parang awa mo na, bitawan mo na ako, gagabi na at hahanapin na ako ng mga magulang ko. Uuwi na sila anumang oras, kaya Gabriel please lang, mag-usap na lang tayo ulit bukas," pagmamakaawa na ni Elora dito.
"Tumahimik ka! Hindi ka na makakauwi sa inyo, dahil ngayong gabing ito magiging akin ka na! Hahahaha!" parang nababaliw na saad ni Gabriel sa kanya, sabay halakhak nito ng malakas, habang patuloy ito sa paghila sa kanya papasok ng papasok sa may kagubatan.
"Gabriel please…" Umiiyak ng pagmamakaawa ni Elora dito. Ngunit ang kanyang mga panaghoy ay wala ng saysay sa lalake. Bingi na ito sa kanyang mga pagmamakaawa. Hindi nito pinapansin ang kanyang pagpupumiglas at pag-iyak sa halip ay tuloy-tuloy lang nitong tinatahak ang daan papasok sa kagubatan habang hila siya nito. Kung saan siya nito dadalhin ay ito lang ang nakaka-alam.
Sa kabilang banda naman ay naka-uwi na galing bukirin ang mga magulang ni Elora. Ipinagtaka nila kung bakit walang nakasinding gasera sa loob ng bahay nila. Alam nilang nandoon si Elora dahil hindi naman nito ugaling umalis ng hindi nagpapaalam sa kanila.
Kaya dali-dali silang pumasok sa loob ng bahay upang hagilapin ang dalaga. Nang mapagtantong wala doon ang anak ay agad na kinutuban ang mag-asawa.
"Hindi maganda ang kutob ko Berto, nawawala si Elora. Hindi ugali ng anak mong umalis ng hindi natin alam. Nandito lang siya kanina ng umalis tayo," nag-aalalang saad ni Aling Elsa sa asawa.
"Huwag kang mag-alala Elsa, hahanapin ko ang anak natin. Baka may pinuntahan lang at hindi nakapag-paalam," pag-aalo ni Mang Berto sa asawa.
Kinuha ni Mang Berto ang itak na nakasabit sa may dingding ng kanilang kusina at isinukbit sa kanyang beywang. Nagsindi din siya ng sulo dahil madilim na sa labas. Habang si Aling Elsa naman ay sinindihan ang mga gasera sa loob ng kanilang bahay upang magkaroon sila ng liwanag sa loob.
Nang lumabas na si Mang Berto ay agad na sumunod si Aling Elsa.
"Hanapin mo si Elora at iuwi ng maayos Berto, nag-aalala na ako," muling saad ni Aling Elsa sa asawa.
"Huwag kang mag-alala Mahal, susunduin ko ang anak natin," pag-aalo naman ni Mang Berto dito.
Akma ng lalakad si Mang Berto papuntang labasan ng pareho silang natigilan ni Aling Elsa dahil sa narinig na isang malakas na sigaw na nanggaling sa kakahuyan sa likuran ng kanilang bahay. Napatingin sa direksyon ng kakahuyan at napalugmok sa lupa si Aling Elsa ng marinig ang sigaw na iyon. Napahagulgol ito ng malakas, samantalang si Mang Berto naman ay agad na tumakbo papasok sa kakahuyan. Tinungo nito ang direksyon kung saan nanggaling ang sigaw.
AUTHOR'S NOTE:
Mababasa po ng buo ang kwentong ito ng eksklusibo sa DREAME o YUGTO APP
BINABASA MO ANG
Ang Babaeng Mahiwaga
HorrorBLURB: Sa isang modernong sibilisasyon lumaki si France Emerson Montefalco. Kahit kailan ay hindi niya pinaniniwalaan ang lahat ng bagay na may kinalaman sa kababalaghan at hindi kayang ipaliwanag ng science. Wala siyang dahilan upang maniwala sa m...