ANG KODIGO NI BUKNOY DIMAGUBA

9 0 0
                                    


Sa liblib na lugar ng baryo Makeke na matatagpuan sa bayan ng Kapis, nakatira ang batang ubod ng kapilyuhan na si Buknoy. Siya ay laman palagi ng mga pangungutya dahil ang kaniyang pisngi ay may malaking nunal at dagdag pa rito na siya ay bungi. Naging dahilan ito kung bakit wala siyang naging kaibigan maliban na lamang kay Tilot na kaniyang katoto. Si Tilot ang kaniyang palaging nakakausap sapagkat ang kaniyang mga magulang ay halos wala nang panahon sa kaniya dahil ang kaniyang ina ay abala pa sa walo niyang nakababatang kapatid habang ang kaniyang ama naman ay isang karpentero na madalas namang wala sa bahay dahil mas pinipili nitong makipag-inuman tuwing araw ng sweldo. Bagama't pang-apat lamang si Buknoy sa magkakapatid ay tila siya na ang inaasahan ng kaniyang Nanay na si Marites na makakaahon sa kanila sa kahirapan dahil ang kaniyang mga nakakatandang kapatid ay nagsipag-asawa na.

Araw ng Lunes, maagang nilisan ni Buknoy ang kanilang tahanan patungo sa kaniyang paaralan sa Makeke Elementary School. Mahigpit kasing paalala ng kanilang guro na si Ginoong Joaquin Burdado na bawal mahuli sa klase sapagkat magkakaroon sila ng mahabang pagsusulit.

"Magandang umaga sa inyong lahat ika-baitang lima seksyon Pag-asa, kayo'y handa na ba sa ating mahabang pagsusulit?" Ang mapangsiyasat na tanong ni G. Burdado sa kanyang mga estudyante.

"Magandang umaga rin po Sir, nakapag-aral po kami!" Ang malakas na sagot ng mga kaklase ni Buknoy, samantalang siya naman ay kinakabahan dahil sa kaniyang maiitim na plano.

"Uy.. ba't ganiyan ang pagmumukha mo para kang natatae?" Ang nangangantyaw na tanong ni Tilot.

"Magsipaghanda ang lahat, ilagay ang mga gamit sa unahan tanging bolpen at papel lamang ang maiiwan sa inyong mga upuan, ang sinumang mahuhuli na nangdaya ay may kaparusahan na ipapataw..." Alam ni Buknoy na mali ang kaniyang desisyon, ngunit naglakas loob parin siyang ipagpatuloy ito, dahil kung hindi ay babagsak sya at tiyak mapapalo na naman siya ng kaniyang tatay na si Natoy.

Animnapung minuto ang binilang bago natapos ang mahabang pagsusulit. Samantala kakatapos lang ni Buknoy, kahit namamawis ang kaniyang kamay ay pasimple niya itong ipinasa sa unahan, nagpapasalamat na nalampasan niya ang isang oras na daluyong sa kaniyang buhay.

Kinaumagahan umaga nang martes ay nakatakdang ipamigay ni G. Burdado ang mga naiwasto na papel.

"Buknoy Dimaguba nakakuha ng 48 na puntos, mukhang ma-swerte ka ngayon Buknoy naka-dalawang mali ka lamang." Natuwa naman si Buknoy sa natanggap niya pero may bahid parin ito ng konsensya.

"Buknoy!" Ang malakas na tawag ng kaniyang ina. "Ano itong sulat na ipinadala ni G. Burdado, ikaw daw ay nahuling nangdaya sa pagsusulit?" Laking gulat naman ni Buknoy kung papaanong siya ay nahuli.

"Totoo ba ito Buknoy? Nakakahiya ka, ako'y ipapatawag dahil sa may kasalanan ka at talagang marunong ka pang gumawa ng kodigo!"

"Nagtataka ka ba Buknoy kung bakit ko nalaman, nakalimtan mo bang may CCTV na nilagay sa loob ng classroom?" Ani G. Burdado.

Laking gulat naman ang namutawi sa mukha ni Buknoy nang marinig ito. Matagal nya nang alam na may CCTV marahil ay nakalimutan nya ito dulot ng siya ay subrang desperado na makapasa.

"Pasensya po Sir, ayaw ko lang po talagang bumagsak."

Ayon naman sa Ina ni Buknoy na si Marites, "Paumanhin po Sir, nakulangan po ako sa pagpapaalala sa anak kong ito. At siguro ay nadala sya sa takot na baka papaluin muli sya ni Natoy."

"Basta Buknoy mali ang mangdaya, lalo't parang sarili mo rin mismo ang iyong dinadaya, ayaw ko na itong maulit." Ang paalala ni G. Burdado.

"Huwag po kayong mag-alala Sir pagsaasabihan ko po itong anak ko, maraming salamat po muli."

"Buknoy!!!!!!!!!!"

Ikaw ano sa tingin mo ang nangyari?

-WAKAS-

Ang Kodigo ni Buknoy DimagubaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon