Madilim ang gabi na sinasabayan pa ng malakas na ulan ang mas lalong nagpapahirap upang makita ang dinadaanan.
Hindi alintana ang maputik at baku-bakung daan ay patuloy pa din ang dalawang tao sa pagtakbo sa gitna ng kagubatan.
"Sigurado akong sinusuyod na nila ngayon ang buong bayan at susunod na din itong kagubatan. Ngunit huwag kang mag-alala malawak ang gubat kaya hindi nila agad tayo makikita." Ani ng isang lalaki na hingal na hingal dahil magmula pa kanina ay hindi sila humihinto.
Walang oras para magpahinga kapag nasa ganitong sitwasyon. Kung saan kailangan mong tumakbo papalayo para sa buhay mo.
Tila wala namang nadinig ang kanyang kausap dahil tuloy tuloy lang ito sa paglakad at wala man lang imik o sagot sa mga sinabi ng kanyang kasama.
"Sigurado din ako ngayong sinusunog na nila ang ating tirahan" malungkot na saad pa ng lalaki dahil nang sa isang iglap ay hindi nya inaasahang masisira ang lahat ng kanilang pinaghirapan.
"Kung hindi ka lamang–" sinadyang hindi tinapos ng lalaki ang kaniyang sasabihin at saka ibinaling ang tingin sa babaeng kasama.
Ganoon pa din, wala pa ding reaksyon at malamig ang itsura ng mukha. Tila nilayasan na ito ng emosyon at pakiramdam.
"Saan mo nakuha 'yang dugo sa balikat mo!?" Nag-aalalang tanong ng lalaki sa kasama at lumapit dito upang suriin ang kalagayan nito.
Hindi nya napansin kanina na dumudugo pala ang balikat ng babae at dahil madilim at umuulan ay mas lalong hindi nya napansin ang itsura nito.
Magmula sa kanilang bahay ay walang tigil na sila sa pagtakbo dahilan upang hindi nya mabigyang pansin ang kasama.
Umalingawngaw ang tatlong sunod sunod na putok ng baril sa buong kagubatan.
Nagulantang at puno ng pagkabalisa ang naging reaksyon ng lalaki kaya naman dali-dali syang lumakad papalayo hila-hila ang kamay ng babae.
"Bilisan mo na at maaabutan tayo ng mga guardia sibil!!" Nagmamadaling ani ng lalaki at patakbong hila hila ang kasama.
Dahil sa haba ng sayang suot ng babae at sa maputik at madulas na daan ay hindi sya makatakbo nang mabilis dahil nahihirapan sya sa bawat hakbang.
Iniinda din nya ngayon ang sakit sa kanyang balikat na nadaplisan ng bala habang tumatakas sila kanila.
Hindi na nila alam ngayon kung saan sila tutungo basta ang mahalaga na lang ay makaligtas sila.
"Mauna ka na sa paglalakad at ililigaw ko sila. Tahakin mo ang daan sa timog at sa dulo niyo'y makikita mo ang batis, duon na lamang tayo magkita" ani ng lalaki sa babae dahilan upang manlaki ang mga mata nito.
Gustuhin man niyang hindi sumunod ngunit ito na lang ang pinakamabisang solusyon para makaligtas sila.
"Huwag kang mag-alala sakin, nakatitiyak akong naroon na din sila inay at itay at ang iba pa nating kasamahan" saad pa ng lalaki.
Wala nang magawa ang babae kundi ang sumunod sa lalaki.
Bahagyang lumapit ang babae sa kasama at saka niyakap ito.
"Mag-iingat ka" ang tanging sinambit niya bago lumakad papalayo.
Nag-iba sila ng landas.
Patuloy pa din ang pagbuhos ng malakas na ulan.
Pababa ang daan patungo sa batis at maputik ang daang dinadaan dahil sa tubig na umaagos paibaba.
Ilang beses na syang nadulas at gumulong-gulong sa putikan dahil sa hirap na gawa ng kanyang mahabang saya.
Mula sa di kalayuan ay naaaninang na niya ang batis kung saan sila magkikita kitang mag-anak upang tumakas sa bayang ito.
Hindi nya makita ang kaniyang ama at ina sa kabilang dako dahil nanlalabo na sa pagod ang kanyang paningin.
Isang malakas na putok ang umalingawngaw sa paligid na mas lalong nakapagpalabo sa paningin ng babae dahil sa kaba na baka may masamang mangyari sa kanila.
Sa di kalayuan nama'y, may Isang kalesang kumakaripas sa bilis ang takbo hindi alintana ang malakas na ulan at madilim na gabi.
Tumakbo ang babae papalapit sa batis ngunit kinakailangan pa nyang tumawid ng daan.
Sa sobrang pagkabalisa at takot na baka maabutan sya ng mga guardia sibil ay hindi nya napansin ang kumakaripas na kalesa sa daan na kanyang daraanan.
Huli na ng mapagtanto nya na nasa gitsa na sya ng kalsada at papalapit nang papalapit ang kalesa sa kanyang kinaroroonan.
Hindi din agad napansin ng kutsero ang babae sa daan dahil sa lakas ng ulan.
Huli na nang mapigil nya ang kabayo mula sa pagtakbo at dahil sa dulas ng daan ay hindi agad ito nakahinto.
Isang liwanag ang sumalubong sa harapan ng babae at tatlong sunod sunod na putok ng baril, sigaw ng kabayo at malakas na ulan ang nagtatalong ingay sa paligid.
Nanlamig ang kanyang buong katawan at tila nagyelo at hindi niya makayanang gumalaw. Ngunit ang hindi nya inaasahan sa lahat ay ang makita ang lalaking nasa likod ng lahat ng pangyayari.
Hindi nya inaasahang makikita nya ito sa ganitong pagkakataon.
Puno ng pag-aalala at puno ng pagkabigla ang mababasa sa mga mata ng lalaki habang sinasambit ang pangalan ng babaeng nasa kanyang harapan.
"Solana"
..........
Ang mga kaganapang ito mula sa istorya ay pawang kathang-isip lamang at gawa ng imahinasyon ng may akda. Bawat pangalan ng karakter (nabubuhay man o hindi), pangyayari, lugar, at kaganapan ay nagkataon lamang at hindi hango sa totoong buhay.
This is a work of fiction. Names, characters, business, events and incidents are the products of the author's imagination. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
Plagiarism is a crime, punishable by law
© All Rights Reserved 2023
KapitanBasilio
YOU ARE READING
Letters of Solana
Historical FictionSolana - a girl who loves to write to create memories. She is secretly in love with a man from a noble family and can only confess her feelings by writing in her journal. But things can change through writing and know that everything that is written...