"Inay malayo pa ho ba ang bayan na ating pupuntahan?" Tanong ng isang batang lalaki habang nakahawak ito sa kamay ng kanyang ina.
"Malapit na tayo Tutoy, wag mo nang kulitin iyang inay mo" sagot naman ng kanyang ama habang hila hila ang alagang kalabaw na nagdadala ng kanilang mga gamit.
"Ngunit kanina pa tayo naglalakad itay, masakit na ho ang aking mga binti at paa" reklamo pa ng bata at bahagyang sumimangot dahilan upang matawa ang kanyang ama.
"Ikaw talagang bata ka, halika nga at ika'y sumakay na lamang sa likuran nitong kalabaw" ani ng ama sa anak at saka binuhat ito upang maisampa sa likuran ng kanilang alaga.
"Oh Alfredo masakit na din ba ang iyong mga binti at paa?" Pabirong tanong ng ama sa isa pa nitong anak na lalaki.
Buong mag-anak sila ngayong naglalakbay papunta sa ibang bayan.
Si Aling Helen na siyang ilaw ng tahanan, si Mang Ruben na s'yang ama at ang tatlo nitong anak na sina Alfredo, Solana at Tutoy.
"Itay malaki na ho ako para tawagin ninyo pang Budoy" reklamo ng anak na panganay. "Alfredo na lamang ho Ang inyong itawag itay" suhesyon pa nito.
"Nako itay, iyang si kuya Budoy ho ay nahihiya lamang sa kanyang mga nililigawan na malamang Budoy ang kanyang palayaw" kantyaw ng babaeng anak na pangalawa sa tatlong magkakapatid.
"Anong nililigawan ba? Wala akong nililigawan itay, iyang si Onyang ho siguro ang nagpapaligaw na" tugon naman nito at saka ngumiti ng mapang-asar.
"Hindi ho totoo iyan!" Depensa naman ni Solana at saka nagbaling ng masamang tingin sa kapatid na si Alfredo.
Tumawa naman ng pagkapilyo si Alfredo dahil alam nyang naasar nanaman nya ang kapatid.
"Kayo talaga, tigilan nyo na nga iyan at baka mauwi pa sa sakitan" pigil ni Aling Helen sa mga anak at bahagyang natutuwa sa mga ito dahil kahit malalaki na ay nakukuha pa din nilang maglaro at mag-asaran.
Lilipat sila ngayon ng bayan, mula sa bayan ng Bulakan ay lilipat sila sa Bayan ng San Lorenzo. May kakilala ang kanilang pamilya duon at magbabaka sakaling maghanap ng mapagtatrabahuhan.
Magmula pa kaninang umaga ay hindi sila tumitigil para magpahinga at kumain.
Kaya siguro nagrereklamo na din ang batang si Tutoy dahil bukod sa pagod na ito kakalakad ay nagugutom na din ang sikmura.
"Magpahinga na muna tayo dito saglit sa ilalim ng punong akasya mga anak." Suhesyon ni Mang Ruben.
Kanina pa nya gustong magpahinga sana at kumain sana ng agahan ngunit nasasayangan sila sa oras kaya nagtutuloy-tuloy na lamang sila.
"Kumain na muna din tayo dahil medyo malayo-layo pa ang Bayan ng San Lorenzo mula dito." Ani ni Aling Helen at saka ibinaba ang mga dalang gamit sa ilalim ng puno.
Sumunod naman ang kanyang mga anak at bahagya pang sinagi ni Solana si Alfredo.
Natatawa pa din ang reaksyon nito dahil sa mukha ng kanyang kapatid na parang kakainin na sya ng buhay.
"Solana nasa maliit na bayong ang mga nilagang kamote, kuhanin mo na at ating pagsalu-saluhan upang magkalaman ang ating tiyan" utos ni Aling Helen sa anak na agad naman sinunod ni Solana.
Nagbabaka sakali silang lahat na sa San Lorenzo, makatagpo sila ng maayos na trabaho at mabuting amo para makapaghanap-buhay sila. Nagbabaka sakali din sila na makatagpo sila ng magandang buhay.
Alas-onse na ng tanghali nang sila'y nakarating sa bayan ng San Lorenzo.
Maaliwalas, makulay at luntian ang itsura ng bayan.
YOU ARE READING
Letters of Solana
Historical FictionSolana - a girl who loves to write to create memories. She is secretly in love with a man from a noble family and can only confess her feelings by writing in her journal. But things can change through writing and know that everything that is written...