"Sitsit"

6 0 0
                                    

        "Pst!...pst!..."

Maghahating gabi na ng makarating kami sa lamay. Labis akong nagtaka kung bakit lahat ng mga bata ay sa likod ng bahay pinapadaan kung dadating imbes na sa harapan kung saan nakapwesto ang kabaong.

Pagpasok namin mula sa likod ng bahay ay agad na tumambad ang madilim na paligid — nakakapangilabot din ang bawat misteryosong titig ng mga tao lalo na ng mga matatandang babae habang suot ang kanilang blusa at belong itim.

Tatakbo sana ako papunta sa unahan para tingnan ang nangyayari nang bigla akong hinila ng isang matanda.

Sa sobrang higpit ng kaniyang pagkakahawak sa braso ko ay bumaon ang kaniyang mga kuko habang nanlilisik na tinitigan ako sa mata.

Labis na nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan dahil sa kilabot na aking naramdaman.

Dahil sa kaba, hindi ako agarang nakasagot bagkus ay pinapasok na lamang ako sa isang silid at pinagsabihan na huwag na huwag lalabas kung hindi pinapalabas.

Bago pa man tuluyang magsara ang pinto ng silid ay pilit kong pinakikinggan ang pag-uusap ang aking tiya at ang matandang babae, ngunit ni isang salita ay wala akong narinig.

Nilibot ko ang aking paningin sa silid—ito ay labis na madilim at maliit din ang espasyo. Kumunot ang aking noo, nagtataka kung bakit ganito ang trato nila sa mga batang pupunta sa lamay.

Sumilip ako sa maliit na bintana na siyang nagbibigay lamang ng kaunting liwanag sa silid nang biglang...

"Pst!... pst!..."

Kinilabutan ako at mabilis nilibot ang paningin sa labas ng bintana para malaman kung sino ang sumisitsit ngunit, wala akong maaninag dahil sa dilim.

Nainip ako sa kakahintay kaya binalak kong lumabas —gustong-gusto kong makita kung ano ang nangyayari sa labas kaya unti-unti kong binuksan ang pinto para tignan kung may nagbabantay.

Palabas na sana ako nang biglang may humawak sa aming kamay para pigilan ako.

Nakita ko na siya ay isang batang babaeng nakablusang puti habang nakayuko at nakakapit sa aking kamay.

"Huwag..."

Hindi ko alam ang aking magiging reaksyon dahil mas nangibabaw ang aking pagtataka dahil sa tono ng kaniyang pagkabigkas at kanyang pananamit.

Nagtanong ako sa aking sarili, dahil ang pagkakaalam ko ay mag-isa lamang ako kanina. Ngunit nagkibit balikat na lamang ako dahil sa inis kaya't mas nakumbinsi akong lumabas.

Tinitigan ko lamang ang bata at agad din niyang binitawan ang aking kamay.

Lakas loob akong lumabas nang paglingon ko ay nakatayo pa rin ang bata malapit sa pinto.

Agad akong dumaan sa likuran ng bahay para hindi makita ng mga nagbabantay. Nahihirapan akong makalabas dahil napakadilim ng paligid at hindi ko makita ang akin nilalakaran. Kaya yumuko ako habang naglalakad para mas makita ng mabuti ang daan ng biglang...

"Pst!...pst!.."

Kinilabutan ang aking buong katawan dahil narinig ko na naman ang sumisitsit— wala ring tao at pawang mga punong kahoy lamang ang nasa paligid kaya't tila imposible.

Nilalamig na rin ang aking katawan dahil sa walang tigil na pag-ihip ng hangin ngunit, hindi na ako pwedeng pang bumalik dahil baka mahuli ako ng wala sa oras.

"Pst!.. Pst!..."

Halos humiwalay ang kaluluwa ko mula sa aking katawan nang maramdaman ko ang dampi ng mahinang hininga mula sa likod ng aking tainga habang naririnig ang mahinang sitsit.

Nilakasan ko ang aking loob at niyapak ang kanang paa habang nakayukod ng biglang may tumamang gumulong na bola ng holen sa aking paa.

Tinitigan ko lamang ang holen at nong kukunin ko na sana ay biglang may sumitsit kaya, napatingin ako sa unahan at agad na binalik ang pansin sa holen, ngunit ng akma ko nang pupulutin ay gumulong ito pagilid—mahina ko itong sinundan hanggang ito ay bumangga sa isang paa.

Tumingala ako at labis na nasindak ng biglang direktang nakaharap malapit na malapit sa aking mukha ang mukha ng batang babaeng nakagigimbal ang ngiting abot tainga at walang mata.

Napasigaw ako dahil sa gulat at takot, ngunit hindi ko magawang umalis sa aking pwesto habang hinahabol ang aking paghinga.

Mas nataranta at napaiyak ako ng bigla niyang hawakan ng mahigpit ang aking pisngi para hindi makaalis ang aking ulo.

Labis akong nagpupumiglas kaya nakawala ako sa kanyang pagkakahawak. Tumakbo ako nang tumakbo habang nakapikit at dahil sa matinding takot ay hindi ko na alam kung saan pupunta at ano ang gagawin.

Hindi ko rin namalayan ang bagay sa aking unahan kaya ako ay nabunggo.

Sa aking pagdilat ay nanlaki ang aking mga mata, napakabilis ng kabog ng aking dibdib na tila binuhusan ako ng napakalamig na tubig kaya hindi ko magawang umimik.

Hindi ako makapaniwala sa aking nakita...

Ang nakahimlay na patay sa kabaong ay ang batang nakangiting walang mata. Ang suot niyang blusa ay parehong-pareho rin sa batang nasa silid kanina.

Naghahalo na ang aking emosyon, butil-butil na pawis ang lumalabas mula sa aking buong katawan.

Gulong-gulo ako ngunit unti-unti kong pinagtatagpi-tagpi ang mga bagay-bagay sa aking isipan.

Nais kong humagulgul sa iyak dahil sa aking mga realisasyon, labis na takot at pagtataka. Ngunit, hindi ko magawang makasigaw dahil tila napako ang aking mata sa batang nasa kabaong.

Hindi ko rin magawang umalis mula sa aking kinatatayuan dahil nanghihina at patuloy pa rin ang panginginig ng aking mga tuhod.

Ang tanging magagawa ko lamang ay ang titigan ang kabaong habang patuloy na pumapatak ang aking mga luha at pilit na hinahabol ang aking paghinga ng biglang naramdaman ko muli ang malamig na hininga mula mismo sa aking tainga.

At marinig ang mga katagang nakapagimbal sa buo kong pagkatao...

"Pst!.. Pst!... Laro tayo...", kasabay ng kanyang malademonyong pagtawa.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 19 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Short Horror StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon