♡
HINDI ako malas sa pag-ibig, pinaglaruan talaga ako.
"Hindi talaga magaling pumana si Kupido." Nakayuko kong sabi. Naramdaman kong kaagad silang tumayo mula sa kanilang kinauupuan at sumugod sa akin.
"Bawiin mo 'yang sinabi mo, Noah!"
"Hoy, h'wag mong ipasa ang sumpa!"
"Dapat nanahimik ka na lang."
Sabay-sabay nilang sabi.
Nag-angat ako ng tingin sa mga kaibigan ko. "Hindi niyo kasi ako naiintindihan. Itong mga nararamdaman at pinaghuhugutan ko."
Nagkatinginan silang tatlo. Nag-usap gamit ang mga mata. "Alam na. Tara upo tayo." Pagyaya ni Jona kina Poy at Rosh.
"Naiintindihan ka naman namin, Noah. Ayos lang sana kung isa hanggang tatlong beses-kaso hindi, e." Litanya ni Poy.
"Hindi talaga namin matanggap na ganyan na lang palagi." Pagpapatuloy niya."Mahal ko, e," sabay-sabay silang umiling sa sinabi ko. "'Di ba, gano'n naman 'yon? Kapag mahal mo, iintindihin, patatawarin, at hahabulin mo."
"At kapag mahal ka, babalikan ka. O mas maganda siguro kung sa una pa lang ay hindi ka iiwan o sasaktan nang paulit-ulit." May diin na pagkakasabi ni Jona.
"Naaawa kasi kami sa'yo. Tama na." Malumanay na sabi ni Rosh.
Nagkaroon ng katahimikan. Bumigat ang hangin sa paligid namin. Nagpapakiramdaman.
Naputol iyon nang bumukas ang pinto."Ayan, dumating na si Sayvier, ang tagapagligtas. Siya na ang bahala sa'yo." Tinapik ako ni Poy sa balikat bago sila tumayo.
"Oh, saan kayo pupunta?"
"Papahangin lang."
➽─────────♡
Naramdaman ko na lang na umupo si Sayvier sa tabi ko. Nagbukas ng isang boteng beer at uminom.
"Hiwalay na kami ni Stefani." Panimula ko. "Ulit."
Hindi siya sumagot kaya nagpatuloy ako."Nakipaghiwalay na naman siya sa akin. Ang sabi niya, pagod na raw siya. Hindi niya na alam ang gagawin. Kaya mas mabuti kung maghiwalay na lang muna kami. Ulit. Hahanapin niya raw muna ang sarili niya. Sa pagkakataong 'to, 'yong totoo na."
Mahina akong napatawa. "Ngayon ko lang napagtanto. Tama nga silang tatlo. Pare-parehong mga salita. Paulit-ulit na pangyayari. Bilog talaga ang mundo, ano?"
Natauhan ako nang batukan niya ako. "Punasan mo nga 'yang luha mo."
Kinuha ko ang bimpo mula sa kaniyang kamay. Tinitigan ko lang ito at hinawakan nang mahigpit.
Nagpatuloy ako sa pagsasalita. "Bakit gano'n. Akala ko, sanay na ako. Kasi nga, hindi na bago sa akin 'to, e. Pero ang sakit pa rin. Durog na naman ang puso ko."
Marahan niyang tinapik ang likuran ko. "Naiintindihan ko. Unang kasintahan mo siya, e. Nasabi ko naman na noon, 'di ba? Naranasan ko rin 'yan. Ilang beses kaming away-bati. Naghiwalay. Nagkabalikan. Pero ginising ko ang sarili ko. Grabeng katangahan na yung ginagawa ko. Nasasaktan na ako pero pinagpatuloy ko pa rin. Kaya naman, nangako ako sa sarili ko-sa huling pagsubok at hindi pa rin kami tugma, ako na ang bibitiw. Kahit pa mahal ko siya, kung ganoon pa rin, baka senyales na ako muna ang piliin ko."
BINABASA MO ANG
Pinaglaruan ni Kupido
Short StoryHindi ba talaga malas sa pag-ibig? Pinaglaruan ba talaga? Paano kung hindi? ➽───────❥ An entry for AmbassadorsPH's Write-a-thon Challenge 3.0 - "Fools in Love".