Si Palaka na Tatanga-tanga

64 11 17
                                    

Si Palaka na tatanga-tanga, hindi umaalis sa tubig kahit na ito ay kumukulo na. Si Palaka na bubulag-bulag, hindi nakikita ang katotohanan sa likod ng maskara. Si Palaka na bibingi-bingi, hindi nakikinig sa mga payo ng nakatatanda. Kaya si Palaka–tanga, bulag, bingi–ay madaling natitigok.

Kahit palibutan pa siya ng nakakairitang bulungan ng mga lamok, ang nananaig sa kanyang tainga ay ang musika ng kanyang mapanlinlang puso. Ang musika ng kanyang puso na sa kasalukuyan ay tumutuno sa huni ni Maya, isang ibong nakakahalina. Tuwing nakikito ito ni Palaka na dumadayap sa ibabaw ng palayan, sumisipol sa hangin, at sumusulyap sa maberdeng pananim, lalo lamang siyang napapaibig.

Kung si Maya ay dumadapo sa matatayog na sanga ni Narra, pumaparoon din si Palaka at numanakaw ng sulyap. Ang berde niyang kulay ay humahalo sa damo, ngunit matalas ang paningin ni Maya at agad niyang namataan si Palaka.

"Palaka, magandang araw! Andito ka pala."

Napatalon si Palaka, napa-kokak sa bigla. "Ma-Maya! Magandang araw din. Minamasdan ko lang ang kagandahan ng palayan."

"Ako rin. Lalo na ngayong malapit na ang anihan. Palagi tuloy akong napapakanta." Humuni ito sa hangin.

Patago man, nanghina si Palaka sa pagkahalina.

Sumambit ang pantas na si Narra. "Hudyat na ito ng pagdating ni Tagak. Palaka, mag-ingat ka."

"Naku! Hindi problema si Tagak, Narra," huni ni Maya. "Sa katunayan ay palakaibigan siya. Napakabait at matulungin. Tinulungan nga niya akong gumawa ng pugad."

"Hindi tayo nakakasiguro. Ang akin lang ay ang kaligtasan ni Palaka."

"Narra, ayos lang. Huwag kang mag-alala. Malawak ang palayan. Malimit na mag-krus ang aming landas," pag-agap ni Palaka.

"Suhestyon lamang, Palaka," ani Narra.

Katulad ng mga payo ng mga nakatatandang palaka, ikinubli ni Palaka sa kanyang munting utak ang mga wika ni Narra. Puso at utak ay parehong mumunti lamang. Pero dahil mas malakas ang pagtibok ni puso, nadedehado si utak.

O, utak! Kailan ka mag-aalsa? Nang si Palakang tatanga-tanga ay hindi mauwi sa dusa? O, utak! Kailan ka sisigaw? Nang si Palaka na bingi ay marinig na ang iyong mithi. Dahil habang siya'y ginagapos ng pag-ibig, nalilimutan na niyang mag-isip. Na tila ba ang kapalit ng pagtibok ng puso ay pagbaon ng utak sa limot. Utak, kung ikaw ay hindi kikilos, si puso ay magmamahal hanggang hindi na siya makatibok.

Isinantabi na ni Palaka ang kanyang utak at sinunod ng lubusan ang puso. Isang gabi, niyaya siya ni Maya na magliwaliw sa gitna ng palayan. Makinang ang hindi-buong buwan. Ang bituin ay tila mga perlas na nakakalat sa isang maitim na dagat.

"Palaka, masaya ka ba dito sa palayan?" nagtanong si Maya.

"Syempre," sagot ni Palaka. "Dito na ako maninirahan habang buhay."

"Ngunit, hindi mo ba gustong malaman kung anong kulay ng langit sa ibang panig ng mundo? Rinig ko ay kahel ang dahon ng mga puno sa ibang lugar, at mala-bahaghari ang kulay ng kanilang mga ibon."

Nag-isip si Palaka gamit ang kanyang puso, at hinayaang ilarawan nito ang ibang panig ng mundo. Ano ang kulay ng langit sa ibang lugar? Tumingala si Palaka at kumokak sa dilim ng gabi. "Nais ko, Maya. Ngunit..."

"Ngunit natatakot ka," dugtong ng ibon. Lumipad ito palapit sa palaka. "Kung gayon, lilibutan natin ang mundo ng magkasama."

"Paano? Pwede sa'yo dahil makakalipad ka, habang ako..."

"Hihingi tayo ng tulong," awit ni Maya. "Mula kay Tagak!"

Napatalon paatras si Palaka. "S-Si Tagak?"

"Oo. Matulungin iyon."

"Pero paano naman niya tayo matutulungan?"

Tumihol si Maya. "Ako'ng bahala. Pumarito ka lang bukas ng gabi."

Hindi pa man makasagot si Palaka ay nagpaalam na si Maya at lumipad patungo sa kanyang pugad.

Kidlat ang pagdating ng sumunod na gabi: mabilis at nakakatakot. Kinakabahan man, tumungo si Palaka sa palayan para makita si Maya. Nakita niya ito sa gitna ng gintong palayan. Kasama ang ibon na makitid ang tuka at mahaba ang mga binti. Hindi nagkakamali si Palaka. Ang kasama ni Maya ay si Tagak!

Tatalon na sana siya palayo, ngunit nahagilap siya ni Maya. "Palaka!" tawag niya. "Andyan ka na pala." Nang nakitang mabilis ang pag-alis ni Palaka, dagdag niya, "Palaka! Huwag kang matakot! Kaibigan natin si Tagak."

"Kakainin ako niyan!"

"Hindi nga. Tutulungan niya tayong libutin ang mundo."

Tumigil si Palaka at matapang na hinarap ang dalawa. "Paano naman niya iyan gagawin?"

"Nakikita mo ba itong dala niya?" Itinuro ni Maya ang takuyang dala ni Tagak. "Isisilid ka diyaan nang mabitbit ka niya at malipad kung saan."

Ibinaba ni Tagak ang dala. "Alam kong takot ka sa akin, Palaka. Ngunit makakatiwala kang hindi kita sasaktan," salita niya.

"Sige na, Palaka," pagmamakaawa ni Maya. "Hindi mo ba nais na libutin ang daigdig kasama ako?"

Ang mapang-akit na mga mata ni Maya ay tumusok sa mahinang puso ni Palaka. Si Palaka, na tatanga-tanga, ay walang pag-aalinlangang tumalon sa loob ng takuyan. "Nais ko, Maya. Tara na."

At nilipad na nga ni Tagak si Palaka. Bumulusok sila at sumayaw sa hangin.

"Nahihilo ako. Sandali lang," pagmamakaawa ni Palaka.

"Hindi tayo pwedeng tumigil. Malaki ang mundong gagalugarin," ani Maya.

"Pero, Maya– Ahh!" Ramdam ni Palaka ang pagbagsak ng takuyan. Halos siya'y tumilapon palabas dito. Sumilip siya sa mga butas ng sisidlan at nakita ang isang mabatong paligid. "Maya, nasaan tayo?"

"Malaki ang mundong nais kong galugarin, Palaka," ani Maya.

"Gagalugarin natin iyon ng sabay, hindi ba?"

Tahimik si Maya. Hindi mawari ni Palaka ang dilim sa kanyang mga mata. "Tagak, salamat sa pagbuo ng pugad ko. Sigurado akong kumportable ang magiging pamilya ko roon."

"Walang anuman, kaibigan," tinig iyon ni Tagak. Kasing lamig at dilim ng gabi. "At salamat sa munting regalo. Masisiyahan ang aking pamilya."

Hindi na mapakali si Palaka. Gusto niyang lumabas sa takuyan ngunit natatakot siya. "M-Maya?" Walang sumagot. Ngunit nadidinig niya ang pagaspas nito. "Maya? Bakit tayo tumigil?"

"Hanggang dito nalang ang ating paglalakbay, Palaka."

"A-Anong ibig mong sabihin?" ani Palak, takot sa paglamig ng awit ng ibon.

"Aalis na ako, Tagak. Salamat ulit."

"Salamat din, kaibigan!"

Buo na ang buwan sa gabing iyon. Maalitaptap ang paligid, at maliwanag na nakita ni Palaka ang pag-alis ni Maya. Ang mga perlas ni Palaka sa kalangitan ay nalaglag sa lupa. Bumagsak sila at nagkapira-piraso, gaya ng pagkapira-piraso ng kanyang katawan–at sa huli, ng kanyang puso.

--

Had a hard time reducing the word count for this one! So it might feel a little bit "trimmed." Gayunpaman, nawa ay nagustuhan ninyo ang pagbabasa ng aking munting kwento (mas munti pa rin ang utak at puso ni Palaka) at napulutan ito ng aral.

Si Palaka na Tatanga-tangaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon