Hanggang dito na lang ba?
---------------x
Tumingin ako sa kaliwang parte ng daan. Nandoon kasi siya, kasama ng mga kaibigan niya at nakikipagtawanan habang naglalakad. Ang saya niya ngayon. Masayahin naman talaga siya eh, ano pa bang bago?
Napayuko ako at matamis na ngumiti. Gustong-gusto ko siyang nakikitang nakangiti. Gumagaan ang pakiramdam ko kapag nakikita ko yung ngiti at naririnig ko yung tawa niya na iyon. Hindi kasi buo ang araw ko kung hindi ko siya nakikitang masaya. Hindi buo ang araw ko kapag hindi ko siya natatanaw.
Corny, pero totoo.
Hindi siya sikat, pero talented siya at marami rin namang nakakakilala sa kanya rito sa university pati rin sa dati niyang school. Hindi siya gwapo, pero may kakaiba talaga siyang appeal. Hindi siya tinitilian. Hindi siya pinipilahan ng mga kababaihan. Hindi kami tulad ng nasa ibang storya na hindi magkakilala at para bang langit at lupa ang pagitan.
Dahil sa totoo lang, abot na abot ko siya. Magkakilala kami pero hindi kami yung 'friends' talaga. Siguro hanggang 'Hi' at 'Hello' lang kami. Dati ko pa siya kilala, pero hindi ko siya dating kaklase. Nagkakilala kami sa facebook. May mga kaibigan kasi ako na kakilala siya. So ayon, doon nagsimula ang lahat.
First year ko siya nakilala noon. Wala lang, normal lang. May iba pa nga akong kinababaliwan nun eh. Palagi niya akong china-chat. Normal conversation lang. May post ako, magre-react siya. Minsan bigla na lang siyang magha-'Hi' at 'Hello'. Tulad ng nasa pangalawang pangungusap ng talatang ito, normal lang para sa akin. Parang wala nga lang eh.
Hindi ko type yung mga katulad niya. Lahat nga ng gusto ko sa isang guy, wala sa kanya pero napag-isip isip ko rin na ang 'ideal guy' ko ay base lang sa itsura. Ngunit sa kanya, personalidad niya ang nagustuhan ko. Yung buong 'siya' na kahit anong imperfection ang ipakita niya, siya pa rin ang gusto ko.
Ang weird nga eh, nagising na lang kasi ako isang araw na gusto ko siya. Biglaan talaga. Ni hindi man lang nagbigay ng warning tong puso ko, kung kani-kanino nagkakagusto. Yung tipong, iba na ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita ko siya. Iba na yung ngiti ko sa tuwing nakikita ko yung pangalan niya kahit sa facebook man lang o sa twitter. Nakakainis man isipin, hindi ko man matanggap na nagkagusto ako sa isang tulad niya... hindi ko pa rin maiitanggi eh.
Dakilang stalker rin ako kaya pati schedule niya sa first sem, nakuha ko. Tuwing nakikita ko siya, asahan kong titingin agad ako sa oras ng cellphone ko. Tinatandaan ko kasi ang oras para sa susunod, sakto na akong pupunta sa kinatatayuan ko para makasilay. Parang tanga lang eh, natatawa nga rin ako sa sarili ko.
"Nakakatakot ka naman April. Kung makangiti ka diyan, akala mo nasa harapan mo na yung abs nila Diether Ocampo at Zanjoe Marudo." Hindi ko namalayan na kasama ko pala ang best friend ko. Masyado kasing busy ang isip ko sa pag-iisip tungkol kay Ian eh. Tama, si Ian Castro. Ang lalaki na parang wala lang sa akin dati pero ngayon, halos kabaliwan ko na.
"Iniisip na naman siguro si Ian. Ano ba April?! Ang daming mas may itsura sa Ian na yan." Napatigil ako sa paglalakad at tumingin nang masama kay Faye. Itinaas niya ang kamay niya na para bang sumusuko sa isang gyera. "No offense meant April. Wag mo na ako patayin sa titig mo, okay?" umiwas ako ng tingin at umaarte pa rin na nagtatampo. Well, inaamin ko naman na medyo nagtatampo ako kasi masyado niyang gina-judge si Ian sa itsura.
Excuse me, hindi ko kailangan ng gwapo no. Tsaka cute naman si Ian eh, may itsura naman. Ano bang problema sa hindi 'gwapo'? Porket gwapo, dapat iyon ang crush? Kalokohan. Ang mata, namimili yan at nanghuhusga base sa itsura pero ang puso, hindi. Basta't naramdaman mo na yung kakaibang feeling na iyon, alam mo na.