JUNE ENTRY

23 1 0
                                    

Umihip ang malamig na hangin kasabay ng pagpatak ng ulan. Ito ang paborito kong panahon. Ang tag-ulan. Sapagkat nilulunod ng bawat patak ng ulan ang mga ingay sa paligid.

Ang mga boses na nagmumula sa mga nanghuhusga.

Sawa na akong marinig ang mga opinyon nila.

Nakakapagod, nakakapanlumo, nakakapanghina.

Pare-pareho lang naman sila ng sinasabi. Nagbibigay ng payo sa kung ano ang tama at kung ano ang mali.

Pero may mali ba sa pag-ibig? Mali ba ang magmahal? Hindi ba’t dapat tayong magmahalan?

Matagal na akong naninirahan sa madilim na mundo. Kung saan itinago ko ang tunay kong pagkatao at sumunod sa kagustuhan ng iba.

Pero nang dumating siya, napuno ng kulay ang buhay ko.
Pakiramdam ko nakatungtong ako sa bahaghari sa tuwing nasa tabi ko siya. Lahat ng sari-saring emosyon ay nararamdaman ko.

Pag-ibig.

Kasiyahan.

Kalayaan.

Paninibugho.

Kalungkutan.

At pagiging kalmado.

Parang sasabog ang puso ko. Wala na akong ibang gustong gawin kundi ang mahalin siya.

Gusto kong ipagsigawan sa buong mundo na siya...ang tahanan ko.

Ang nagkulay sa madilim kong mundo, ang nag-alis sa akin sa kadiliman.

Habang pinagmamasdan ko ang maganda niyang ngiti, ang bawat pagkurap ng kaniyang mga mata, ang kaniyang matangos na ilong, at ang kaniyang matipunong katawan, napapaisip ako.

Isa ba siyang anghel na bumaba rito sa lupa upang pasiyahin ako?

“Lucas, nais mo bang makita ang dulo ng bahaghari?” malambing kong tanong habang nakatanaw sa iba’t ibang kulay na nasa langit.

“Noon gusto kong makita. Pero nang makilala kita, wala na akong ibang gustong makita kundi ikaw lang... Gabriel. Mahal kita,” sambit niya.

Tumibok nang mabilis ang puso ko. Masaya ako. Sobrang masaya. Dito sa bisig ni Lucas, ang taong mahal ko. Mananatili ako sa tabi niya dahil dito ang tahanan ko.

“Mahal kita, aking bahaghari.”

You Brought Colors To My Life (Write-A-Thon Challenge: JUNE ENTRY)Where stories live. Discover now