Naawa ka ba?

175 2 3
                                    

Noong una, akala ko, ako na ang pinaka-problemadong tao sa mundo. Lagi akong ginagambala ng mga bagay para sa ikabubuti ko. Iniisip ko, kaawa-awa na akong nilalang. Pero ayoko nang kinakaawaan ako. Hindi ko alam, pero ayokong lumalapit at tinutulungan lang nila ako dahil sa awa. Pero mali ako,  hindi pala dapat na ganoon ang iniisip ko.

        Isang araw, habang naglalakad pauwi, may isang pangyayari na kumurot sa puso ko. May bata kasi na nakakita ng isang banana cue sa daan na nilalanggam. Pinulot niya ito, pinagpag saka kinain. Napa-isip ako,

“Ganoon na ba talaga kahirap ang buhay ngayon?”

Maya-maya, nalaglag niya rin ito dahil kinagat ng mga langgam ang paa, kamay at bibig niya. Umiyak siya, iyak na sanhi ng sobrang gutom at sakit ng kagat ng mga langgam. Yumuko nalang ako para maitago ang mga namumuong luha sa aking mga mata. Nagpatuloy nalang ako sa paglalakad at hindi na siya tiningnan pa.

Mula noon, lagi ko na siyang nakikita kung saan-saan. Nakita ko siya isang beses sa tambak ng mga basura, naghahanap ng makakain. Nakakita siya ng inaamag na tinapay. Pagkakuha, agad itong nilantakan na parang wala nang bukas. Halos hindi na siya humihinga sa laki ng mga kagat nito. Tumingin siya sa akin at dinala sa malayo ang tinapay niya sa pag-aakalang aagawin ko ito sa kanya. Minsan rin, nang napadaan ako sa isang carenderia, naroon siya sa kilid ng mga taong kumakain. Nag-aabang ng pagkaing iibigay sa kanya ng kung sinumang “Good Samaritan”. Pero pagbalik ko, andun pa rin siya, naka-upo at nag-aabang. Hanggang sa isang plato na puno ng tirang pagkain ang nahulog. Agad niya itong tinakbo upang maka-agaw ng kahit konting pagkain, ngunit mabilis rin ang bugaw sa kanya ng isang lalaki. Ang lupit naman niya, tira na nga lang, pagdadamot pa. Tumakbo siya papalayo bitbit ang isang fried chicken na naagaw niya. Pagkapuwesto sa isang tabi ay agad niya naman itong kinain.

“Ang oras ay pito at dalawampu’t tatlong minuto na ng hapon!”

Iyan ang ingay na nakapagising sa akin. Tunog ng aking speaking clock. Pagkabangon ko, aba, umuulan pala, kaya kinuha ko ang jacket ko at nag-ayos para lumabas at bumili ng hapunan. Pagkatapos kong magpabalot, dumaan ako sa pharmacy, bibili ng gamot para sa ngipin kong ilang gabi na akong pinupuyat. Paglapag ko sa payong, nakita ko nanaman siya. Nakahiga at nanginginig sa lamig. Kasama rin niya ang iba pang mga katulad niyang palaboy. Nilapitan ko siya at inabot ang isang pirasong tinapay. Nahihiya pa siya nung una kaya inilapag ko nalang. Pagtayo ko, agad niya namang kinain ito. Natuwa na rin ako kahit papano at saka ako umuwi.

Mula noong binigyan ko siya ng tinapay, lagi ko na siyang binibigyan gabi-gabi. Dumaraan ako sa munti niyang puwesto. Kahit na hindi niya ako masabihan ng ni isang “salamat”, ayos lang naman. Kita naman kasi sa mga mata niya ang labis na tuwa.

Hanggang isang araw, wala siya sa puwesto niya. Hindi ko alam kung bakit pero lagi niya naman akong inaantay doon. Naisip ko, baka namasyal lang kaya iniwan ko na lang ng pagkain sa puwesto niya. Kinabukasan, bumalik ako ngunit wala pa rin siya. Ang pagkaing iniwan ko, langgam ang nakinabang. Pagkatapos noon, hindi ko na siya nakita pa ulit. Hindi ko rin alam kung saang lupalop ng mundo siya nilipad.

Matapos ang isang buwan, nakita ko ulit  siya. Payat na payat at maraming sugat. Kasama niya ang iba pang mga palaboy, nag-aabang sila sa labas ng isang fast food chain, hinihintay ang mga sako-sakong basura at tirang ilalabas ng isang matanda. Hindi ko na siya nilapitan, marahil ay mas gusto niyang mag-isa.

Alas sais na ng hapon at nagmamadli akong sumakay ng jeep papunta sa tututoran ko. Pagdaan ko sa palengke, nagkakagulo. May isang lalaking tumatako, may hawak na itak,parang may hinahabol. Puno ng dugo ang apron niya na tinatakpan ang hubad at malaki nitong tiyan. Nagka-traffic ng kaunti. Hinanap ko ang hinahabol niya. Ang kaibigan ko pala, nagnakaw ng karne. Tumatakbo rin siya ng mabilis, halos lumilipad na siya. Ang bawat mabangga niya, umaangal nalang. Tumakbo siya papunta sa kabilang kanto. Tumawid siya. Hindi ko na siya nakita pa. Hanggang sa isang malakas na busina at tunog ng brake ang narinig ko. Kasunod noon, tumilapon na rin ang nanghihinang katawan ng kaibigan ko. Masama ang bagsak niya, nagdugo ang ulo. Pero ano nga naman ng pakialam nila sa isang kawawang aso?

Masakit na ang mga kamay ko. Ubos na rin ang tinta ng ballpenko.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 08, 2011 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Naawa ka ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon