Poot ng Kahapon

15 1 0
                                    

"Maligayang pagdating po, sir!" bati ng katulong kay Marco. Napangiti ito dito at tinignan ang kabuuan ng kanilang mala-mansyong tahanan. Tila may isang malamig na hangin ang yumakap sa kanyang puso ng makarating siya sa may hagdanan. Sinipat nito ang pasamano habang mabigat ang mga paang umaakyat sa ikalawang palapag.

"Kuya!" Dali-dali siyang tinakbo ni Miya at mahigpit siya nitong niyakap. "Akala ko ay hindi ka na darating." Sambit nito ng kumalas sa pagkakayakap sa kaniya. Hindi niya ito inimik, kaya naman ay hinatak na siya ni Miya patungo sa isang pamilyar na silid.

"Mama! Andito na si kuya Marco!" hinatak siya nito papasok sa loob ng silid na iyon. Bumungad sa kanya ang nanghihinang katawan ng kaniyang ina. May mga makina sa tabi nito at may nakakabit ditong oxygen, ngunit ng makita siya ay halos gusto nitong tumayo at hagkan siya ngunit dahil na din sa kaniyang kalagayan ay hindi na nito nagawa.

"M-Marco, a-anak..." mahina nitong sabi habang pilit na inaabot ang kanyang kamay. Hindi nito inabot ang kamay ng kaniyang ina, bagkus ay pumihit ito patungo sa may veranda. "A-anak..." Narinig pa nitong sabi ng kaniyang ina pero hindi niya ito pinansin.

"Kuya, tinatawag ka ni mama." Malungkot ang tinig na sabi sa kaniya ni Miya.

"Hindi ako narito para sa kaniya. Alam mo 'yon hindi ba?" Masungit na sagot nito kay Miya.

"Pero kuya, matagal na panahon mong hindi nakita si mama, matagal na panahon niyang hinintay ang pagbabalik mo, punay iti iliw nan kinyamon."

"Mana ang pinunta ko dito, Miya. Hindi ako pumunta dito para marinig ang drama mo." Isang malutong na sampal ang nakuha nito sa kapatid. "Hindi ka pa din nagbago! Nuknukan ka pa din ng kabastusan! Naghihingalo na ang ating ina, walang oras na binabanggit niya ang pangalan mo. Tapos heto ka ngayon, hahabulin ang mana mo? Humihinga pa si mama kuya pero mana na ang nasa isip mo!" Dinuro duro nito ang dibdib ni Marco, kaya naman mahigpit na hinawakan ni Marco ang kanyang kamay.

"Baka nakakalimutan mo Miya na ang kinatatayuan mo ngayon ay pagmamay-ari pa ng daddy ko na pinatay ng daddy mo at ng nanay natin. Binabawi ko lang kung ano ang para sa akin." Malakas niya itong naitulak na naging dahilan ng pagbagsak ni Miya sa sahig.

"A-anak, M-Marco... t-tam-a n-na." Mahina itong binanggit ng kanilang mama pero dahil na din sa katahimikan ng lugar ay narinig nila ito. Tinalikuran ni Marco si Miya at iginala ang kanyang mata sa hekta-hektarya nilang tanamin ng palay. Alam nitong nakatayo na si M-Miya ng bigla itong magsalita.

"Alam kong kailanman ay hindi mo ako itinuring na kapatid. Pero sana naman mahanap mo diyan sa puso mo ang pagpapatawad. Hindi ginusto ni mama ang nangyari sa daddy mo kuya. At baka nakakalimutan mong parehas na namatay ang mga tatay natin noong araw na iyon."

Nagpanting ang tenga ni Marco ng marinig ang mga ito sa kanyang kapatid. "Hindi mo nakita ang mga nakita ko Miya. Kaya huwag kang magmagaling sa pangangaral sa akin patungkol sa pagpapatawad dahil hindi mo alam ang mga nang-"

Napatigil si Marco ng marinig ang static na ingay na nagmumula sa makinang nakakabit sa kanilang ina. Tumakbo sa loob si Miya na agad naman nitong sinundan.

"Ma!" Sigaw nito, at agad na may pinundot sa taas ng kama. "Ma! Parang-awa mo na ma, please! Huwag mo muna akong iwan ma!" Maya-maya pa ay dumating na ang nars nito at inumpisahan siyang i-revive.

Hindi alam ni Marco kung anong emosyon ang nararamdaman nito, gaya ng araw na dumating sa mansyon ang kanyang Tiyo Alberto at may dalang baril. Itinutok ng kanyang Tiyo Alberto ang baril na hawak nito sa sintido ng kanyang ama. Pinaakyat siya ng kanyang ama sa ikalawang palapag upang hindi na siya madamay sa kanilang away magkapatid. Naaalala pa nito na nagtago siya sa likod ng malaking haligi. "Anong ginagawa mo diyan anak?" Tanong ng kaniyang ina. Hindi niya ito sinagot at ibinaling ang tingin sa ibaba kung saan nagtatalo ang kanyang daddy at ang kanyang Tiyo Alberto. Nang makita ito ng kaniyang ina ay hindi na nag-atubiling tumakbo pababa upang awatin ang magkapatid.

"Alberto, Diosdado, anong nangyayari dito?" Rinig ni Marco ang nginig sa boses ng kaniyang ina. "Cory, sumama ka na sa akin. Buuin natin ang ating pamilya. Ikaw, ako, at ang baby natin. Hindi ba't hindi mo na mahal ang kuya? Kaya ako pumunta dito upang kunin ka at ang magiging anak natin. Kaya halika na sumama ka na sa akin." Nagulat si Marco sa narinig, hindi niya alam na buntis ang kaniyang ina, at ang ama ng magiging baby nito ay ang kaniyang Tiyo Alberto.

"Pasensya na Alberto, pero hindi ako sasama sa iyo. Mahal ko ang Kuya mo, at kung anuman ang nangyari sa atin ay isa lamang pagkakamali. Pero ang dinadala ko ay buong pusong tinatanggap ng kuya mo. Nag-usap na kami at nagkasundo na siya ang kikilalaning ama ng batang ito." Napasabunot si Alberto ng marinig ito kay Cory. "Hindi! Hindi maaari! Alam kong mahal mo ako. Ano tinakot ka ba nitong si Diosdado, ha? kaya ngayon hindi mo magawang aminin sa kaniya kung sino ang mas mahal mo?!" Nagulat si Cory sa pagsigaw nito. Hinatak siya ni Alberto palabas ng kanilang bahay pero hinatak ni Diosdado ang kaniyang asawa pabalik sa kaniya dahilan para mabitawan ito ni Alberto. Hinarang ni Diosdado ang kaniyang sarili sa harap ng kaniyang asawa. Muli ay tinutok ni Alberto ang baril nito kay Diosdado. "Alberto, parang awa mo na, itigil mo na ito. Ako ang mahal ni Cory hindi ikaw. Pinagsamantalahan mo lang siya dahil sa sobrang pagkahumaling mo sa kaniya at isa pa ay nasa ilalim ka ng impluwensya ng droga. Kaya ading itigil mo na 'to, gumising ka na sa katotohanan na ako ang mahal ng asawa ko at hindi ikaw."

"Hindi! Ako ang mahal niya!!!" Pagkasabi nito ay naiputok ng dalawang beses ang baril na hawak nito sa kaniyang kuya na dahilan upang bumulagta ito sa tapat ng hagdan. "Mahal!" Sigaw ni Cory na dahilan upang lumabas si Marco sa kaniyang tinataguhan. "Daddy!" Mabilis itong bumaba sa hagdan at pinuntahan ang wala ng malay nitong ama. Isang putok ulit ang dumagundong sa tahanan at nakita nilang mag-ina ang pagbagsak ng walang buhay na katawan ni Alberto sa malamig na sahig.

Napabalik sa ulirat si Marco ng maramdaman ang pagtulo ng nag-uunahang mga luha sa kaniyang mga mata. "A-anak..." Pilit na ibinibigay ng kaniyang ina ang kamay nito sa kaniya. Na-irivive siya ng nars, pero makikita dito na sobra na itong nanghihina. Pinunasan nito ang mga luha at dali-daling inabot ang kamay ng ina at hinagkan ito. "Ma... Patawarin mo ako ma!!!" Para siyang batang humihikbi sa tagiliran ng kaniyang ina. Habang paulit-ulit nitong sinasabi ang mga salitang 'patawarin mo ako' maski nanghihina ay pinilit ng kaniyang ina na hagurin ang likod ng kaniyang anak. Ang tagal ng panahon na hinintay nito na yakapin siyang muli ng kaniyang anak at tawagin siyang 'mama'. "A-ako... ak-o dapat ang humingi ng ta-wad sa iyo a-anak... A-ako ang d-dahilan b-bakit n-namatay ang d-daddy mo." Muling nagtubig ang mga mata ni Marco ng marinig ang mga salitang ito sa kaniyang ina. "A-ako ang may ka-kasalanan. P-patawarin mo ako a-anak." Humigpit lalo ang pagkakayap dito ni Marco.

"Ma, wala ka pong kasalanan. Nagtanim po kasi ako ng galit sa puso ko, at wala akong ibang sinisi kung hindi ikaw at si Miya. Hindi ko pa po maintindihan noon ang dahilan ng pagkamatay ni daddy. Kaya ako po dapat ang humingi ng tawad sa inyo dahil mas pinili kong ilayo ang loob ko sa inyo."

Ngumiti ang kaniyang ina, dahan-dahan nitong hinawakan ang kaniyang pisngi. "M-mahal na m-mahal kita anak, k-kayong dalawa ng ka-kapatid m-mo ang t-tanging yaman ko. Masa-ya a-akong makita kayong da-lawa na magkasamang m-muli." Huminga ng malalim ang kaniyang ina. "Pwede bang dito ka muna ma? Huwag niyo po muna kaming iwan. Hayaan mo akong punan ang mga panahong nasayang ng dahil sa galit ko." Nanghihinang ngumiti ang kanilang ina. "Sa-sapat n-na sa akin na nayaka-p k-kita a-anak. M-mailiw ak kenni daddy mon. Andiyan n-na siya, s-sinusundo na n-niya ako." Napaluhod si Marco ng marinig ito. "Mama, mahal na mahal po kita ma." Pagkasabi nito ay narinig na muli nila ang static na ingay mula sa makina.

"Oras ng pagkakamatay, 7:29 ng gabi." Sambit ng nars.

"Mama ko..." humagulgol ulit ito sa iyak. Naramdaman niya ang isang kamay sa kanyang likod, nilingon niya ito at nakita si Miya na basang basa na din ng luha ang kanyang mukha. Tumayo si Marco sa pagkakaluhod at yinakap si Miya.

"Patawarin mo ako ading, hayaan mong bumawi sa iyo ang kuya."

Pagsasalin

punay iti iliw nan kinyamon – Sobrang nangungulila na siya sa iyo

M-mailiw ak kenni daddy mon- Na-mimiss ko na ang daddy mo

Poot ng KahaponTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon