III

13 3 0
                                    

Lumakbay ang kilabot mula sa balakang ni Erika paakyat sa ulo. Nagpumiglas siya. Ngayon lang niya napagtanto ang parehas na sinapit ng kanyang kamay at paa. Gusto niyang hanapin ang taong ito. Subalit, magkasingkulay ang paligid at ang budhi nito. Tila pinagdamutan siya ng liwanag. Bakit ba nangyayari ito kay Erika?

"Tama lang na gising ka. Para alam mo rin kung ano ang mga gagawin ko sa 'yo," magaspang nitong saad.

Nagsipagtayuan na ang balahibo ni Erika sa katawan. Umaangat ang dibdib sa bawat paghinga. Sinubukan niyang pagulungin ang katawan ngunit nabigo siya. Ngayon lang din niya napagtanto ang hapdi ng katawan. Ang kaliwang braso niya ay napuno ng kirot. Wala siyang alam kung ano ang ginawa nito sa kanya. Kung sinugatan siya o ano, hindi niya malaman.

"Wag ka nang gumalaw. Wala ka namang ibang pupuntahan, eh."

Pigil ang hininga ni Erika nang may maramdaman. Namuo na ang kanyang luha. Matulis ang talim na lumakbay sa kanyang leeg. Sa bawat pagdaan nito ay lumalalim.

"Hmm." Humikbi si Erika sa kabila ng harang sa kanyang bibig.

Bumulong na naman ang boses. "Para alam mo, kutsilyo 'yan. 'Yung pinakamalaki at pinakamatalim. Tama 'yan. Umiyak ka lang. Wala namang ibang makakarinig sa 'yo kundi ako lang."

"Hmm!" Nag-unahan na ang mga luha ng dalaga.

"Kung alam mo lang, kulang pa ang mga luha mo sa pambabalewala mo sa 'kin!" Mas marahas na ang talim na umuukit sa leeg ng dalaga. "Kulang pa ang sakit na 'to sa ginawa mo!"

Gusto ni Erika na pigilan ang lalaki pero naninigas lang ang kanyang katawan sa sahig. Magpumiglas man siya, walang ibang makakarating sa kanyang isip kundi sakit lang. Palaging sakit at hapdi. Maramdaman man niya ang agos ng kanyang dugo, hindi na niya ito mapapahinto.

Ang gusto niyang gawin ngayon ay ang alalahanin kung sino ang nagmamay-ari sa boses na ito.

"Ilang beses kitang pinapadalhan ng mensahe! Palagi akong nagpapalit ng numero! Lagi kitang sinusundo matapos mong pumasok pero ayaw mo! Ano bang gusto mong gawin ko para ako naman ang mahalin mo?!"

"Masarap ba ang atensyon galing sa iba, ha?!" Walang pigil ang lalaki sa lakas niyang pagtaga sa katawan ng dalaga.

Humugot ng paghinga si Erika nang tumama ito sa balikat niya. Halos ituring siya na may bulak sa katawan. Wala sa isip ng kasama na nasasaktan siya sa paulit-ulit na pagtaga nito. Kada baon ng talim, napapahinga siya nang malalim. Matapos sa balikat, lumipat ang hapdi sa dibdib, sa braso, sa tiyan at sa baywang.

"Hmm! Hmm!"

"Noon pa lang, mahal na kita! Pinapasaya mo ako lagi pero bakit sinasaktan mo na 'ko ngayon?! Ano bang ginawa ko sa 'yo?!"

Nauubo si Erika. Lumalanghap siya ng hangin. Naghahalo na sa pang-amoy niya ang asim at lansa ng sariling dugo. Hindi pa rin niya mahanap sa isip kung kanino ba ang boses na iyon.

"Hmm—!" Nawala ang tela sa kanyang bibig ngunit isang malamig na labi ang sumiil sa kanya. Ramdam pa ng dalaga ang basang dila na dumaraan sa kanyang labi. Naghalo ang kanyang takot at pandidiri.

"Mahal na mahal kita. Sabihin mo lang na mahal mo 'ko, ititigil ko na 'to."

Nanginginig ang kalamnan ni Erika. Nag-uunahan naman ang kanyang mga luha. Lubhang masakit ang lalamunan upang magsalita pa. Nakatingin lang siya sa kawalan habang tinitiis ang sakit dulot ng mga sugat at galos sa katawan.

Sobrang dilim. Mistulang tinanggalan siya ng pag-asa para mabuhay.

Isang malakas na hagupit ang lumagapak sa mukha ni Erika. Nalasahan niya ang kalawang. Mula iyon sa sariling dugo. Pumihit sa kaliwa at kanan ang kanyang ulo dahil hindi naging sapat ang isa o dalawang sampal nito. Manhid na ang kaliwang pisngi samantalang mahapdi naman ang kanan.

"Ayaw mo ba talaga sa akin?! Dahil lalaki ako?!" Malakas na dumaing si Erika dahil sa kamaong tumama sa kanyang mukha.  "Pwes, gagawin kitang babae ngayon!"

Pinagalaw ng dalaga ang kanyang mga daliri sa paa. Ito lang ang hindi tinatamaan ng sakit. Maswerte ang pinangtatapak niya ngunit alam niyang kinabukasan, hindi na siya makakatapak pa sa lupa.

"P-patayin mo na lang a-ako," bulong ni Erika. Tuluyan nang naubos ang pag-asa niya. Nakasalalay na lang ang kapalaran niya sa kamay na bakal ng kasama.

Sa wakas, matatapos na ang paghihirap ni Erika. Hindi na rin naman ito bago sa kanya. Sa murang edad, nakilala na niya ang pangmamalupit sa kamay ng kanyang sariling magulang. Batak sa pinagbabawal na gamot ang kanyang ama, sumunod naman ang ina niya. Sa tuwing humahapak sila ng bato, siya ang pinaglalaruan ng mga ito. Umabot na rin sa puntong napilit ang pitong-taong gulang na bata na humithit katulad ng mga ito.

Kung hindi itinakas ni Lola Ermita si Erika, baka nasa kulungan na rin ang apo. Matapos manirahan sa piling ng lola, wala nang naging balita pa si Erika tungkol sa mga magulang. Naglalaro na lang sa imahinasyon niya kung nakakulong na ito o malaya.

Hindi pa doon nagtatapos ang delubyo ni Erika. Nakapag-asawa ulit ng mas batang binata ang kanyang lola. Halos sampung taon lang ang tanda sa kanya. Ginagawa siyang laruan nito tuwing gabi. Lalo na kapag wala ang lola. Sa tuwing namamatay ang ilaw sa kwarto niya, alam na niyang may papasok para makipaglaro ng apoy sa kanya.

Palagi niyang inaayawan ang dilim. Hindi dahil sa mga nilalang ng démonyo na palaging panakot sa kanya dati. Mas nakakatakot ang mga nilalang na mas demónyo pa sa demonyö. Mga nilalang na ihinalintulad ng Diyos sa sariling wangis.

Ngayon, kadiliman na naman ang nambiktima kay Erika. Humihinga pa rin siya pero daig na niya ang agnas na katawan. Parang mga gagamba ang mga kamay bumababa sa kanyang hita. Tila galamay nito ang mga daliring may dala ng kanyang saplot. Mga uod ang mga kamay nitong humahaplos sa kanyang katawan. Mas lalong namutawi ang pandidiri ni Erika sa katawan. Sana lang sa kabilang buhay, walang ganito.

Sa manhid niyang katawan, wala na siyang naramdaman pa kung ano ang sunod na ginawa sa kanya. Magagaspang na ungol at mura ang malinaw sa kanyang pandinig. Wala na ring pagnanais pa si Erika na malaman kung ano ang ginagawa nito sa kanya. Bumibigat na ang dibdib niya. Binabawi na ang hanging pinahiram sa buhay niya. Humihiling na lang siya sa kawalan na pabilisin ang kanyang pagdurusa. Patuloy pa rin ang pagkarera ng kanyang mga luha. Kasabay ng agos nito ay ang paulit-ulit niyang pagsumpa at paghingi ng tawad.

Kung may hustisya man pagkatapos nito, kahit katiting lang, lubos niya itong pasasalamatan.

Sunod-sunod na nagpakawala ng mga malalalim na paghinga ang pobreng katawan ng dalaga. Nagsimula nang mangisay ang balingkinitan nitong katawan. Napapangiti na lang ang lalaki dahil kasabay nito ang ligayang ibinahagi niya sa dalaga. Napawi lamang ang ngisi nito nang bumukas ang ilaw.

Bumalik ang kuryente sa baranggay. Maliwanag na ulit ang mga kabahayan. Sa bahay na kuta ng lalaki, malamig na hangin ang pumaligid sa kanya. Parang binuhusan ng nagyeyelong tubig ang lalaki. Ramdam nito ang mabilis ring panlalamig ng katawan ng dalagang dinala rito. Malinaw nitong nakikita ngayon ang kalagayan ng kasama. Tadtad ng hiwa ang magkabilang-braso ng dalaga. Marami ring taga sa iba't ibang parte ng katawan.

Nang umabot ang mga mata sa mukha ng dalaga, puno na ito ng pasa at namamaga pa ang pisngi. Mas lalong luminaw sa lalaki ang nangyari.

Matulin siyang tumakbo sa pinto hanggang sa kalayuan ng mga bahay. Paulit-ulit ang paghingi ng tawad ng lalaki. Pinagtitinginan na rin siya dahil sa ibinubulong nito.

"Ba't hindi ka si Elizabeth?! Ba't hindi ka si Elizabeth?!"

Budhi, Dilim, KubliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon