Ano, sama ka par? Muli kong tanong kay Justine nang hindi ito umimik na tila ba walang naririnig sa usapan ng grupo. Katatapos lang kasi ng aming trabaho sa isang Aircraft company dito sa siyudad ng Baguio. At dahil biyernes na at rest days namin kinabukasan, napagdiskusyunan ng aming munting grupo na bumaba sa amin sa Pangasinan para makapag-relax saglitan. Sa dami ba naman ng stressful na gawain sa kumpanya, kinakailangan ring makapagpahinga ang utak at katawan.
Apat kami sa grupo na kasalukuyang nasa parking area ng aming pinagtatrabahuan upang magplano ng aming gagawin. Ako, si Justine, si Marco at Jasper.
Magpaalam ka na kay Althea habang maaga pa. Once in a blue moon lang naman tayo makalabas. Muli kong tinuran sa kawalan niya ng tugon. Ang kinakasama ni Justine ang aking tinutukoy. Hindi pa sila kasal, pero mayroon na silang isang munting anghel na lalaki na magpipitong buwan. Umuupa rin sila ng isang maliit na apartment sa La Trinidad sa kasalukuyan, malayo sa aming pinagtatrabahuan.
Pero par, masyado pang maliit baby namin. Walang kasama si baket na mag-alaga sa kanya.
Ano ka ba pare, ngayon lang naman to. Kaarawan ni Keith sa lunes pare. Agahan na natin ang celebration para mas mahaba ang celebration natin. Si Marco, taga-Pangasinan rin kagaya ko.
Kita sa mukha ni Justine ang pag-aalangan. Tiningnan niya kaming tatlo saka nagpakawala ng isang napakalalim na buntung-hininga.
Kailan ang balik natin sa Baguio? Sa huli ay napilitan rin siyang pumayag na ikinasaya ng grupo.
Sa linggo sana, kaso kung sakaling gugustuhin mong makauwi bukas ng hapon, puwede ka namang mas maunang bumalik sa Baguio. Sabay na lang kami nina Marco balik sa Linggo. Tugon ko sabay suntok at akbay sa kanya. Ako na bahala sa damit mo. Pahiramin na lang kita.
--------------------
Napakibot ako nang masulyapan ko sa gilid ang mga bote ng double lights na nakasalansan. Di ko mawari kung maiinis o matatawa dahil sa dami na nang naubos naming magbabarkada. Kagaya nga ng napag-usapan ng grupo, heto kami ngayon sa bahay at nagkakasiyahan dahil nalalapit na ang aking kaarawan. Dahil kalagitnaang araw next week, heto lang ang naisip ng grupo para makainom ng todo.
Tagal naman ni Justine sa CR niyo, Keith? Nai-flush na yata yun, ah! Hindi mapigilang turan ni Jasper na ngayon ay pulang-pula na sa kalasingan. Ang may pinakamaliit na katawan sa aming grupo. Iyong magtataka ka kung saan na napupunta ang iniinom na alak dahil sa nipis ng pangangatawan.
Baka naman pasikretong tinatawagan ang baket niya? Segunda ni Marco bagay upang tawanan naming tatlo.
Sa katunayan, napapaisip nga rin ako dahil halos trenta minuto na nga ang makalipas at di pa siya bumabalik sa mesang aming pinag-iinuman. Ala-una na nang madaling araw. Halos tulog na rin lahat ang mga tao sa bahay maging ang aking kasintahan na kinakasama rin namin sa bahay dito sa Pangasinan.
Kinuha ko ang shoting glass. Sinalinan ng alak at tinungga saka sinundan ng nagyeyelong tubig.
Check mo na lang kaya? Dagdag pa ni Marco habang panay ang lamutak sa binti ng manok na aming pulutan.
Tumayo ako makaraan. Napatingin sa kinaroroonan ng aming CR. Nasa likod kasi ang palikuran. Naka-separate siya sa mismong bungalow na aming bahay. Dahan-dahan akong naglakad paparoon habang dinig na dinig ang kantiyawan nina Jasper at Marco na ngayoy pinag-uusapan ang bakla naming bisor.
Hoy! Justine! Buhay ka pa ba diyan? Marahan kung sigaw ng makarating ako sa CR. Walang sumagot ngunit dinig ko ang pagka-flush ng toilet. Tagal mo ah!
Hindi pa rin sumasagot si Justine sa loob. Naghintay ako. Isang minuto. Hanggang umabot sa limang minuto. Nang halos maubos na ang aking pasensya at babalik na sana sa inuman, sakto namang bumukas ang pintuan ng palikuran at dumungaw ang namumutlang mukha ni Justine. Namumutla? Bakit siya namumutla?