Padyak Lang Nang Padyak

12 0 0
                                    

"Di ka ba natatakot?" tanong mo palagi noon tuwing lumalabas ako. Pero ikaw rin naman ang sumasagot, pasermon nga lang.

Sa totoo lang, natatakot ako, Lo. Pero may gulong pa 'yong biseklita ko, kaya padyak lang nang padyak. Makakarating din. 'Di bale, Lo. Mabilis ang panahon; walang patawad ang oras. Pakinggan mo nga, puno na ng mga kanta ni Jose Mari Chan ang hangin. Parang kailan lang, Tears in Heaven at hikbi ang laman niyan. Pero pareho lang silang lahat, Lo–ang hirap pakinggan.

Kakalasin ko ang bisikletang regalo mo mula sa makalawang na kadena. Mamama-alam ako kay Lola na gabi nang uuwi. Hay nako. Maghahapunan na naman siyang mag-isa. 'Di bale, bibilhan ko nalang siya ng paborito niya pag-uwi.

Unang tinahak ko ang daan palabas sa iskuwater, tapos pa-eskwelahan, pero hindi sa klasrom ang tuloy ko. Mamaya na ang eskwela kung may pambayad na. Pipihit pakaliwa, tapos sisiksik sa trapik, at liliko paeskinita. Makikipag-apir ako kay Julce, tapos kukunin ang bilin niya. Limang pakete lang daw, high grade. Pahatid lang daw sa parokyano niya doon sa may Tabing Pang-pang. Limang porsyento raw sa'kin, sapat na pang-isang linggo. Mag-ingat lang daw kasi maraming mga Matang umaaligid. Kaya sakay ng bisikleta, tinahak ko ang highway patungong Tabing Pang-pang. Padyak lang nang padyak. Makakarating din.

Malas ko lang, 'yong mga Matang umaaligid, may kotse na rin! May sirena pang nakakapantig-tenga ang ingaw. Padyak lang ako nang padyak. Makakarating pa ba? Apat ang gulong nila, dalawa lang sa'kin, maliliit pa.

Tapos may putok, matinis na mahina. Natumba ako kasama ang bisikleta, sumimplang sa barikada, gumulong sa pang-pang, at sa wakas ay nabitiwan ko na ang manobela.

'Di ba ako natatakot? Natatakot ako, Lo. Sobra. Pero ayos lang. 'Di ko na maramdaman. Namamanhid na ako, nakahilata sa kadiliman. Pikit na ang mga mata, pilit na lang ang paghinga. Pero naririnig ko, Lo, 'yong pag-ikot ng gulong. Sa wakas. Nakarating na rin sa'yo.

Padyak Lang Nang PadyakWhere stories live. Discover now