Sa may kanto nagsimula.
Sa may kanto rin magtatapos.
***
"Hi, Beh!"
Napabaling ang tingin ko ro'n sa tumawag. Nasilayan ko agad ang malawak niyang pagkakangiti habang naglalakad papalapit sa'kin na pakaway-kaway pa ang kamay. Agad akong napasimangot nang makilala ko kung sino iyon.
"Hindi Beh ang pangalan ko," pagtatama ko rito nang makalapit na siya sa kinatatayuan ko.
"E, bakit ka tumingin?" parang bata niyang tanong.
"Halata namang ako ang tinatawag mo," masungit ko namang sagot.
"Naks naman! Ang galing talaga ng Beh ko!" sabay akbay niya sa'kin na agad ko rin namang inalis.
"'Wag mo nga 'kong inaakbayan!" inis na wika ko rito.
"Bakit ang sungit-sungit mo na naman?" tanong niya.
"E, bakit ba tanong ka nang tanong?" aburidong tanong ko rito.
"Bakit ayaw mong sagutin ang tanong ko?" tanong niya ulit.
"E, bakit ba ang kulit-kulit mo?" salubong na ang dalawang kilay kong tanong rito.
"E, bakit ang cute-cute mo?" nakangising tanong niya.
Nanlaglag ang panga ko sa huling tanong niya.
"O? Natameme ka na naman diyan. Tsk! Ang gwapo ko talaga!" napapailing niyang sabi habang nakangisi pa.
Nakakainis talaga siya! Palagi na lang siyang ganyan tuwing umaga. Babati tapos susundan naman niya ng pangungulit at magtatapos sa isang tanong na lagi na lang akong natatameme. Iniismiran ko na nga lang siya pag gan'on samantalang siya nama'y tuwang-tuwa pa sa kanyang mga pinaggagagawa. Parang baliw lang!
Nakita kong may paparating na tricycle kaya pinara ko na agad ito. Huminto ito sa tapat ko't dali-dali akong sumakay. Pero gaya ng nakagawian, umisod ako para makaupo siya sa tabi ko. No choice, e!
Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos, siya na lang palagi ang sumisira sa maganda ko sanang umaga. Hindi ko alam kung bakit sa tuwing papasok ako sa umaga't mag-aabang ng tricycle sa may kanto papuntang iskul ay siya palagi ang nadadatnan ko roon. Mapaaga o mapahuli man ako ng pasok, palagi ko pa rin siyang nakakasabay mag-abang. Walang palya 'yun! Kapag nga hindi ako sumasakay sa natigil na tricycle sa may tapat ko kasi balak ko sana siyang paunahin para hindi kami magkasabay, hindi rin siya sumasakay. Basta kung saan ako sasakay, do'n din siya sasakay. Nananadya talaga! Kung may pambayad lang sana akong pang-arkila ng tricycle, maaliwalas siguro ang bawat pagpasok ko sa umaga. Kaso wala, e! Tiis-tiis na lang!
"Ngiti naman diyan, Beh!" sabay tusok niya sa kanang pisngi ko nang mapansin niyang sambakol na ang pagmumukha ko. Agad ko namang pinalis ang kamay niya.
"'Wag ka ngang magulo!" suway ko sa kanya.
"Pero 'di nga?" Biglang siyang nagseryoso kaya naman napatingin ako sa kanya. "Bakit ang cute-cute mo?" sabay hagalpak niya ng tawa.
Nagpupuyos na naman ang damdamin ko dala ng sobrang inis sa katabi ko ngayon. Kung may pampa-ospital lang sana ako, kanina ko pa sana siyang naitulak palabas ng tricycle na ito nang matauhan naman siya sa mga pang-iinis na ginagawa niya sa'kin.
"Iniisip mo 'ko, 'no?" narinig ko pang sabi niya.
Tinaasan ko lang siya ng kilay.
"'Sus! Kunwari ka pa! Aminin mo na," pang-aasar pa niya. "Okay lang naman sa'kin 'yun! Nahiya ka pa!"
Sa sobrang inis ko talaga sa kanya, nasabunutan ko siya. Pero parang balewala lang sa kanya ang ginawa ko kasi tawa pa siya nang tawa. May sayad talaga 'tong lalaking 'to!
BINABASA MO ANG
Sa May Kanto...
Short StoryPaano kung nakasabay mo sa may kanto ang isang taong ayaw mo namang makasabay? Anong gagawin mo? o shall I ask... may magagawa ka pa ba?