Prologo: Dalawang Pangarap

383 20 9
                                    

"Isabel, anong pangarap mo paglaki mo?" tanong ni Ricardo sa kanyang nakababatang kapatid na nagbabasa sa tabi ng kanilang inang pinapabaga ang uling ng kanilang isawan sa harap ng 7-11, kanto ng Insurrecion Street.

"Scientist," ang sagot ni Isabel habang inililipat nya ang pahina ng librong kanina pa nya tanghali binabasa. Pinagsabihan na sya ng kanilang inang si Pilita na tumigil na at baka lumabo ang kanyang mata. Katulad nang dati sinuway ito ni Isabel.

"Scientist?! Wala kang mapapala dyan. Magiging factory worker ka lang malamang," ani ni Ricardo at taimtim na sinabing, "Ako ang pangarap ko makasakay sa isa sa mga 'yan..."

Sinulyapang sandali ni Isabel ang tinutukoy ng kanyang kuya - ang mga mamahaling mga sasakyang dumadaan sa Insurrecion Street patungo sa Tatlong Tala, ang opisyal na tirahan ng Gobernador-Heneral ng West Felipe State.

"Gusto mong maging driver?" ang pabirong sabi ni Isabel na sinuklian ni Ricardo ng isang matalim na tingin.

"Sa likod ako. Ipagmamaneho ng isang naka-barong na ipapatahi ko sa isa sa mga sastre ko. At ikaw yun, " ang mapanuyang sagot ni Ricardo sabay batok kay Isabel.

"Nay, si kuya o!"

"Oi, Ricardo, inaano mo na naman 'yang kapatid mo! Buti pa tulungan nyo na ako ditong mag-isaw," ang pakiusap ni Pilita.

"Makikita mo rin," bulong ni Ricardo kay Isabel habang nilalatag ang inadobong mga bituka ng manok sa kanilang ihawang kinakalawang na.

Tuwing apat na taon ganito ang eksena. Dadaan ang mga naglalakihan at mamahaling sasakyan. At paulit-ulit silang pagmamasdan ni Ricardo. Tinatandaan nya ang bawat tatak ng sasakyan, kung gaano sila kamahal - nililista nya ang kanilang mga plate number. Kapag "A" lang ang nakalagay, sa Gobernador-Heneral ito; "B" sa Bise Gobernador-Heneral; "C" sa Punong Senador...Kapag RI, RII, RIII, etcetera - mga mayor ng iba't-ibang lungsod.

Pero ang hindi nya mawari kung kanino ay ang mga sasakyang may"001" at "009" na numero lamang. Bago ang A, dapat ang mga sasakyang "001" muna. Parating nasa huli ang mga sasakyang may "009." Wala ito sa pampublikong rehistro. Walang nakakaalam kung kanino.

"Siguro sila ang pinaka-importante kuya," mungkahi minsan ni Isabel sa kanya.

Importante. 'Yan ang pangarap ni Ricardo: maging importante balang araw. Dahil ang importante nauuna sa pila. Hindi kailangang magtinda ng isaw sa kanto. Nakakapunta sa ibang bansa para mamasyal at hindi para maging katulad ni Isabel na nasa Hong Kong na nag-aalaga ng bata, naglilinis ng kubeta, at nagbebenta ng kakanin tuwing linggo sa Causeway Bay para may pandagdag sa kanyang sweldo. Ayaw niyang maging katulad ng kapatid nya. Gusto ni Ricardo na maging importante.



You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 07, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

LangíbWhere stories live. Discover now