"Nais kong sakupin ang bawat lupaing aking matatapakan, nais kong pamunuan ang bawat kahariang sa akin ay magiging hadlang. Ako ang inyong Hari at mula sa araw na ito, sasakupin natin ang mundo" wika ni Nicandro sa harap ng kanyang mga mamamayan noong siya'y pinutungan na ng korona bilang kapalit ng kanyang amang yumao, si Haring Romulo, ang unang hari ng Armada.
Natatangi ang kakisigan at determinasyon ni Nicandrong masakop ang mga kalapit na kaharian sapagkat ang paghawak nya sa Armada, bilang sentro ng kalakalan, ang siya nyang magiging daan upang mapalakas pang maigi ang kanyang kapangyarihan at ipangalan sa kanya ang pinagsama-samang kahariang pumapaligid sa Armada. Isa na rito ang Armeo.
Sa loob ng matagal na panahon, ang Armeo ang pinakamahigpit na tumutuligsa sa imperyong nais buuin ng angkan ni Nicandro. Magmula pa sa unang hari ng Armada hanggang sa maipasa sa kanyang ama ang trono ng Armada, ang Armeo ang siyang tanging kahariang hindi pa lumuluhod sa kapangyarihan ng mga Armad. Palaisipan sa angkan ang misteryong bumabalot sa Armeo.
Bago pa itinatag ang Imperyong Armad, ang Armeo ay isang napakapayapang kaharian. Ito'y pinamumunuan ni Esmeralda, ang reynang hindi tumatanda na kahit ilang henerasyon na ang nakalilipas, kahit ang kanyang dalawang anak na sina Marcus at Eloisa'y naging ganap na binata at dalaga, siya parin ang kinikilalang misteryosang reyna. Ayon sa mga kwento, si Reyna Esmeralda ay produkto ng mabuting sumpang ipinataw sa kanyang mabuting ina--Si Reyna Alona. Ito'y matapos na ipagtanggol ni Reyna Alona ang isang matandang pulubi sa panunukso at pagmamalabis ng mga mangangalakal na Armad...
"Pagmasdan ninyo ang balakid na ito sa ating daraanan. Walang pakinabang! Isang matandang hindi nakaririnig at nakapagsasalita" sigaw ng isang sundalong Armad bilang babala sa ilang mangangalakal na galing pang Armada. "Wika ng ating mga ninuno, isang malaking malas ang ating haharapin kung hindi natin ito paaalisin sa daan."
"Itulak ang matandang yan sa gilid ng daan!" sigaw ng isang sundalo.
Sa nais na iwasan ang diumano'y kamalasang dulot ng pagharang ng matandang babae, itinulak ng isang sundalong Armad ang matanda at sinigawan kahit na ito'y hindi naririnig ng kaawa-awang matanda, "Huwag kang paharang-harang sa aming daraanan. Walang pakinabang!"
Mula sa kanyang pangangabayo, nasaksihan ni Reyna Alona ang kaganapan. "Anung kahibangan ang inyong ginagawa? Hindi ba kayo naawa sa matanda?" sigaw ni Reyna Alonsa mga sundalong batid nyang mula pa sa Armada.
Bumaba mula sa kabayo ang reyna at inalalayan ang matanda upang makatayong muli. Siya ay nagwika sa mga sundalo at mangangalakal, "Walang sinuman sa inyo, sundalo man, mangangalakal, o may katungkulan sa kung saanmang kaharian ang may karapatan na manakit ng kapwa niyo nilalang!"
"At sino ka upang pangaralan kami?!" tanong ng punong mangangalakal kay Alona.
"Ako ang Reyna ng Kahariang inyong binabagtas" pagpapakilala ni Alona sa mga Armad.
"Kung ikaw ang reyna, nasaan ang iyong mga kawal? Nasaan ang iyong korona?" tanong muli ng punong mangangalakal.
"Hindi na mahalaga kung ako man ay may korona o wala. Ang mahalaga, magbigay galang kayo sa matanda!" hindi parin naniwala ang mga Armad at pinagtawanan lamang ang mga winika ni Alona.
Matapos ang pagtatalo, nagpatuloy sa kanilang pagtungo sa Armeo ang mga Armad. Iniwanan nila sina Alona at ang matandang babae sa gilid ng daan. Hindi maipaliwanag ang pagkahabag ni Alona sa sinapit ng matanda.
"Kung naririnig mo lamang ako, inang. Hindi sana umabot sa ganito ang lahat kung ako'y napaaga ng dating. Hayaan mo, dadalhin kita sa aming palasyo. Doon ituturing kang isa sa amin." batid ni Alona ang maluha-luhang pagpapasalamat ng matanda sa kanya kaya naman hindi rin nya napigilang maluha noong siya'y yakapin ng matandang babae.
Inangkas ni Alona gamit ang kanyang lakas ang matandang babae sa kanyang kabayo at sila'y bumalik sa Armeo kung saan abala ang mga mamamayan sa ginaganap na palitan ng mga produkto mula sa ibang kaharian.
Labis-labis ang ngiti ng matandang babaeng kinupkop ni Alona sa kanyang palasyo. Muli nitong niyakap si Alona at napansin nito ang isang larawang nakapinta sa kisame ng silid ni Alona. Itinuro nito ang larawan kay Alona na animo'y nanghihingi ng paliwanag.
Ang larawang kanyang itinuturo ay ang larawan nila Alona at ang kanyang namayapang asawa na si Haring Filomeno. Nasawi si Haring Filomeno dahil sa atake sa puso noong siya'y nagtatalumpati sa harap ng pitong pinuno ng pitong kaharian.
"Siya ang aking asawa, si Filomeno. Sa kanya ako natutong maging matatag at magkaroon ng malasakit sa kapwa. Sayang at hindi mo siya makikita dahil siya'y sumakabilang-buhay na. Kung nababasa man ng iyong mga mata ang aking mga sinasabi, ipababatid ko ding gusto ko nang mamahinga."
Sa loob ng apatnapung taong pamumuno ni Alona sa Armea, bakas na rin sa kanyang katawan at mukha ang pagod at katandaan. Hindi man naisakatuparan ang pagkakaroon nya ng limang anak, nagkaroon naman sya ng isang magandang anak na si Esmeralda, ang tanging tagapagmana ng trono ng Armea.
Pinaupo ni Alona ang matandang babae at ipinatawag ang kanyang labinganim na taong gulang na anak na si Esmeralda.
"Aking anak, Aking Esmeralda mayroon akong nais na ipakilala sa'yo"
"Oh aking ina, Oh aming mahal na reyna, sino po ang nais ninyong ipakilala?"
"Natagpuan ko ang matandang babaing ito sa gitna ng daan sa kagubatan. Sinubukan ko syang ipagtanggol sa mga Armad pero hindi sila naniwala sakin na ako ang reyna ng kahariang ito. Nais kong iparating sayo na kung sakali man na ako'y mawala na at ikaw ang hahalili sa trono, bigyan mo ng pagpapahalaga ang mga matatanda lalo na ang mga naapi."
"Oh aking ina, tila yata ang iyong mga binibitawang salita'y nagmumungkahi ng kakaibang kahulugan" pagkabahala ni Esmeralda.
"Anak, batid kong ika'y may kaalaman na sa pamumuno. Batid kong ika'y may kaalaman sa aking karamdaman. Sinasabi ko sayo ang lahat ng ito habang ako'y buhay pa."
Mula sa pagkakaupo, tumayo ang bagong bihis at bagong paligong matandang babae at iniabot kay Alona ang isang binhi. Iminungkahi nitong itanim ang binhi sa gitna ng kanilang kaharian.
Nang kinagabihan, nagtungo si Reyna Alona sa palitang-bayan. Nakita nyang muli ang mga mangangalakal at sundalong Armad. Sa pagkakataong ito, suot na niya ang kanyang korona.
"Pangangalakal nga lang ba ang inyong sadya o ang aking buong kaharian?" tanong nito sa punong mangangalakal na ngayo'y natulala sa tindig ni Alona.
Hindi na nakasagot pa ang punong mangangalakal at naghudyat na sa kanyang mga kasamahan na lisanin na ang Armea.
"Tandaan ninyo ang mga sinabi ko kanina sa kagubatan." wika ni Alona
Muling nagbalik sa palasyo si Alona matapos ang halos dalawang oras na pakikihalubilo sa taong bayan. Doon nya rin nabatid na lumisan na ang matandang babae ngunit ito'y nagiwan ng liham ng pagpapaalam.
Mahal na Reyna,
Hindi man ako nakakapagsalita at nakakarinig, hindi naman ito hadlang upang aking maramdaman ang inyong pagmamalasakit sa tulad kong gusgusin at walang tirahan. Hindi man ako nanggaling sa Armea ngunit itinuring mo ako bilang isang Armeana.
Bilang aking pasasalamat, itanim ninyo ang binhing aking iniabot. Itanim nyo sa pinakaprotektadong bahagi ng inyong kaharian. Ang tangi ko lang ding maigaganti ay ang paglikha sa tulang aking iiwanan...
Binhi, binhiIkaw di'y sisibolBinhi, ikaw ay aayon sa panahonIkaw ang sa kaharia'y magtatanggol
Ika'y mamumunga nang masaganaIka'y mamumunga ngunit di malalantaIka'y magiging mas matibayIka'y titibay habambuhayHindi lingid sa kaalaman ni Alona na ang matandang babae pala ay ang diwatang si Tala na kanyang hinilingang magpapatibay sa kanyang anak na si Esmeralda. Ang sumpang dala ni Tala ay ang katawan at kagandahang kailanma'y di tatanda pagsapit ng ikalabingwalong taong kasaganahan at kapayapaan sa Armea.
BINABASA MO ANG
Armea
FantasyMatapos masakop ng Kaharian ng Armada, nabaon sa limot ang kinang at ganda ng Armea. Umusbong ang katiwalian, paninira ng kalikasan, at pagmamalupit sa mga mamamayan. Namayani ang mapagsamantalang Hari at mga kawal ng Armada at naikubli sa kasaysaya...