HULING PASADA

1 0 0
                                    

"Tay! Sa thursday na graduation ko. May damit na ba kayo?" Humalakhak ako sa narinig. Bakas sa kanyang mukha ang galak nang ituro ko ang nakasampay na polo sa upuan.

"Ayan, 'nak. Pati na rin ang sapatos ko, binilhan na ako ni nanay kahapon." Lalong lumawak ang nakapaskil na ngiti sa kanya. Nilapitan niya ang damit namin at tinitigan itong mabuti.

Napangiti ako sa liwanag na bumabalot sa anak ko. Sabik na sabik siya sa pagdating ng araw na iyon. Dalawang araw mula ngayon, gaganapin na ang graduation niya.

"Ganda! Mahal 'to, ano?"

"Hindi naman, sa ukay ko lang 'yan nakita." Si nanay na galing kusina. Ibinaba niya ang hawak na tasa sa lamesa, ang isa ay para sa akin. "Mabuti na lang at maraming magaganda roon. Mahirap makapili!"

"Salamat, nay." Pasalamat ko sa aking asawa. Tinapik niya lamang ako bago umupo sa plastik na upuan.

Inabot ko naman ang plastik na may lamang pandesal saka ito nilagay sa gitna namin.

"Kain na rito, Althea. Baka mahuli ka pa sa practice niyo." Pinanood ko ang tila binudburan na asin kong anak na papunta sa amin.

Hindi ako makapaniwala na ang batang akay-akay ko lang noon sa aking likod, at ang buntot ko sa aking pamamasada ay magtatapos na ng kolehiyo. Ang bilis ng panahon na hindi ko na nasusundan pa.

Pagkatapos nito ay maghahanap na siya kaagad ng trabaho. Hindi magtatagal ay makakahanap na rin siya ng lalaking magpapaligaya sa kaniya at magtatayo ng sariling pamilya.

Iniisip ko pa lang ay parang hindi ko na kaya. Mawawala na sa akin ang mahal kong anak. Maalala pa kaya niya ako sa kanyang pagtanda?

Kumirot ang aking dibdib. Uminit ang sulok ng mga mata ko. Kinagat ko na lamang ang pandesal habang dala-dala ang mga ito.

"Tay, may problema ba?" Nabalik lamang ako sa ulirat at hindi namalayang may tumulo na palang luha sa aking mga mata.

"Wala 'to, 'nak. Masaya lang ang tatay para sa iyo. Basta... huwag kang magmadali sa paghahanap ng trabaho, ha? Hindi ka namin minamadali ng nanay mo. Huwag kang mag-alala, mawala man ang kabuhayan ko ngayon. Maghahanap din ako ng ibang trabaho para matustusan pa rin ang oangangailangan natin."

"Tay..." Gumaragal ang kanyang boses. "Opo, susundin ko kayo. Pero susubukan ko po talagang matanggap kaagad. Kukunin ko na lang po pansamantala ang alok ni ate Crista habang naghahanap nang mas maayos na trabaho. Gagawin ko ang lahat para magkaroon ng trabaho kasi tumatanda na po kayo. Ayoko na po kayong mahirapan pa. Itong pamamasada mo lang po ang umaahon sa atin sa napakahabang panahon, pero kasi, pati ito ay pinagkakait na ng gobyerno sa atin. Kaya..." Bumiyak ang kanyang boses. Binitawan ko ang pandesal na hawak sa lamesa at hinila siya upang yakapin. "K-kaya... pangako po... itong huling pasada ninyo. Huwag na po kayong mag-alala. Dahil ngayon, ako naman ang bubuhay sa inyo."

Kumurap-kurap ako't tiningala ang taas upang hindi bumagsak ang mga luha. Ngunit natalo ako sa huli, nauwi sa iyakan ang umagang iyon.

"Tay, mag-iingat ka, ha?" Nakatayo na silang dalawa sa tabi ng pintuan. Kinuha ko ang aking bimpo at sinampay sa aking leeg.

"Oo naman. Sisiguraduhin kong makakarating sa paroroonan ang mga pasahero ko. Ie-enjoy ko itong huling pasada." Humalakhak ako. "Ingat din kayo, lalo ka na Althea. Umuwi ka kaagad pagjatapos ng practice niyo."

"Opo!"

"Sige na, umalis ka na at mahuli ka pa. Maubusan ka ng pasahero." Pabirong pagtaboy ni nanay sa akin na sinuklian ko lamang ng pagtawa.

"Siya, siya, alis na ako." Tinahak ko na ang sasakyang dyip at sumakay rito. Pinaandar ko na ang makina at itinaas ang kamay upang magpaalam sa kanila sa huling pagkakataon.

Habang tinatahak ang terminal ay may paskil na ngiti sa aking labi. Hindi lingid sa kaalaman namin na ito na ang huling pasada ng mga tradisyonal na dyip dahil simula sa susunod na buwan ay papalitan na ito ng makabago at modernong bersyon.

Mahirap man at matagal ding inilaban ang pagsalungat sa planong ito, sa huli ay hindi pa rin nakaabot ang aming mga boses sa mga taong nakaupo sa kanilang mga trono.

Bilang isang tsuper na matagal nang nagdadala ng kaniyang mga pasahero tungo sa kanilang paparoonan, itong huling pasada ko na lamang ang aking gagawing lakas sa mga darating pang panahon pagkatapos ng araw na ito.

"Pare! Nandito ka na! Ikaw na ang sunod na isasalang." Pagkababa ko pa lang sa aking dyip ay may isang braso na ang umakbay sa akin.

"Ay, mabuti naman!" buong galak kong salita. Kakaunti na lamang kasi kaming naririto sa terminal. Ang ibang tsuper ay maaga nang itinigil ang pamamasada upang maghanap ng ibang trabaho. Sa dinami-rami namin rito, iilang lang sa amin ang mananatili sa pamamasada, katulad na lamang nitong si Bert.

"Tutuloy ka pa rin, ano?"

"Ah, oo. Kukunin ko na lang yung tulong daw para sa pagkakaroon ng modernong dyip. Maliit lang yon, pero gagawa na lang ako ng paraan para sumakto ang puhunan ko. Wala na, e... wala ng ibang pagpipilian. May dalawa pa akong anak na nasa kolehiyo." Bumuntong hininga ako't tinapik siya sa balikat.

"Sige, goodluck na lang pre."

"Ikaw ba? Hindi ka na tutuloy, 'no? Ito na huling pasada mo?"

"Ay, oo. Graduate na rin kasi anak ko. Medyo nakakahinga na ako nang maluwag kahit papaano."

"Ha! Buti ka pa..." Binitawan niya ako saka tinungo ang gilid ng aking dyip. Pinalo niya ito saka sumigaw-sigaw upang makakuha ng pasahero.

"Oh, sakay na! Sakay na! Aalis na! Sige! Usog! May bakante pa!"

Humalakhak akong tinungo ang unahan ng aking dyip at hinintay ang mga pasaherong mapuno. Sunod-sunod na rin naman sila at puros mga estudyante ang nakasakay.

"Salamat, pre!"

Malaki ang pasasalamat ko sa aking mga ka-tsuper dahil tinulungan nila ako sa aking paghahanap buhay.

"May isa pa sa kanan!" Itinuro ko ang mga pwesto ng may bakante pang upuan. "Usog nang makaupo pa! Dyan sa kaliwa, urong lang nang kaunti! Dalawa pa ang karsya riyan!" Ginabayan ko sila sa kanilang dapat gawin, upang magkaroon pa ng oportunidad ang ibang makausad sa kanilang destinasyon.

"Oh! Tayo'y aalis na!" At sa aking huling pasada... "Siya, dahil huling pasada ko na ngayon. Libre na ang pamasahe ninyo!" Napuno ng ingay mula sa galak ng pasahero ang aking dyip.

Iniandar ko ang makina ng may malapad na ngiti sa aking labi.

"Mga minamahal kong pasahero, bilang isang tsuper na matagal nang namamasada kasama ang hari ng lansangan..." hinaplos ko ang aking manibela bago kinambyo. "Nangangako akong iuuwi ko kayo ng buo."

"Kinalulugod kong naging parte kayo ng aking pagsisimula, at ako'y naging parte ng inyong pagwawakas rito sa makasaysayang paglalakbay ng dyip na ito."

May galak nga naming tinungo ang daan. Ngunit hindi ko naipangakong may galak din pagdating sa aming paroroonan.

Dahil nang araw na iyon, tumataktak ang huling pasada ng dyip... at ng tsuper sa puso ng mga taong nakarating sa kanilang mga tahanan.

Salamat sa tsuper, na inalala ang kaligtasan ng kanyang mga pasahero kahit na unti-unti nang tumigil ang pagtibok ng kanyang puso.

Hindi lamang iyon ang huling lakbay ng dyip, huling lakbay na rin iyon ng tsuper na nais lang gawin ang kanyang minamahal na trabaho.

Huling pasada bago ang modernasyon, at huling pasada tungo sa huling destinasyon.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 27, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

EncounterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon