Sunod-sunod akong napalunok ng laway nang pahampas at umiigting ang pangang ibagsak ni Daddy ang binabasa niyang newspaper sa working table. Malakas na umalog ang computer set na nakapatong dito sa lakas ng naging impact. Abot-abot na ang aking kaba. Parang lalabas na ang patuloy na kumakalabog na puso sa nanunuyo kong lalamunan. Sa inaabot na palaging sermon mula sa kanya ay hindi pa rin nasasanay ang katawan ko. Kada sesermunan niya ako ay hindi ko pa rin maiwasang kabahan. Gaya ng nakasanayan ay tahimik akong nakatayo sa kanyang harapan. Bahagyang nakatungo ang ulo hindi dahil nahihiya kung hindi dahil ayaw kong magtama ang mga mata namin. Hinihintay ang paulit-ulit at walang katapusang litanya niya ng mga sermon. Bahagi na iyon ng aming umaga sa pagsisimula pa lamang ng araw.
“Ano na naman ang kalokohang ginawa mo sa school, Hilary? Ang aga-agang tumawag sa akin ng Principal niyo. Ilang subject classes na naman ang hindi mo pinasukan kahapon tapos mahuhuli ka lang nila na nasa likod ng court ng school sa may gilid ng dagat nakatambay at tumatagay?” halos pabulong lamang iyon pero sa paraan ng pagbigkas ni Daddy sa mga salitang ito ay halatang punong-puno na siya sa akin.
Hindi ako nagsalita. Lumabi lang ako. Iyon ang madalas kong gawin habang pinapalagpas sa kabilang tainga ang mga sinasabi niya. Ano pa bang bago? Wala rin namang mangyayari kung sasagot ako at dedepensahan ang sarili. Isa pa ay totoo rin naman ang sumbong na nakarating. Useless kung magra-rason ako. Lalo lang siyang magngitngit sa matinding galit kapag ginawa ko iyon. Mabuti na ang manahimik na lang ako. Hindi ko itatanggi o ikakaila na matigas ang ulo. Sino ba ang nagturong maging ganito ako? Siya rin.
“Hindi ko na alam ngayon kung ano ang gagawin ko sa'yong bata ka! Napapagod na ako pero hindi ka naman marunong makinig. Ibinibigay ko naman ang lahat ng luho mo! Ano pa ba ang kulang, Hilary? Hindi ka naman dating ganyan!”
Mentally na umikot ang aking mga mata sa ere. Ang lakas ng loob niyang magtanong sa akin kung bakit ako nagkaganito? Eh samantalang siya ang dahilan kung bakit ako nagre-rebelde ngayon. Kung hindi lang siya nag-asawang muli, eh di wala sana kaming problema. Hindi eh. After ng first death anniversary ni Mommy, nagpakasal siya kaagad. Halatang hinintay lang niya ang araw na umabot doon. Masaya naman kaming dalawa lang. Ang dami niyang libreng oras at panahon. Kada weekend may bonding kami kaya hindi ko rin nararamdaman gaano ang pagkawala ni Mommy. Eh, ano iyong ginawa niya? Kumuha pa siya ng ibang babae. Babae na hindi ko talaga gusto. Bukod sa kinuha niya na ang lahat ng atensyon ni Daddy, siya na lang palagi ang kasama nito. Tapos magtatanong siya bakit ako ganito?
“Hindi ka sasagot diyan? Hindi mo ako bibigyan ng dahilan kung bakit mo ginagawang mag-rebelde?”
Umigting na ang panga ko. Naikuyom na ang kamao. Sagad na rin ang pasensiya ko. Buti sana kung nahati lang ang atensyon niya sa amin, hindi eh. Ibinuhos niya ang lahat ng iyon sa babae. Wala ng natira sa akin. Ano niya ba ako? Anak niya ako hindi ba? Nagagawa niya pang makipag-dinner sa labas sa kanya tapos sa akin palaging ang mga maid na lang ang kasama. Hindi na siya nagpapaka-ama. Wala na! Ni hindi niya ako tanungin kada weekend kung ano ang kailangan ko. Sa paggawa lang ng kalokohan na gaya nito napupukaw ko ang atensyon niya, tapos tatanungin niya ako kung bakit ganito?
Huminga ako ng malalim. Kumurap-kurap pa. Hindi ako pwedeng umiyak. Ayokong ipakitang mahina ako. Iiyak lang ako kapag nag-iisa ako. Iyong ni isa kahit ang mga maid ay hindi nila ito makikita.
Pagbaba ko pa lang ng silid kanina ay ipinatawag niya na ako agad sa opisina upang sabunin lang. Araw-araw na namin itong routine sa loob ng halos dalawang taon mula ng ikasal siya. Sa araw-araw na iyon feeling ko ay malapit pa rin kami dahil nga ganito ang ginagawa niya kapag may mga kasalanan akong nagagawa sa school.
“Grade 10 ka na. Hindi ka na bata. Dapat ay naiintindihan mo na ako, Hilary. Huwag mo namang pahirapan ang Daddy na e-disiplina ka. Alam mo namang ang lahat ng ito na ginagawa ko ay para sa'yo. Hindi ito para sa akin lang anak.”
BINABASA MO ANG
Forbidden Romance with my Billionaire Stepbrother
RomanceNagbago ang lahat sa buhay ni Hilary El Fuente ng muling mag-asawa ang kanyang ama. Against siya dito dahil feeling niya ay inaagaw nito ang lahat sa kanya. Dati siyang masunuring anak at huwarang estudyante. Ang lahat ng kabalbalan sa school ay gin...