Esang at Edong
Dear Dr. Love,
Alam kong matanda na ako para sa ganitong programa pero hindi ko maipagkakaila na ngayon lang ako nakapaglakas-loob na magbahagi ng aking kuwento.
Ako nga pala si Luisa. Isa na akong retired na guro sa edad na limamput pitong taong gulang. Alam kong tatlong taon pa bago ang aking retirement pero kinailangan kong magretiro ng maaga dahil na rin sa aking karamdaman. Hindi na kaya ng aking katawan ang pagiging guro lalo pa at marami ng mga bagay na hindi makakayang tanggapin ng aking utak sa makabagong panahon. Ang liham na ito ang aking huling pag-asa para maihayag ko ang aking abang buhay at maipahayag ko ang aking pinakatago-tagong saloobin. Alam kong huli na ang lahat para sa akin pero sana ay maging leksyon ito sa mga kabataang makakarinig o makakabasa ng aking kuwento.
Taong 1975, nasa ikatatlong baiting lamang ako ng una kong nakilala si Edmundo o mas kilalang Edong. Si Edong ay isa sa aking mga kaklase. Isa siya sa mga batang galing sa may magandang estado sa buhay at isa rin siya sa mga hinahangaan ng mga kaklse kung babae dahil sa angking kagwapuhan. Maaaring nagging isa ako sa mga tagahanga niya pero dahil sa kahirapan, hindi ko na pinansin ang aking nararamdaman. Itinuon ko ang aking atensiyon sa pag-aaral lalo pat mahirap lang kami. Magsasaka lamang ang aking ama at mananahi ang aking nanay sa bayan. Ako lamang ang kaisa-isa nilang anak pero may dalawa akong nakatatandang kapatid sa unang pamilya ni mama. Alam kong anak ako sa labas ni mama at iniwan nito ang magandang buhay niya sa dating niyang asawang pulis na nang-abuso sa kanya kaya marami akong dapat patunayan.
Sa mga unang linggo na naging magkaklase kami ay naging sobrang arogante ni Edmundo lalo pa at nanggaling siya sa isang pribadong paaralan sa siyudad. Lumipat lamang siya sa aming pampublikong paaralan dahil sa negosyo ng kanilang pamilya. Tanging ang pamilya nila ang may malaking tindahan na malapit sa paaralan namin at sa baranggay namin kaya naman hindi maiiwasan na magmalaki ito sa amin. Ang tangi niyang naging kaibigan ay ang mga kabataang makakasabay sa layaw niya.
Tuwing umaga at hapon ay masasarap ang baon niya. Lagi rin siyang may dalang laruan sa paaralan namin kaya sikat siya sa mga kabataan. Iyon lamang ay parati siyang napapagalitan at ang malalala ay pinaparusahan ng mga guro sa sobrang tigas ng ulo niya at ng mga barkada niya. Ilang beses na ring ipinatawag ng prinsipal ang nanay niya dahil rito pero pilyo pa rin ito. Isa sa mga kapilyuhan niya ay ang pang-aalaska ng ibang bata lalo na ng mga batang uhugin. Isa na ako sa mga batang inaalaska niya dahil mahirap lamang kami at pinaglumaan na ang mga gamit ko. Sa araw-araw na nakakasama ko siya sa silid-aralan ay natutunan ko siyang kamuhian at pilit na iniiwasan dahil baka hindi ko mapigilan ang sarili kong maumbag siya. Oo, mahirap ako pero hindi ako nagpapaapi.
Isang araw ay may iniwang kokopyahin ang aming guro sa pisara. Isang 8 metrong pisara ang kailangan naming kopyahin at kailangang cursive pa ang pagsulat kaya doble hirap noon sa amin. Alas-kuwatro ang uwian pero sampo kaming natitira sa silid-aralan para sa aming kokopyahin. Sumasakit na ang aking kamay sa pagsulat pero kailangan kong tapusin ang aralin na ito dahil may pagsusulit kami bukas. Isa na sa Edmundo sa natira. Isa-isa ng umuuwi ang mga kaklase namin hanggang sa kami na lang dalawa ang natitira ni Edmundo. Hindi ko alam kung bakit nandirito pa ito dahil isa ito sa mga batang mabilis kumopiya. Tiningnan ko siya at siya ay nakatingin sa kanyang paanan. Bigla ko siyang narinig na tumawa.
Tumingin siya sa akin.
Anong problema mo? tanong niya na may halong iritasyon.
W-wala. T-tapos ka na ba sa pagkopya? tanong ko.
Kanina pa, sagot niya.
Napaawang na lang ako at hindi na nagtanong pa. Binilisan ko na lang ang pagkopya para makauwi na.