BAGO natapos ang maghapong iyon ay humingi ng paumanhin si Gil kay Megan sa inasal nito. Inihatid nito sa bahay ang dalaga.Nasa harap na sila ng gate at niyakag ni Megan na tumuloy muna ang kasintahan. "Huwag na, Meg. Gagabihin ako. May importanteng bagay akong aayusin ngayon. At siyanga pala, hindi ako papasok bukas."
"Bakit?"nagtatakang tanong ng dalaga. Tangi lamang kung may problema sa pamilya kaya hindi pumapasok si Gil. "May problema ba?"
Umiling at ngumiti si Gil. “Wala. May importanteng bagay lang akong aayusin bukas. Nagsabi na ako kanina kay Mr. Arnaldo."
Marahang tumango ang dalaga. Bakit ba lately ay naninibago siya sa mga aktibidades ng kasintahan?
Bahagya pa siyang nagulat nang kabigin siya nito at gawaran ng mariing halik sa mga labi. Pero nagpaubaya siya. Tinted ang salamin ng kotse niya at hindi sila mapupuna kung may magdaan man.
Siya mismo ang dahan-dahang kumawala nang maramdaman ang mga kamay ng binata sa dibdib niya.
"G-Gil... baka may makakita sa atin. Maliwanag pa.”
Huminga nang malalim si Gil. Kahit kailan ay hindi naiwala ni Megan ang self-control.“I'll call you the day after tomorrow.” Iyon lang ang sinabi at bumaba na ito ng sasakyan.
Bumusina ang dalaga nang makalayo ang katipan. Ilang sandali pa ay binuksan ng katulong ang gate.
NASA harap ng computer si Miguel nang dumating kinabukasan si Megan.
"Good morning," bati nito nang makitang dumating siya.
"'Morning," mahinang sagot ng dalaga.
Nagbalik sa computer ang pansin ng binata. Siya man ay nagsimulang magtrabaho. Pero hindi niya maiwasang hindi sulyapan ang lalaki. At sa pagkakatitig niyang iyon ay hindi niya maitatangging totoo ang sinasabi ni Sheila na malakas ang atraksiyon nito.
They started on the wrong foot. Kung hindi ay maaari sana silang maging magkaibigan.
Magkaibigan? Sinong babae ang gustong maging kaibigan lang si Miguel?
Well, for one ay siya. Una, dahil may boyfriend na siya na higit na magandang lalaki kaysa rito. Pangalawa? Natapos sa pagkakaroon niya ng boyfriend ang rason. Wala nang iba pa.
Inalis ng dalaga ang tingin niya rito at seryosong itinuon ang sarili sa trabaho. Nang dumating si JS ay nagpatawag agad ito ng meeting para sa isang bagong project na balak salihan ng kompanya.
Makalipas ang kalahating oras ay lumabas mula sa conference room si Miguel. Lumapit sa mesa niya.
“Puwede bang pakitawag ang boyfriend mo at kailangan siya sa meeting?”
"Hindi siya pumasok."
Nagsalubong ang mga kilay ng binata. “Hindi pumasok? Hmm... Maaari ka bang bumaba para hingin sa accounting ang financial statement?”
"Sure," maiksi niyang sagot na sinabayan ng tayo.
Sa ibaba ay naroon ang sekretarya ni Gil, si Alice. Hiningi niya ang FS. At habang hinahanap ito ng babae ay umupo siya sa mesa ng kasintahan.
Wala sa loob na hinatak niya ang harapang drawer. Nagulat pa siya nang bumukas ito. Talaga bang iniiwang bukas ni Gil ang drawer o nakalimutang isara.
Bumungad sa kanya ang planner ng kasintahan. Wala sa loob na kinuha at binuklat-buklat. Sa back cover ay nakita niya ang isang tsekeng nakaipit.
Pay to Gil Lariosa. Dated ang tseke kahapon at nagkakahalaga ng One Hundred Fifty Thousand Pesos!
Mabilis niyang tiningnan ang itaas ng kaliwang bahagi ng tseke upang malaman kung kanino ito galing. Pangalan ng babae ang nakalagay doon. Hindi niya kilala. Muli niyang ibinalik ang tseke sa pagkakaipit at isinarang muli ang drawer. Sinulyapan si Alice na hinugot ang folder mula sa filing cabinet.
YOU ARE READING
All-Time Favorite: Kung Kaya Mo Nang Sabihing Mahal Mo Ako
RomanceKasinatahan ni Megan si Gil. Samantalang ang kinaiinisang si Miguel ay lantaran ang panunukso at pagsasabing mahal siya. Parehong may mataas na posisyon ang dalawang lalaki sa kumpanyang pinapasukan nilang tatlo. At siya ay unti-unting natatangay sa...