"Ang Alamat ng Salamat"
Sa Malayong Bayan ng Isla Pinagpala ay may mag-aswang naninirahan na nagngangalang Mang Tarsing at Aling Maria. Mayroon silang tatlong butihing mga anak na bunga ng kanilang pagmamahalan. Ito ay sina Sally, Lala at Matmat, sila ay busog sa pangaral at pagmamahal ng kanilang magulang kung kaya't mababait at masunurin sila. Ngunit isang bagay ang palagi nilang nakaliligtaan, ang manalangin at magpasalamat sa Panginoon bago sila kumain. Madalas silanng nakakagalitan ng kanilang Inang si Maria dahil sa paglimot nilang magdasal bago kumain dahil na rin sa labis na gutom nila at palaging masasarap at katakam-takam ang luto ng kanilang Inang si Maria.
Isang araw umuwing pagod na pagod ang magkakapatid na sina Sally, Lala, at Matmat mula sa kanilang paglalaro. Masayang nagtatawanan, at nagkukulitan pa ang mga ito at agad na dumiretso sa hapagkainan. Kasalukuyan naman naghahain ang kanilang Inang si Maria ng masarap na sinigang na hipon para sa kanilang pananghalian. Maya-maya pa ay dumating na rin ang kanilang amang si Mang Tarsing galing sa bukid. Dahil sa pagkasabik nina Sally, Lala at Matmat sa inihandang pagkain ni Aling Maria ay agad na naguna-unahan ang tatlong magkakapatid na sumandok at walang habas na kumain hanggang sa sila ay mabusog. Natulala na lamang ang mag-asawang sina Aling Maria at Mang Tarsing sa itinuran ng kanilang tatlong anak. Hindi na napigilan ni Aling Maria na magsalita sa inasta ng kanilang mga anak. "Palagi ninyong kinakalimutan na magdasal at magtanaw-loob sa Manlilikha na nagbigay sa inyo ng grasya. Oh! Turuan nawa kayo ng Diyos ngunit huwag sana Niya kayong kalimutan katulad ng paglimot ninyo sa Kaniya kapag kayo ay nangailangan." Malungkot na sabi ni Aling Maria samantalang si Mang Tarsing naman ay iiling-iling na lamang ngunit ang tatlong anak nila'y tila taingang kawali sa pangaral ng kanilang Ina. Nagpatuloy sila sa ganoong ugali.
Lumipas ang panahon at dumating ang napakalaking pagsubok sa kanilang pamilya. Nagkaroon ng malubhang sakit ang kanilang ina samantalang humina naman kita ng kanilang ama sa pagbubukid dahil nagkaroon ng peste ang kanilang mga pananim. Dumating sa punto na halos wala na silang makain at hindi na nila alam kung may pagkukunan pa sila ng pagkain. Sa hindi inaasahan habang si Mang Tarsing ay nagdidilensya ng kanilang kakainin at si Aling Maria naman ay nagpapahinga upang gumaling, naisip nina Sally, Lala at Matmat na pumasok sa kanilang silid at magdasal, Sama- sama silang nagdasal ng taimtim katulad ng laging itinuturo ng kanilang Ama at Ina.
Nanalangin sila na sana ay gumaling na ang kanilang ina at magkaroon sila ng makakain. Ipinagdasal din nila na sana makabalik na sa dati ang trabaho ng kanilang ama at gayundin humingi sila ng tawad sa hindi pagtanaw-loob sa mga biyayang kanilang natatanggap at nangakong mananalangin na sila bago kumain.
Ilang sandali pa ay dumating na ang kanilang ama na may dalang mga supot ng iba't-ibang pagkain at prutas. Labis ang galak ni Mang Tarsing sa at ikuwento sa kaniyang pamilya ang nangyari sa kaniya. Sinabi niya na habang nagdarasal siya sa tabi ng simbahan ay may lalaking lumapit sa kaniya na nakasuot ng puting damit at may suot na sandalyas, sinabi nito sa kaniya, "Humayo ka! sapagkat hinihintay ka na ng iyong pamilya" at pagkuwan ay iniabot sa kaniya ang mga supot kung kaya't tinignan niya ito at laking gulat niya sa laman ng mga ito. Magpapasalamat pa sana siya ngunit agad na nawala ang lalaki. Nabuhayan naman ang pamilya ni Mang Tarsing at nagkatinginan naman ang magkakapatid na sina Sally, Lala at Matmat pagka't biniyayaan sila ng Panginoon. Agad na naghain si Mang Tarsing ng kanilang makakain at sina Sally, Lala at Matmat naman ang nanguna sa pananalangin upang magtanaw-loob sa biyayang kanilang natanggap. Masayang masaya ang kanilang pamilya sa kabila ng mahirap na sitwasyon ay hindi sila pinabayaan ng Manlilikha.
Makalipas ang dalawang araw ay himalang gumaling si Aling Maria at nakabalik nang muli sa pagsasaka si Mang Tarsing kaya't labis ang kanilang galak at pagtanaw-loob ng kanilang pamilya sa Panginoon at dahil doon, sama-sama silang nanalangin upang magpasalamat. Simula noon palagi ng nanalangin sina Sally, Lala at Matmat bago kumain at bago matulog upang magtanaw-loob sa biyayang kanilang natanggap. Kinalaunan tinawag na Salamat ito na ang ibig sabihin ay pagtanaw-loob at hinango ito sa tatlong batang sina Sally, Lala at Matmat at dito nabuo ang salitang SaLaMat.
Moral Story: Matuto tayong manalangin at magpasalamat sa Panginoon sa mga biyayang ating natatanggap dahil ni minsan ay hindi tayo pinabayaan at iniwan ng Panginoon.
YOU ARE READING
Mga Kwentong Bata(with Moral Story)
FantasyMga kwentong pambatang napapanahon at kapupulutan ng aral. Mula sa imahinasyon ni itsmecae. Anumang pagkakatulad sa mga totoong pangyayari, tao, bagay o lugar ay pawang nagkataon lamang at hindi sinasadya ng may akda. Ang sinumang kokopya o kukuha n...