Kabanata 1: Ang Maling Sulyap

20 4 0
                                    

Hindi na ako mapakali sa kinauupuan ko habang nasa loob ng klase. Tingin sa orasan kung hindi naman mapapasulyap sa bintana at muli na namang titingin sa orasan. Hanggang sa napansin ito ng aking Professor.

"Mr. Castro, makikinig ka ba o mukhang gusto mo ng lumabas ng klase ko?" tanong nito habang hawak-hawak nito ang isang pentel pen na parang gusto nang ibato sa akin sa asar dahil natigil ito sa kanyang pagtuturo. 

"Pasensya na po Maam," nahihiya kong sagot dahil pakiramdam ko ay lahat ng mata ay nakatingin sa akin. Mabuti na lang ay halos patapos na ang klase.

Nagmamadali akong lumabas sa kuwarto pagkatapos ng aming klase para dumalo sa gaganaping General Assembly ng isang organisasyon na kinabibilangan ko, ang Volunteer Students from Vismin o VSV. Last year pa ako member dito dahil sa pagiging abala sa pag-aaral at pagiging mahiyain ay hindi ko nagawang makadalo sa lahat ng mga activities. Ang Volunteer Students from Vismin (VSV) ay isang organisasyon na binubuo ng mga estudyante na naglalayong tumulong sa iba't ibang komunidad gaya ng bahay ampunan. Tumutulong din itong  mapaganda ang kapaligiran na nakapaligid sa lugar ng aming unibersidad, ang Catholic University of the Philippines o CUP  sa pamamagitan ng paglilinis o pagwawalis. 

Ako si Liam Castro, graduating student na may kursong B.S. Computer Science. Kulang ako sa self-confidence lalo na sa pisikal na anyo ang pagbabatayan. Hindi ako katangkaran at kayumanggi ang kulay. Sa edad na 20 years old ay wala pa akong naging girlfriend. Ilang beses na akong humanga sa mga babae pero kahit isa ay hindi ko nagawang manligawan o kahit aminin man lang na may gusto ako sa kanila dahil sa takot na mabasted o mapahiya.

Sa sobrang pagkasabik kong dumalo sa nasabing General Assembly ay napagalitan pa ako. Makikita ko ulit ang mga matagal ko ng hindi nakitang mga kaibigan. Pagdating ko sa harap ng room na pagdadausan ay narinig ko agad ang ingay sa loob tanda na maraming tao. Pinakiramdaman ko muna kung nagsisimula na bago ako pumasok. Mabuti na lamang ay hindi pa nagsisimula. Dahil sa medyo mahiyain ako ay pumuwesto ako sa bandang likod. 

Muli kong nakita ang dating mga kasamahan sa Volunteer Students from Vismin o VSV. Kanya-kanyang kumustahan at kuwentuhan habang hinihintay ang ibang kasamahan para sa pagsisimula. Halos walang nakapansin na pumasok ako sa silid dahil abala ang karamihan sa pakikipag usap sa bawat isa. 

Habang pinanonood ko sila ay bumalik sa alaala ko ang mga ginawa namin noon. May mga masasaya at malulungkot na nangyari. Ang isa sa nakakuha ng pansin ko ay babaeng estudyante na 3rd year college, si Rayleigh. May kaputian ang kanyang kulay, mabibilog ang mata, hindi kahabaan ang buhok at malakas ang dating lalo na kung siya ay tititigan. 

Pinipilit kong ilayo ang tingin ko sa kanya sa takot na baka may makapansin at baka isumbong ako kay Rayleigh. Nanatili akong nakaupo sa bandang likuran at pinagmamasdan lang sila sa kanilang usapan. Sa hindi sinasadya ay napapatingin talaga ako kay Rayleigh. Hindi talaga nawawala ang mga ngiti niya nagsasalita man o nakikinig.

Pagkaraan ng ilang minuto ay napatingin si Rayleigh sa akin.

"Hi Liam!" bati niya habang nakangiti habang iwinawagayway ang kamay nito. Hindi ko alam kung ano ang igaganti ko kaya nginitian ko na lang siya at saka ibinaling ang tingin sa ibang kasamahan namin. Kahit kailan ay hindi kami nagkausap na kaming dalawa lang. Matagal ko na siyang kakilala, pero nagkikita lang kami kapag may mga aktibidad o pagpupulong ang VSV na kagaya nito. 

Ilang minuto na rin kaming nakaupo doon sa paghihintay sa pagsisimula. Ang isa sa mga hinihintay ang matalik kong kaibigan, si Bernard, 4th year din siyang kagaya ko. Siya lang naman ang taong naghikayat kaya ako naging miyembro sa VSV. Naging kaklase ko siya noong unang taon ko sa kolehiyo. Isa siya sa mga masasabing haligi ng VSV. Patuloy siyang naging aktibo sa nakalipas na dalawang taon kahit marami na ang nawala.

Hindi nagtagal dumating din si Bernard sa pagpupulong. Malakas na tawanan ang bumungad sa muli naming pagkikita, nakuha tuloy namin ang atensyon ng ibang kasamahan namin. Napatingin ako sa kabuuan ng silid nang biglang tumahamik ang lahat. Magsisimula na pala ang pagpupulong na pangungunahan ng kasalukuyang presidente ng VSV, si Jomar.

"Magandang hapon sa inyong lahat!" paunang pagbati ni Jomar na may kasamang ngiti para sa aming lahat.

"Dalawang taong hindi naging aktibo ang ating grupo kaya naman, para muling manumbalik ang sigla ng Volunteer Students from Vismin o VSV ay nagdesisyon kaming magpatawag ng pagpupulong. Nais kong ipaalam sa inyo, na pumili na kami ng bagong opisyales na makatutulong natin para sa magaganda nating plano sa hinaharap. Hindi naman lingid sa ating lahat na marami na ang nawala. Ang iba ay nakapagtapos, habang ang iba'y huminto o nahinto sa pag-aaral na may iba't ibang dahilan," dugtong ni Jomar habang iginagala ang paningin sa loob ng kuwarto.

Muli kong napansin si Rayleigh nang magtanong ang katabi nito kay Jomar. Habang hinahawi niya ang kaniyang buhok ay kapansin-pansin ang napakaganda niyang mukha habang andoon pa rin ang ngiting hindi nawawala. Napansin ko rin na madalas siyang napapatingin sa bandang likuran kung saan kami banda nakapuwesto ni Bernard, kung minsan pa nga ay nagsasalubong pa ang aming mga tingin. Kahit ayaw kong ipagpalagay na ako ang dahilan ng kanyang paglingon sa likod. Maliban sa aming dalawa ni Bernard ay marami pa kaming ibang kasama. Ngunit, hindi ko pa rin naalis sa isip ko na ako ang dahilan kung bakit si Rayleigh napapatingin. 

Sinilip ko nang palihim ang aking pitaka para masigurado kong may pera pa ako. Kailangan kong lakasan ang loob ko kaya naisip ko na ayain si Rayleigh na kumain man lang pagkatapos ng meeting. 

Sa maikling oras ay mabilis na naipaliwanag ni Jomar ang lahat ng magagandang plano ng VSV para muling maging aktibo ulit ang samahan. Bago matapos ang pagpupulong ay inanunsyo niya kung sino-sino ang kanyang mga napiling opisyales. Isa ako sa mga senyor sa organisasyon, kung kaya'y napili niya ako bilang kaisa nila. Noong una'y tinanggihan ko ang posisyon dahil pakiwari ko'y makakaabala lang ito sa pag-aaral ko. Ngunit, dahil sa ngiting nakita ko kay Rayleigh nagkaroon ako ng dahilan upang muling maging aktibo sa VSV. Nagtagal lamang nang mahigit isang oras ang pagpupulong.

"Bro, punta muna ako ng rest room, kaganina pa ako naiihi. Balikan kita dito," paalam ko kay Bernard. Mabilis akong tumayo at tumakbo papuntang comfort room. 

Habang naglalakad ako pabalik kay Bernard pagkatapos ko gumamit ng comfort room ay napatingin ako sa mga puno at napansin ko na andoon na pala si Bernard. Pupuntahan ko sana ito kaya lang kasama niya si Rayleigh. Ngayon alam ko na kung sino ang tinitignan niya.

Muli akong napahiya sa sarili ko nang makita na masayang-masaya ang usapan nilang dalawa habang hawak-hawak nila ang kamay ng bawat isa habang SAKSI ANG LILIM NG PUNO. 

(Itutuloy...)



Saksi ang Lilim ng PunoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon