Marahan
Marahang, marahan
Mong nilapirot ang aking balat
Ngunit nagitla pa rin ako
Tumawa ka
Dahil ba nasaktan mo ako?
Hindi ako natuwa
At umalis ako nang biglaan.
Sinundan mo ako
Ipinilit na binibiro mo lang ako
Na nakikipagkatuwaan ka lang
Na huwag akong mapikon
"Biro?" Isip-isip ko.
Biro lang pala ang lahat.
Kahit gaano pa kasakit, 'di pwedeng mapikon
Joke lang naman e.