Kabanata 9

37 2 0
                                    

Kabanata 9

Isang linggong masama ang timpla ko matapos ang pageant na iyon. Nanalo ngang Lakambini ng PSB ang pambato ng Educ na si Danica Custodio pero ang nanalong Lakan ay walang iba kundi si Leviste. Natural dagdag pampalaki ng ulo ang korona niya. Nadoble ang init ng dugo ko sa kanya dahil sa ginawa nila kay Francis. Kapag nagkakasalubong nga kami sa Pamantasan, hayag-hayagan na kung irapan ko siya para ipakitang hindi lahat ay natutuwa sa pagpapabibo niya.


"Good morning, Deina!"


Wagas na irap ang isinukli ko sa plastik niyang bati.


"O? One week na ang nakakaraan, high blood ka pa rin sa pagkatalo ng boyfriend mo?"


Isa pa iyon sa ikinasusulak ng dugo ko. Kagaya nga ng suspetsa ni Francis ay isinulat ni Regie Torres sa Benedictians ang tungkol sa amin. At ang malala pa, maski pala iyong pag-uusap namin ng solo ay nakunan ng litrato! Ilang araw kaming pinagpiyestahan ng tsismis. At ang mas malala pa, hindi lang simpleng kalandian ang kinulay nila sa amin. Idinawit din nila ang MPIB. Kesyo may sabwatan daw ang oposisyon ng mga Leviste at MPIB. Natural, bilang numero unong kritiko ng MPIB, ipinangalandakan nanaman ni Regie na political kaming grupo at mga lintang nag-aabang lang makaupo sa puwesto. Tinira nanaman niya ang integridad umano naming mga aktibista. Mga pulpol at walang silbi naman daw kami sa lipunan - puro reklamo at wala namang trabaho.


Hiyang-hiya ako kay Ka Chelo noong humingi ako ng dispensa para sa eskandalong iyon. Pinalubag naman niya ang loob ko sa pagsasabing hinahanapan lang kami ng butas ng mga kalaban. Hindi ko raw iyon kasalanan. May Francis man daw o wala sa eksena, sigiuradong gagawa at gagawa ng paraan si Regie Torres para lang maibato nanaman sa aming mga tibak ang sisi.


"Padaanin mo ako kung hindi-"


"Kung hindi, ano?" Naghahamon ang ngiting sumilay sa labi niya. Bahagya siyang lumapit sa akin na para bigyang diin ang susunod na tanong. "Ano, Linsangan? Anong gagawin mo kung patuloy akong humarang sa dinadaanan mo?"


"Babanggain kita," mariin kong tugon. "Narinig mo, Leviste? Ako mismo ang babangga sa'yo."


Tumayo siya ng maayos matapos kong sabihin iyon. Pinagsiklop niya ang braso sa kanyang dibdib. "Akala ko ba hindi ka kakandidato?"


"Hindi ko alam na nakikibalita ka pala sa mga nangyayari sa'kin."


"May tenga ang lupa, may pakpak ang balita. Pero base sa sinabi mo ngayon, hindi ko alam na ganyan ka pala ka-sweet lover. Reminds me of old Gabriela Silang. 'Di ba kaya lang naman siya namuno ng rebolusyon para ipaghiganti ang pagpatay sa asawa niyang si Diego Silang?"


Bumuga ako ng hangin dahil nagngingitngit nanaman ako sa pagbi-bring up niya ng tungkol sa amin ni Francis.


"Pero kabayanihan ba talaga ang ganoon? Ikaw, Deina, anong opinyon mo sa kredibilidad ng heroism ni Gabriela Silang? Could you consider that legit? Out of revenge for his beloved husband? Kung hindi namatay si Diego Silang, lalaban din kaya si Gabriela? Ikaw, tatakbo ka lang dahil lang nagalit ka sa iniisip mong pandaraya kay Jimeno?"

May Pag-asa!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon