To Someone Who Once I loved

238 14 2
                                    

A alguien que una vez amé,
(to someone who once I loved)

Naalala mo pa ba iyong araw kung paano nagsimula ang lahat? Kasi ako, oo, hanggang ngayon sariwa pa rin sa akin ’yon. Isang simpleng salita na pumukaw sa akin galing sa ’yo, kasabay nang pagtunog ng notification sa phone ko, napatipa ang kamay ko ng “hi” pabalik. Umabot tayo ng ilang oras magkausap, nagkuhanan ng pangalan, nagpalitan ng mga salita at katanungan na tila ba parang wala nang bukas. Sobrang saya, masaya ang puso ko sa araw na iyon kasi hindi ka mahirap pakibagayan, ang gaan mo kausap. You’re so carefree and gentle, you’re comforting, kaya nga hindi nagtagal nagustuhan kita nang hindi sinasadya, nang hindi natin parehas alam.

Tumagal ng buwan ang palitan ng “Magandang Umaga,” at mga salitang tila may ikinukubli na kilig, kaba, at kakaibang saya. Katagalan, minahal na kita, nahulog, at hindi na tuluyang nakaahon pa. Kumusta na? Iyan ang mga katagang araw-araw gusto kong marinig sa ’yo, kasi sa tuwing naitipa ko na lahat ang mga salitang nagpapakirot sa buong pagkatao ko, hinahaplos na ako ng mga salita mong magiging maayos din ang lahat basta maging positibo lang. Iyan ka, e, ang dali mong kunin iyong puso ko, sa mga salita mo pa lang nanlalambot na ako.

Oo, hindi ikaw ang unang bumilib sa akin, pero ikaw lang ang ka-isa-isang sinamahan ako sa pagsulat ng mga makabuluhang istorya, tumawa sa mga salitang may ikinukubli na kirot, iyakan ang mga bagay na dapat nakakatawa. Nakasanayan na kita, nasanay na ang puso ko sa ’yo, ngunit iyong tibok nito bigla na lang naghurumentado, hindi na dahil sa kilig, kundi sa hapdi at pagtanggap na wala na talaga. Wala nang pagmamahal na natira, puro paghapdi na.

Ang ikli ng panahon na ibinigay sa atin, pero ang haba nang panahon ng paghilom. Hanggang ngayon ang dami pa rin katanungan sa utak ko, kumikirot pa rin paunti-unti sa tuwing naalala ko, sa tuwing sumasagi ka sa isip ko. Pagkatapos sa ’yo, hindi na nasundan pa, napagod na iyong puso ko na kumilala pa ng iba. Masakit pa rin, hindi pa rin talaga kaya. Hindi pa rin talaga ako nakausad, pero masaya ako para sa ’yo na kahit paano nakikita ko na okay ka na. Nakakatawa, ano? Ako na lang pala natira sa ating dalawa.

Kung sa tingin mo kulang ka, sapat ka, tinanggap kita, minahal kita, buong-buo. Hiling ko ang paggaling ng iyong mga sugat, ang pagtigil ng pagdurugo nito dahil sinagip mo ako. Sinagip mo ako sa iba’t-ibang paraan, sinagip mo ako sa panahon na halos umayaw na ako. Maraming salamat, salamat sa pagsama sa akin sa napakaikli’t napagandang panahon na pagtahan sa puso ko. Susubukan ko, susubukan kong umusad paalis sa ’yo.

Nawa’y muli tayong pagtagpuin, at sa mga oras na ’yon ang mga puso natin ay mas handa na, sana handa pa.

Hinihiling na makausad na paalis sa tahanang binuo nating dalawa,
Miss Ma’am.

To Someone Who Once I LovedWhere stories live. Discover now