Chapter One

0 0 0
                                    

Nanay at tatay ang nilabasan ni Anya Sandoval sa tatlo niyang kapatid na maliliit matapos silang iwan ng kanyang nanay at sumama sa ibang lalaki. Siya ang panganay kaya sakanya naatang ang responsibilidad na itaguyod ang mga ito. Naghihingalo pa lamang ang kanyang tatay noon nang iwan sila ng kanyang nanay. Namatay ito na hindi nalaman ng kanyang ina.

May sakit pa lamang ang kanyang tatay ay kung sino-sino nang lalaki ang kinalolokohan ng kanilang ina. Palibhasa ay higit na bata ito kaysa sa kanyang tatay kaya naging mapaghanap ito mula nang maratay sa sakit ang kanilang ama. Matinding sakit ng kalooban at kahihiyan ang kanyang inabot. Sa edad niyang disi-siyete noon ay tampulan na sila ng tukso ng kanilang mga kapitbahay dahil sa pagiging mahilig ng kanyang nanay sa lalaki. Ilang gabi na rin niyang iniyakan ang pangyayaring iyon na muntik  nang sumira sa kanyang katatagan.

At dahil sa kahihiyang kanyang inabot ay malaki ang galit niya sa mga lalaki. Hinding-hindi siya tutulad sa kanyang nanay sakaling matuto siyang magmahal. "Ate, hindi pa ba tayo uuwi?" kalabit sa kanya ng kapatid na babae na nasa edad dose, "Malapit nang dumilim,e." Napatingin siya sa kapatid at napahinga ng malalim. Naroon sila lumang sementeryo ng Laguna. Silang magkakapatid na lamang ang naiwan. Nag uwian na rin ang mga nakipaglibing sa kanilang Lola Esmeralda matapos iyon tabunan ng lupa.

"Mauna na kayo sa may gate, doon niyo na lang ako hintayin. Kakausapin ko lang sandali si Lola," sagot niya dito. "Paano mo pang kakausapin si Lola Esmeralda e, patay na nga siya?" inosenteng tanong nito sakanya sabay kamot sa ulo. "Huwag ka nang maraming tanong, isama mo na yang dalawa at mauna na kayo doon sa gate." taboy niya sa makulit na kapatid. "Sige na, hindi naman ako magtatagal."

Sumunod naman ito sa kanya. Akay ang dalawa pa niyang kapatid na lalaki na nasa edad anim at limang taon naman ang kanilang bunso. Sinundan pa niya ng tingin ang mga ito. Napamahal na rin sakanya ang tatlo kahit kapatid lang niya sa nanay. Dalagita na siya noon nang magsimulang magloko ang kanyang nanay  dahil nakaratay na sa sakit ang kanyang tatay noon. Walang kasing sakit na kahihiyan ang kanyang inabot noon. Puro panlalait ang naririnig niya sa kanilang mga kapitbahay ng mabuntis ang kanya ina sa ibang lalaki. At ang pinakamasakit at nakakahiyang inabot ng kanilang pamilya ay hindi lamang, isa ang naging anak ng kanyang nanay sa iba.

Nadagdagan pa iyon ng dalawa sa iba namang lalaki. At hindi pa nasiyahan ang kanyang nanay, iniwan nito ang kanyang tatay at tuluyan nang nakisama sa lalaki nito na naging dahilan ng pagkamatay ng kanilang ama. Ang pinakamasaklap ay iniwan nito sa kanya ang tatlong anak nito sa iba. Mabuti na lamang at buhay pa ang kanyang Lola Esmeralda na naging sandalan nito. May malaking tindahan ang kanyang Lola Esmeralda sa kanilang lugar at ito ng pinagkukunan nila ng kabuhayan. Ngayon na patay na ito ay siya na ang namamahala niyon.

Maayos naman at malakas ang tindahan na naiwan sa kanila. Napag-aaral niya ang tatlo. Sa ngayon ay wala siyang balak na pumansin ng mga lalaki. Malaki ang galit niya sa mga ito. Kung hindi nanlalaki ang kanyang ina ay buhay pa sana ngayon ang kanyang tatay. Kabilin bilinan sa kanya ng kanyang Lola bago ito namatay ay maging maingat siya sa mga lalaki. Marami raw magkakagusto sa kanya ngunit lahat ay pawang ang katawan lang niya ang hangad

Matapos niya umusal ng pananalangin para sa pinakamamahal na lola ay iniwan na niya ang puntod nito  Lumakad na siya para puntahan ang mga kapatid na naghihintay sa gate. " Uuwi na tayo ate?" tanong ng pinakamatanda sa tatlo. "Oo. malapit na ngang dumilim, eh. Saka parang uulan ang laki ng dilim eh, tara na sumakay nalang tayo nang tricycle at baka abutan pa tayo ng ulan." Lumabas sila ng sementeryo at ilang sandali ring naghintay na may magdaang tricycle na walang sakay. Nang makasakay na sa tricycle ay tinapunan niya ng huling sulyap ang puntod ng kanyang lola. "Sana'y matahimik na ang iyong kaluluwa, Lola." bulong niya sa sarili.

May isang buwan na rin ang nakalilipas mula nung namatay ang kanyang Lola Esmeralda ay hindi pa rin maalis sa isip ni Anya ang naramdaman niya dito habang naghihingalo. Kandong niya noon ang kanyang Lola Esmeralda habang nakikipaghabulan ito kay kamatayan. Nakapaligid na sa kanila ang tatlo niyang kapatid na maliliit na panay ang iyakan. Palibhasa ay ang kanilang Lola Esmeralda na ang nakagisnang mga magulang ng tatlong kapatid kaya mahal na mahal ng mga ito ang matanda.  Bago tuluyang nalagot ang hininga ng matanda ay nagawa pa siya nitong halikan sa mga labi na kanyang ipinagtaka. Hindi nya mawari kung bakit parang may pumasok na mainit na bagay sa kanyang bibig matapos siyang halikan nito. Natakot pa nga siya dahil naramdaman niyang uminit ang buo niyang katawan. Pero saglit lang naman at nawala rin agad ang kanyang naramdaman.

CursedWhere stories live. Discover now