"Ate Miles, kailangan ko na raw magbayad para sa tuition fee ko. Hindi na raw kasi puwede na magbigay ulit ng promissory note, e."
Napalingon siya sa kapatid niyang si Jaime nang magsalita ito habang kumakain silang dalawa ng almusal. Natigilan siya sa paghigop sa kape na hindi na niya nilagyan ng gatas o creamer man lang. Nasanay na lang din siyang uminom ng black coffee dahil hindi na niya sinasama sa budget niya ang para sa krema ng kape o ano.
Ang mahalaga naman para sa kaniya ay mainitan ang tiyan niya para sa buong araw na pagtatrabaho niya.
"Hanggang kailan daw puwedeng magbayad?" tanong niya sa kapatid. Pilit niyang hindi pinakita rito ang nararamdaman na pagod hinggil doon.
"Hanggang sa sunod na linggo na lang, Ate. Kasi mag-e-exam na kami sa susunod na susunod na linggo, e," sagot nito sa kaniya. "Makakabayad ba tayo, Ate?" bumakas ang lungkot sa mukha ng kapatid niya at ayaw niyang pati ito ay mag-alala sa pag-aaral nito.
Sa halip, ngumiti siya at tumango sa kapatid. "Oo naman! Sasahod naman na ako sa sunod na linggo. Mababayaran natin 'yang tuition mo," ngumiti siya rito habang iniisip kung kakasiya nga ba ang sasahurin niya sa kantinang pinapasukan para sa pag-aaral ng kapatid niya.
"Oh, sige na. Baka ma-late ka pa sa pagpasok mo, e. Nilagay ko na ang baon mo sa bag mo tsaka tubig mo na rin," sabi niya rito at tumango naman ang kapatid niya sa kaniya. Nagpaalam na ito sa kaniya at humalik sa pisngi bago bitbit ang bag ay umalis na.
Jaime is currently in highschool. Third year na ito at tatlong taon lang ang agwat ng edad nilang dalawa. Napilitan siyang huminto sa pag-aaral noong nagtapos siya ng high school dahil na rin sa trahedyang sinapit ng pamilya nila.
Sabay na nawala ang mga magulang nila noong naaksidente ang mga ito. Nagmamaneho ng jeep ang tatay niya at sinundo naman nito ang ina na nagtatrabaho sa factory ng payong. Pauwi na ang mga ito nang mabunggo ng isang sasakyan na lasing ang nagmamaneho at parehong binawian ng buhay ang mga ito.
Hindi sila mayaman kaya naman hindi rin kalakihan ang naiwanang pera ng mga magulang sa kanila. Ang pera rin na nakuha nila sa mga tulong noong burol hanggang mailibing ang mga magulang ang ginamit nila sa pang-araw-araw nila noon.
Dapat ay mag-aaral pa siya ng Senior High pero hindi maaari dahil na rin kailangan nila ng pagkukuhanan ng pera para mabuhay. Naglipat-lipat sila sa mga kamag-anak nila pero hindi tulad ng mga magulang nila, hindi naging bukas ang mga palad nito sa kanila.
Doon na rin niya naisip na mas mabuting siya na ang magtaguyod sa kanilang dalawang magkapatid. Pumasok siyang serbadora sa mga maliliit na kainan at kahit papaano ay nakaraos naman silang magkapatid.
Naitatawid niya ang pang-araw-araw nilang kailangan. Iyon nga lang at dahil sa pribadong paaralan nag-aaral ang kapatid niya, kailangan niyang dumoble ng kayod. Hindi naman niya gustong palipatin pa ito dahil gusto niyang mabigyan ng magandang buhay ang kapatid.
Malalim siyang bumuntong hininga bago kinain ang pritong itlog na itinira ng kapatid niya para sa kaniya sa almusal. Madalas kasi na ito lang ang nilulutuan niya at nagkakape na lang siya at pandesal pero tinirahan siya nito.
Tinignan niya ang orasan at nakita na malapit na rin palang mag-alas-siyete ng umaga kaya dali-dali niyang iniligpit ang lamesa at lumabas na rin ng bahay nila. Nangungupahan lang sila ng maliit na kuwarto na sa awa ng Diyos ay may kasama ng banyo sa loob. Mabuti na lang din at inirekomenda iyon sa kaniya ng kaibigan niya noong high school kaya nakuha niya iyon at hindi siya naunahan ng iba.
"Miles! May mga bago akong karne rito, baka gusto mong kumuha? Sa Linggo pa naman ang bayad," sabi sa kaniya ni Aling Pacita. Napangiti siya rito at umiling.
![](https://img.wattpad.com/cover/363504585-288-k709428.jpg)
BINABASA MO ANG
Ethereal Euphoria 2: Millicent
RomanceIt wasn't just a bar. It wasn't just a job. For some people, it was their last string of hope for survival. They are willing to do everything for their families and themselves. They are willing to risk it all and be part of Ethereal Euphoria, an...