PROLOGUE
SARAP na sarap si Aera sa isaw na nginunguya habang si Bart naman ay nakahiga sa picnic cloth at nakaunan sa mga hita niya. Nasa parke sila na paborito nilang pagtambayan. Doon sa ilalim ng matandang puno ay naglatag ng picnic cloth si Bart. May dala silang street foods, burgers, soft drinks in can at Cloud9 chocolate bars. Iyon lang ang hiniling ni Aera kay Bart—isang picnic date para sa first anniversary nila. Ayaw niyang gumastos nang malaki ang boyfriend dahil alam niyang may kailangan itong paglaanan ng perang kinikita mula sa paghahanapbuhay. At the age of twenty, marami nang trabaho ang pinasok ni Bart. Naging car wash boy, factory worker, delivery boy hanggang sa maging isang service crew sa isang sikat na fast food chain. Lumaki sa hirap si Bart dahil walang amang sumuporta rito. Binuhay lang ito ng ina sa pagtitinda ng mga pamparegla at anting-anting sa Quiapo habang suma-sideline bilang manghuhula. Pero namatay sa sakit sa baga ang nanay nito three years ago kaya ngayon ay ito na ang bumubuhay at nagpapaaral sa sarili. Mataas ang pangarap ni Bart. Gusto nitong yumaman balang araw kaya naman nagsusumikap itong makatapos ng pag-aaral sa kabila ng kahirapan. Pangarap nitong makapagsuot ng business suit someday. Gusto nitong makapagtayo ng sariling negosyo at maging isang magaling na CEO. Matalino, madiskarte at masipag ang boyfriend niya. Kaya alam niyang may pag-asang matupad ang mga pangarap nito balang araw. Actually, pangarap nila. Si Aera man ay ngangarap ding yumaman balang araw. O mas tama sigurong sabihing "yumaman ulit." Lumaki siya sa luho noong bata pa pero noong nine years old siya ay nagbago ang buhay niya. Nang magkasakit at mamatay ang mommy niya noong nine years old siya ay dumanas ng depression ang kanyang daddy. At dahil siguro nag-suffer ang mental health ay naging alcoholic ito at napabayaan ang negosyo nila hanggang sa na-bankrupt iyon at nabaon sila sa utang. Mula sa malaking mansiyon na kinalakihan ni Aera at lumipat sila sa isang maliit na bahay dahil naibentang lahat ng ari-arian nila para maipambayad sa mga utang. Pagkalipas lang ng isang taon, iniwan na rin siya ng ama nang ma-stroke ito. Kinupkop si Aera ng nag-iisa niyang tiya na kapatid ng kanyang mommy. Gamit ang perang nakuha sa life insurance ng daddy niya ay binuhay siya ng tiya. Pero dalawang buwan na lang ay mag-aasawa na si Tita Sally kaya iiwan na siya nitong mag-isa sa buhay. Tutal naman ay eighteen na siya at hindi na menor de edad kaya hindi naging malaking issue sa kanya kung iiwan na siya ng tiya. Sapat na ang pag-aalagang ginawa nito sa kanya. Pero ang sabi nito ay bibigyan pa rin siya ng allowance buwan-buwan hanggang sa makatapos siya ng pag-aaral. May educational plans si Aera kaya walang problema sa tuition fees niya hanggang sa maka-graduate siya. Kung masaklap ang buhay ni Bart dahil lumaki ito sa hirap, siya naman ay maagang naulila sa mga magulang kaya pareho lang silang may masaklap na kapalaran. "'Sarap ba?" tanong ni Bart. Tumango si Aera habang hinihila ng ngipin ang huling kagat ng isaw. Nang ilapag ang stick ay niyuko niya si Bart at nakitang nakangisi ito habang nakatingin sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya nang mapansin ang tatlong patak ng sauce ng isaw sa noo ng lalaki. "Hala! Sorry!" Mabilis na dinukot ni Aera ang panyo mula sa backpack sa kanyang tabi at pinunasan ang noo ng boyfriend. "Hindi mo sinabi na natutuluan ka na pala." "Okay lang kahit mapuno 'tong guwapo kong mukha ng sauce ng isaw mo, basta makita kitang masaya at busog," nakangising sabi nito. Lumaki ang ngiti ni Aera. "Super sweet naman ngayon ng beb ko. Dahil ba anniversary natin?" "Sweet naman talaga ako, ah. Gusto mo, subuan kita?" Kahit nakahiga ay nagawang makaabot ni Bart ng tatlong piraso ng kwek-kwek at isinubo ang lahat ng iyon sa bibig niya. Sinabunutan ni Aera ang lalaking tumatawa habang pinanonood siyang hirap na hirap sa pagnguya ng tatlong piraso ng kwek-kwek. Sa asar niya ay binugahan niya ang nobyo ng nginuyang quail eggs. Hindi naman nandiri si Bart ginawa niya. Bagkus ay mas naaliw pa. Bumangon si Bart at umupo na lang sa tabi ni Aera habang inaalis ang mga ibinuga niya sa mukha nito. "'Wag ka nang ganyan kabalahura kapag nag-celebrate na tayo sa fine dining restaurant sa next anniversaries natin, ah. Kundi nakakahiya ka." "Fine dining talaga, ha?" "Dadalhin kita sa Emillani's someday," confident na sabi nito. "Patitikimin kita ng steak doon." Sa tuwing dumaraan sila sa sosyal na restaurant na iyon ay palaging natatakam si Bart sa napakamahal na steak. "Someday..." sabi ni Bart habang nakatanaw sa homeless children na naglalaro sa di-kalayuan, "magiging parang barya na lang sa atin ang pambili ng steak sa Emillani's. Bibili ako nang marami. Ipapakain ko sa street children." Nahagikhik si Aera. "Ganoon kayaman ka magiging someday?" "Oo. Baka bilhin ko na nga rin 'yong Emillani's." Nagtawanan sila. "'Tapos, magpo-propose ako sa 'yo sa Paris." Tinutop ni Bart ang bibig. "Shit. Spoiler. Alam mo na tuloy na kapag niyaya kita sa Paris, magpo-propose na 'ko ng kasal." Hinampas ni Aera sa balikat si Bart habang tumatawa. "Gandahan mo'ng pagpili ng diamond ring ko, ha." "Ilang kilo ba ng diamond ang kaya ng daliri mo?" Humagikgik uli si Aera. "Pagagawan kita ng diamond-studded na wedding gown. Saan mo ba gustong magpakasal? Sa Switzerland?" Hinayaan na lang niya si Bart na magyabang tungkol sa maluhong buhay na nakatakda raw nilang maranasan balang araw. Humilig siya sa balikat ng boyfriend at tumitig sa suot nitong worn out canvas shoes na fake Converse. Hindi alam ni Aera kung paano matutupad ang mga pangarap ni Bart kung ni sapatos ay hindi nito mabilhan ang sarili kahit na kumikita na ng minimum wage. Pero sana nga ay matikman nito ang maalwang buhay balang araw. Saksi kasi siya sa paghihirap na dinanas ng lalaki habang lumalaki. Noong lumipat si Tita Sally sa bahay na iniwan ng daddy niya para samahan siya ay nagtayo ito ng malaking sari-sari store doon. Madalas papuntahin si Bart ng nanay nito sa tindahan nila para mangutang ng de lata, itlog, instant noodles at bigas. Kaya alam ni Aera kung gaano kahirap ang buhay na kinalakhan ni Bart. Hindi kasi palaging malakas ang benta ng mga pamparegla at may nauuto si Aling Lina na magpahula rito kaya minsan ay walang makain ang mag-ina. Nangungupahan lang ang mga ito sa isang maliit na kuwarto. Lumaking salat sa maraming bagay si Bart at kahit sa murang edad ay gumagawa na ng paraan para magkapera. Kaya naiintindihan ni Aera kung bakit ganoon na lang ang paghahangad nitong yumaman. Ang sabi ni Bart, kapag yumaman ito, bibilhin nito ang mansiyong naibenta noong bata pa siya at ibibigay sa kanya. Iyon din talaga ang goal ni Aera—ang bumalik sa kanila ang mansiyong iyon. Kaya lang ay hindi siya confident na magagawa iyon dahil alam niyang mahihirapan siyang maging self-made millionaire. Kaya suportado na lang niya ang pangarap ni Bart dahil may pakiramdam siyang kaya nitong yumaman. Hinugot ni Aera mula sa backpack ang parihabang kahon na nakabalot ng gift wrapper at inilapag sa kandungan ni Bart. "Gift ko sa 'yo." Ngumisi si Bart. "Hindi halatang sapatos 'to, ah." May hinugot si Bart mula sa bulsa ng sariling backpack. Kinuha nito ang kamay niya at inilapag sa palad niya ang isang maliit na itim na kahon. Ngumiti si Aera at excited na binuksan iyon. Tumambad sa paningin niya ang isang butterfly gold pendant na may manipis na chain. Alam ng lalaki na mahilig siya sa butterflies. "Ang ganda!" nakangiting bulalas ni Aera habang pinagmamasdan ang kuwintas na kinuha mula sa box. "Hindi halatang gold plated." Inagaw ni Bart mula sa kamay niya ang kuwintas. "Anong gold plated? Tunay 'to, 'no? Twenty-one karat." Nanlaki ang mga mata ni Aera. "Bakit bumili ka ng totoong ginto? Eh, 'di mahal 'yan!" snap niya. Ngumiti si Bart at nag-lean forward sa kanya para isuot sa leeg niya ang kuwintas. "Mahal... kasi mahal kita," sabi nito nang matapos maikabit ang lock ng butterfly necklace. Hinampas ni Aera sa braso ang lalaki at pinandilatan ito. "Sabi ko sa 'yo, 'di ba, 'wag mo 'kong bibilhan ng mamahaling regalo?" Noong minsang binilhan siya ni Bart ng malaking teddy bear na limang daang piso ang presyo ay pinagalitan niya ito. Ang bilin niya sa boyfriend ay huwag nang gagasta nang mahal para sa kanya at ilaan na lang ang pera sa pag-aaral nito at panggastos sa sarili. Ni hindi nga nito mabilhan ng bagong sapatos ang sarili pero nagawa siyang bilhan ng alahas na ginto. Nagkamot ng ulo si Bart. Mukhang hindi iyon ang inaasahang reaksiyon mula sa girlfriend na niregaluhan ng gintong kuwintas. "First anniversary natin 'tapos gusto mong bigyan kita ng gold plated? Ikaw lang yata 'yong babaeng ayaw mabigyan ng ginto." "Gusto ko rin ng ginto! Pero hindi pa sa ngayon. Gusto ko ilaan mo 'yang perang pinagtatrabahuhan mo para sa pag-aaral mo. 'Sabi ko sa 'yo, hindi mo 'ko kailangang bigyan ng mamahaling regalo, 'di ba? At saka mai-snatch lang sa 'kin 'to. Alam mo naman sa lugar natin." Halatang nalungkot si Bart. "Hindi ko alam kung dapat akong magpasalamat na hindi maluho ang girlfriend ko." Inabot ni Aera ang lock ng kuwintas sa batok para tanggalin iyon. "Isauli mo 'to bukas sa pinagbilhan mo." "Kapag tinanggal mo 'yan, iiwan kita rito." Natigil siya sa paghuhubad ng kuwintas at sinalubong ang tingin ni Bart. Bihira ang pagkakataong seryoso ang mukha nito dahil palangiti ang lalaki kaya alam niyang hindi nagbibiro ito. "Para ano pang naging boyfriend mo 'ko kung hindi mo 'ko hahayaang bigyan ka ng regalong gusto ko para sa 'yo? Ilang kasamahan ko 'yong c-in-over-an ko ang shift at ilang araw akong nag-overtime para mabili 'yan para sa 'yo 'tapos tatanggihan mo lang. Nagtrabaho ako nang extra para diyan. Hindi ako kumuha galing sa allowance ko." Bumuntong-hininga si Aera at ibinaba na ang mga kamay. Nakaramdam siya ng guilt habang nakatitig sa mga mata ni Bart na puno ng pagtatampo. "Okay, fine." Humawak siya sa braso nito. "Sorry na. Na-appreciate ko naman 'yong effort mo kaya lang... ayokong maging pabigat sa 'yo. Kaya hindi mo 'ko kailangang bigyan ng mga mamahaling materyal na bagay. Ikaw lang ang kailangan ko. 'Yong free time mo, 'yong parte ng atensiyon mo at pagmamahal mo. Sapat na sa 'kin 'yon... sa ngayon. Kapag nakatapos ka na ng pag-aaral, kapag may magandang trabaho ka na o negosyo, doon na lang ako mag-e-expect ng mga ganito galing sa 'yo." Inipit niya ng mga daliri ang pendant ng kuwintas na suot. "At ng diamond ring na ibibigay mo sa akin sa Paris. Saka 'yong mansiyon namin na bibilhin mo para ibalik sa amin ni Mama." Unti-unti nang sumilay ang ngiti sa mga labi ni Bart. "Thank you dito, beb," tukoy ni Aera sa kuwintas. "Buksan mo na 'yong regalo ko sa 'yo." Sinimulan na ni Bart na sirain ang gift wrapper. Nakita ni Aera ang panlalaki ng mga mata ng lalaki nang mabuksan ang kahon na may tatak na Converse. Manghang bumaling ito sa kanya. "Authentic 'to?" tukoy sa canvas shoes habang sinisipat iyon. Nang tumango si Aera ay tumawa nang pahaw si Bart. "Ayos ka, beb, ah. Ako, hindi puwedeng magbigay ng mamahalin sa 'yo pero ikaw, puwede?" Bumalik ang pagtatampo sa mga mata nito. "Ni wala ka ngang trabaho. Saan mo kinuha 'yong pambili dito? Ibinawas mo sa allowance na ibinibigay ng tita mo?" "May ipon ako, 'di ba? Hindi ko talaga ginagastos 'yong buong allowance ko kahit noon pa. Doon ko kinuha 'yong pambili diyan. Alam ko, matagal mo nang gustong magkaroon ng authentic na Converse shoes pero kailangan mong unahin 'yong mga kailangan talaga. Kaya ako na lang 'yong bumili para sa 'yo." Nagbuga ng hangin si Bart at pagkatapos ay tumawa pero halatang hindi natutuwa. "Ang unfair mo, beb. Ikaw lang 'yong may karapatang magbigay ng mamahaling regalo. Ako, wala. Gano'n ba talaga ka-helpless ang tingin mo sa 'kin dahil mahirap lang ako?" "Ano ba'ng sinasabi mo? Hindi rin naman ako mayaman, ah." "Pero ipinaramdam mo sa 'kin today kung gaano ako kahirap." Hindi nakasagot si Aera habang nakatitig sa mga mata ni Bart na puno ng pagdaramdam. Ganoon ba ang dating ng pagmamalasakit niya? Kahit kailan ay hindi niya minaliit ito. Hindi nito kasalanan kung bakit mahirap ito. In fact, hinahangaan niya ang pagsusumikap nitong makaahon sa hirap. "Ipinaramdam mo sa akin na dapat kong kaawaan ang sarili ko," patuloy ni Bart. "Pakiramdam ko... bumalik ako sa panahong nangangalampag pa ako sa tindahan n'yo para mangutang ng isang lata ng sardinas. Binibigyan mo pa 'ko ng libreng candy o tsitsiryang tag-pipiso kasama ng sardinas dahil naaawa ka sa 'kin." Marahang umiling-iling si Aera habang nagpipigil na maluha. Gusto niyang magpaliwanag dito pero hindi niya magawang makapagsalita dahil sa nakitang hinanakit sa mga mata ng kanyang boyfriend. Bumuntong-hininga si Bart. Inilapag nito ang kahon ng sapatos at tumayo na. Nag-panic na tumayo rin si Aera. Iiwan ba siya nito roon? "Kailangan ko lang munang magpalamig, Aera." Humakbang palayo si Bart. Hindi nito dinala ang backpack kaya alam niyang babalik ito. Pakakalmahin lang siguro ang emosyon tulad ng ginagawa sa tuwing nagtatalo sila. Bago pa makalayo si Bart ay hinabol niya ito at niyakap mula sa likod para hindi na nito ituloy ang paglayo. "I love you," sabi niya. "Masyado kitang mahal para maliitin ka lang. Kahit kailan, hindi kita minaliit dahil lumaki ka sa hirap. Sa tingin mo ba, mamahalin kita kung maliit lang ang tingin ko sa 'yo? Salat ka sa buhay pero ang dami mong traits na dapat mong ipagmalaki. Mga traits na minahal ko sa 'yo...." Nagsimulang tumulo ang mga luha ni Aera. "Beb," patuloy niya, "ayaw ko lang makadagdag sa mga pasanin mo sa buhay. Instead, gusto kitang tulungang magbuhat ng mga dalahin mo para makarating ka agad sa gusto mong marating. 'Di ba 'yon naman dapat ang maging role natin sa buhay ng isa't isa? 'Yong maging katuwang natin ang isa't isa? No'ng tinanggap kita sa buhay ko, ginawa ko na ring goal 'yong goal mo. Gusto ko, matupad mo 'yong pangarap mo habang kasama mo 'ko. Gano'n ka rin naman sa 'kin, 'di ba? Nandiyan ka rin lagi para sa 'kin. Sorry kung ganoon 'yong naging dating sa 'yo ng pagbibigay ko sa 'yo ng sapatos na 'yon. Alam ko lang kasi na gustung-gusto mong magkaroon ng authentic Converse na 'yon kaya ang akala ko, masisiyahan ka. Naiintindihan ko na kung bakit gusto mo 'kong bigyan ng mamahaling kuwintas. Gusto mong ma-appreciate ko na pinaghirapan mo 'yon para sa 'kin. Sorry kung nag-overreact ako kanina..." Hindi na napigilan ni Aera ang pumalahaw ng iyak. "At saka... kahit noong nagpupunta ka sa tindahan para mangutang ng sardinas, hindi kita minaliit. Binibigyan kita ng libreng candy o tsitsirya kasama ng de lata, hindi dahil naaawa ako sa sa 'yo. 'Yong totoo... crush na kasi kita no'n..." Naramdaman ni Aera ang pagkalas ni Bart sa mga kamay niya para pakawalan ang sarili sa pagkakayakap niya rito. Ang akala niya ay itutuloy ng lalaki ang pang-iiwan sa kanya kaya nag-panic siya pero nakaramdam siya ng relief nang pumihit ito at yakapin siya. Ipinagpatuloy niya ang malakas na pag-iyak habang nakasubsob sa dibdib nito. "Sorry na," masuyong sabi ni Bart habang hinahagod ang likod niya, "kung nag-emote ako kanina. Pareho lang tayong OA. 'Wag ka nang umiyak, please? Nakatingin na sa 'tin 'yong mga bata. Baka isipin nila, inaano kita." Nang tumahan na si Aera ay nag-angat siya ng mukha at niyuko siya ni Bart. Pinawi ng mga daliri nito ang luha sa mga mata niya. Nakita niya ang fondness sa mga mata nito na kaagad na nalangkapan ng panunudyo. "Crush mo na pala ako no'n, ah. Ba't ngayon mo lang sinabi?" Hinampas niya sa dibdib ito. "Kainis ka! Tampo-tampo ka pa kasi, nalaman mo tuloy 'yong sikreto ko." Tumawa si Bart. "I love you," malambing na sabi nito. "Ang suwerte ko kasi ako 'yong pinili mo kahit maraming may-kaya sa buhay na nanligaw sa 'yo. 'Malas nila kasi hindi nila mararanasang magkaro'n ng ganito ka-supportive, undemanding and caring na girlfriend." Hinaplos nito ang mga pisngi niya. "Happy anniversary, beb." Sa wakas ay napangiti na si Aera. "Happy anniversary!" Tumingkayad siya para abutin ang mga labi ni Bart. Ang balak niya ay smack lang pero hindi nito binitiwan ang mga labi niya.
YOU ARE READING
Between An Old Memory And Us - Heart Yngrid
RomanceAera woke up one day with amnesia. Wala siyang maalala sa nakalipas na walong taon ng buhay niya. Pero natuklasan niyang hindi lang memory ang nawala sa kanya, kundi pati ang first love at boyfriend niyang si Bart. Ang masaklap pa, ang dating poorit...