"Sir Ric.......!"
Hilong inaninaw ni Mr. Beltran ang tumawag.
"Hindi ho kayo riyan nag- park," nakangiting lapit ni Mang Lando.
Halos kaedad lamang ng lalaki si Mr. Beltran. Pero palibhasa ay langit at lupa ang kalagayan nila sa buhay, parang mas matandang tingnan ang 50 taong gulang na bantay sa parking lot ng Picasso's Haven, ang night spot na paboritong puntahan ni Mr. Beltran.
"Narito ho yong kotse ninyo, sir." Magalang nang inakay ni Mang Lando ang lasing na si Mr. Beltran.
"Nariyan ba?" Napahiyang sabi ng mayamang negosyante. "Hilo na yata ako, ah." Tumawa pa nang maikli at disimulado ang lalaki.
"Napasobra nga ho yong inom ninyo ngayon, ah," magalang na puna ni Mang Lando.
Kilalang- kilala na kasi niya si Mr. Beltran. Regular itong customer ng Picasso's Haven. Walang palya ang pagpunta roon ng lalaki gabi- gabi. Iinom lamang naman nang kaunti at umuwi na.
Pero ngayon nga ay ginabi ito. At napasobra ang inom.
"Nagsasaya lang," tila birong sabi ni Mr. Beltran na nagpaubaya nang maalalayan ni Mang Lando, palibhasa ay Hilo na talaga. "Nilulunod ko na kaunting sama ng loob."
Matamang napatingin sa lalaki si Mang Lando. Nahihiya naman siyang magtanong kung anong sama ng loob ang tinutukoy nito.
"Nagkatampuhan uli kami ng misis ko," kumpas ni Mr. Beltran. Sa mukha nito ay bumakas ang bahagyang lungkot. " Hindi ba minsan naikwento ko na sa iyo na hindi na niya ako napatawad dahil nahuli niya ako sa pagluluko ko noong araw?"
"Oho nga."
"Ayaw niyang maniwalang nagbago na ako. Sinadya niyang ilayo ang loob sa akin. Kahit gumagawa ako ng mga paraang mabalik kami sa dati eh umiiwas siya. Magkahiwalay na nga kami ng mga lakad ngayon."
Bahagyang tumango si Mang Lando. Alam na rin niya ang tungkol doon. Nabanggit ni Mr. Beltran kapag ganitong masama ang loob.
"Kanina ay niyaya ko siya sa company ng isa naming kaibigan. Mas pinili pa niyang sumamang mag ballroom dancing sa kanyang mga amiga kaysa sumama sa akin." Halatang masamang- masama ang loob ni Mr. Beltran.
Hindi umiimik si Mang Lando. Binabayaan lamang niya na magbulalas ng sama ng loob si Mr. Beltran.
Bumuntunghininga ang mayamang lalaki. "Hindi na yata kami talaga mababalik sa dati ni Letty."
"Hindi naman ho siguro," napilitan nang tugon ni Mang Lando. Gusto niya ay kahit paano ay mabawasan ang sama ng loob ng kausap. "Baka naman ho sinasadya lamang kayong pasakitan dahil hanggang ngayon ay masama pa ang loob ng misis ninyo. Malilimutan din ho niya iyon balang araw. Huwag n'yo lang tigilan ang panunuyo."
"Hindi nga. Pero kung minsan, parang gusto ko na rin sumuko. Parang nahahamon na akong makipagtikisan."
"Ah, iyon ho ang huwag ninyong gawin at talagang hindi na kayo....."
Ang pagsulpot ng dalawang lalaki sa kanilang harapan ang nakaputol sa sinasabi ni Mang Lando.
Kinabahan ang matanda.
Kilala niya ang mga lalaki. Notorious ang mga ito sa parking lot sa lugar na iyon.
"Holdap ito," sabi na nga ng isa sabay labas ng patalim na itinutok kay Mr. Beltran. "Huwag ka lang papalag at hindi ka masasaktan, bosing."
"Huwag naman pati siya, Onyok," pakiusap ni Mang Lando. "Arbor ko na siya. Kaibigan ko 'to."
"Pasensiyahan na lang tayo, Mang Lando," matigas na sabi ng nanghoholdap. "Ayokong ma zero ngayong gabi. Kailangang kailangan ko ng delihensya."
"Oo nga naman," matigas din ayon ng kasama nito. "Kaya tumabi ka lang diyan kung ayaw mong madamay, Tanda."
"Magkatalo na ba tayo ngayon?" Madilim ang anyong sabi ni Mang Lando.
"Kapag mangialam ka eh....oo, Mang Lando," anang unang holdaper. Nasa anyo nito na totohanin ang banta.
Iniharang ni Mang Lando ang katawan kay Mr. Beltran. "Gano'n ba?" Matigas nitong sabi.
"Mang Lando......." Pamamagitan ni Mr. Beltran.
Isinalag ni Mang Lando ang isang kamay na waring inaatasan si Mr. Beltran na huwag gumalaw sa kinatatayuan nito. Kasabay niyon, sinipa ng matanda ang kamay ng holdaper na may hawak na patalim.
Tumilapon sa lupa ang patalim ng nabiglang holdaper. Sinamantala iyon ni Mang Lando inundayan ng suntok sa panga ang lalaki.
Hindi nawalan ng loob ang kasama nito, inilabas ang sariling patalim.
Huli na para makailag si Mang Lando.
Bumaon na sa dibdib niya ang mahabang patalim ng lalaki.
Sapat iyon para lumipad ang natitira pang pagkalango sa isip ni Mr. Beltran. Saka lamang nagawang magpalahaw sa paghingi ng tulong ang mayamang negosyante.
"Holdap...... Mga holdaper.......!"
Natawag ang pansin ng dalawang security guard sa harap ng Picasso's Haven, patakbong tinungo ang pinanggalingan ng palahaw. Wala nang nagawa ang dalawang holdaper kundi ang tumakbong palayo sa parking lot.
"M- Mr. Beltran........"
"Huwag n'yong piliting magsalita, Mang Lando," nalulumos na sabi ni Mr. Beltran habang itinakbo sa hospital ang duguang si Mang Lando.
Hindi na niya alintana na tigmak na rin ng dugo ang seat cover ng minamaneho niyang kotse.
Dinaklot ni Mang Lando ang manggas ng suot niyang polong long sleeve, kumapit doon nang mahigpit na tila naghahabol ng mahalagang sandali.
"N- nararamdaman ko...... H- hindi na ako,,,, tatagal, Mr. Beltran."
Umiling- iling si Mr. Beltran, lalo pang pinabilis ang patakbo ng sasakyan.
"May gusto akong,,,,,,, ipagbilin."
Saglit niyang nilinga si Mang Lando. Kitang- kita niyang hirap na hirap ito sa pagsasalita. Nasa anyo nito na gumagamit ng ibayong effort ang matanda para lamang mapanatili ang malay.
Sa bibig nito ay lumalabas na rin ang masaganang dugo na nagpapakulay sa puti nitong T- shirt na suot.
"May maiiwan akong ,,,,,,,kaiisa- isang anak, sir,,,, m- mahal na mahal ko."
"Mang Lando......"
Umiling ang matanda na tila ayaw papigil sa pagbilin. "B- bahala ka na sa, d- dalaga ko, kay Mae. W- wala akong ibang ......" Hindi na naituloy ng matanda ang sinasabi dahil dinalahit ito ng ubo, waring nakasamid dito ang dugong walang tigil sa pagtakas buhat sa bibig.
Humigpit pang lalo ang pagkadaklot nito sa manggas ni Mr. Beltran.
"M- Mang Lando......." Hintakot na sabi ng negosyante.
Saglit na tila nanginig lamang si Mang Lando pagkuwa'y lumuwag na ang pagkahawak sa manggas niya.
Nang malungayngay ito sa kinauupuan, matiyak ni Mr. Beltran na huli na para maisalba niya ang buhay ng matandang nagmalasakit sa kanyang kapakanan.
BINABASA MO ANG
AT KUNG WALA NANG PAYAWAD
RomancePalibhasa ay may rekord na sa pambabae, nang iuwi ni Mr. Beltran ng bahay si Mae, inakala ni Mrs. Beltran na nagloloko na naman ang asawa. Sa halip awaying muli ang lalaki, ang ginawa ni Mrs. Beltran ay nag- uwi rin ng sariling ampon. Napilitan nang...