"Ito na naman tayo..."
Isang binata ang lumuhod sa harapan ng isang puntod. Malamig ang simoy ng hangin nang araw na iyon, at ramdam na ramdam ng binata ang pagdampi nito sa kanyang mga pisngi. Binalot ng kalma ang kanyang pagkatao, na para bang hinehele siya ng hangin na maging komportable sa lugar na iyon.
Nagawa niya na ang lahat ng dapat niyang gawin. Nalinis na niya ang puntod, at nawalisan na rin ang paligid nito. Tinabasan niya na ang tumutubong damo at nakapagtirik na rin siya ng kandila. Nginitian niya ang bagong linis na puntod at hinaplos ang lapida. Dahan-dahan niyang binasa ang mga salitang nakaukit dito.
'kumapit ito sa mga sanga ng puno
at binigyang kulay ang mundo
ngunit isang araw, ang bulaklak
ay tuluyan ng bumitaw'
Nagbabadyang tumulo ang kanyang mga luha, gaya ng palaging nangyayari sa tuwing binabasa niya ang mga katagang ito. Ngunit pinigilan niya ang sarili. Hindi siya maaaring umiyak. Iyo ang huling bagay na nanaisin niyang makita.
Umiwas siya ng tingin at naglakad patungo sa puno ng Kalachuchi na nakatanim malapit sa puntod. Tahimik siyang umupo sa ilalim nito at isinandal ang kanyang ulo sa katawan ng puno. Sinuot niya ang kanyang itim na sumbrero at ipinikit ang kanyang mga mata. Napangiti siya. Marami ang nagtataka kung bakit lagi siyang nakasumbrero, at kung bakit mas kalmado siya sa tuwing suot ito. Lumawak ang ngiti niya bago bumuntong-hininga.
Matutulog muna siya.
Ang taong kanyang hinihintay... malapit na siyang dumating, 'di ba?
