Basahin mo ito.

281 3 2
                                    

Madalas ako'y napapaisip kung ano ba talaga ang kahulugan ng mga katagang 'tunay na kaibigan'. Ito ba ay nababanggit lamang sa mga munting salita o naipapakita sa pamamagitan ng paggawa? Ito'y tiyak ba na nauunawaan mo o ipagwawalang-bahala kapag ika'y nabigo? Maraming kahulugan, ngunit isa lamang ang nagpapatunay ng kahalagahan. Sabi nila, maghintay ka at sa kalauna'y malalaman mo rin. Iyon nga ang aking ginawa at ako'y nagpapasalamat nang ika'y dumating.

Kaibigan, bakit ngayon ka lang? Iyan ang unang tumatak sa aking isipan. Kay tagal ng panahon na ako'y naghintay sa iyo. Ang mga panahon na aking ginugol, masasabi ko bang karapat-dapat ito? Sunud-sunod na mga tanong ang gumimbal sa aking isipan. Ako ba ay matutuwa o hindi? Ngunit ito'y sinagot mo ng ngiti; ng ngiting nagpapagaan ng loob at mapagkakatiwalaan. Hindi ako nagdalawang-isip na ibahagi rin sa iyo ang aking kaligayahan. Magmula ngayon, ang tiwala ko ay ibibigay ko sa iyo. Pahalagahan mo, pagyamanin, at huwag mong biguin sapagkat alam kong ito ay hindi mo babalewalain.

Naglipas ang mga buwan mula noong ika'y nakilala. Kaligayahan ang naidulot mo sa akin, gayundin ang naidulot ko sa iyo. Pantay lamang. Tunay ang pakikitungo mo, ngunit minsan mayroong mga pagkakataon na hindi tayo nagkakaunawaan. Kapag nagkaroon ng kasalanan ang isa, agad tayo ay nagkakatampuhan. Bakit ganito? Akala ko ba ay totoo na, akala ko ba ay nalaman ko na. Sa isang saglit, pag-aalinlangan ang naramdaman ko. Hindi kaya namamali lamang ako? Sa pangalawang pagkakataon, ito'y muling sinagot mo ng ngiti. Ako ay naliwanagan, hindi nga ako nagkamali. Isa kang tunay na kaibigan na maipagmamalaki.

Salamat, iyan ang gusto kong iparating ating sa iyo sapagkat natalos na ng aking isipan ang kahulugan ng isang tunay na kaibigan. Masasabi kong ako'y nahirapan sa una, ngunit hindi ako nabigo. Hindi ako sumuko at patuloy akong humawak sa pag-asang inilaan ng Diyos upang ika'y aking mahanap. Ikaw ay biyaya Niya at dapat kang matuwa, ngunit paalala lang huwag ka sanang lumuha. Ito'y aking ginawa para ika'y lumigaya. Ito ay para sa iyo, kaibigan.
---------------------
Maligayang kaarawan, Fate_CM. 😊

Para sa Isang KaibiganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon