TULA #1 - LAGING UMUULAN SA WEST PHILIPPINE SEA

26 6 0
                                    


Sabi ng tatay ko, magdadala na raw ng shampoo
At sabon ang Coast Guard pagpunta nila sa Ayungin.
Doon daw kasi, laging umuulan. Lagi silang nababasa
Ano mang lagay ng panahon, Nakahawi man ang mga ulap.
Bughaw na bughaw man ang langit.
Wala raw isang araw na hindi umuulan doon.

Ang sabi niya, natatawa raw siya sa nangyayari. Hindi
Raw kasi tayo gumaganti ng ulan sa ulan. Sanay raw kasi
Tayong binabagyo, binabaha, inuunos. Pero minsan,
Sumagot ang nanay. Hindi naman daw ulap ang nagpapa-
Ulan sa West Philippine Sea. Ang ulan daw roon
Ay binubuga ng kanyobong. At hindi raw ang Diyos ang
May hawak sa gatilyo, kun'di mga sundalong Tsino.

Minsan pa'y hindi na nakaimik ang tatay. Hindi na siya
Natawa. Dahil sa katapusan ng litanya ni nanay, aniya,
"Kailan ba ititigil ang pag-ulan ng tubig sa Ayungin?"
Matatawa pa raw ba si tatay kung hindi na tubig ang uulan
Do'n kun'di mga bombang sinlaki ng kanyang ignoransya?

(Go, 2024)

SALOOBAN (At Iba Pang Tula)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon