Isang Gabing Anim na Buwan

9 1 0
                                    

•ISANG GABING ANIM NA BUWAN•
Written by: Jay Clayd

Genre: Horror-mystery
Trigger Warning: Slight Gore

Palaisipan parin kung papano nawawala ang mga bata tuwing gabi dito saming lugar. Halos araw-araw ay may mga batang bigla nalang naglalaho ng walang bakas na naiiwan. Ang hula ng mga autoridad ay isang sindikato ang nasa likod ng mga pangyayaring ito, subalit iba ang paniniwala ni Larry patungkol dito.

Ayun sa kanya isa di umanong nilalang ang may gawa ng pagkawala ng mga bata, isang nilalang na sa gabi lamang lumilitaw, isang nilalang na sabik sa mga bata. Ilang beses na nyang sinubukang sabihin sa mga autoridad ang kanyang suspetsa subalit ayaw syang paniwalaan ng mga ito dahil sa tingin nila hindi ito kapani-paniwala at hindi ito makatotohanan. Dahil sa ilang beses na pagkabigo ni Larry na kumbinsihin ang mga autoridad naisipan nyang patunayan nalang sa kanila na totoo ang mga sinasabi nya.

Isang araw habang takot na takot ang mga tao saming lugar dahil sa mga pangyayari sa gabi, pumunta samin si Larry, matirik pa ang araw at kakatapos pa lamang ng pananghalian, may dala-dala syang bag, nakasuot ng puting t-shirt, at itim na pantalon. Pumunta sya samin upang imbitahan akong sumama sa kanya na hanapin ang may dahilan ng pagkawala ng mga bata tuwing gabi. Sumangayon naman agad ako at sinabihan akong maghanda sa pagsapit ng dilim kami ay magsisimula sa paghahanap. Bago ako naghanda ay sinabihan ko na sila mama at papa sa gagawin namin ni Larry.

Sumapit ang dilim at binalot ng kadiliman ang liwanag sa paligid. Sinabihan ako ni Larry na maghanda na sapagkat kami ay magsisimula na sa paghahanap. Sinimulan namin ang paghahanap sa may malapit na bahay-bahay.

Halos wala kaming makitang tao sa labas at tanging kaming dalawa lang ni Larry ang tao sa madilim na kalyeng aming tinatahak dahil na rin siguro ito sa takot ng mga residente. Tinahak namin ang madilim na kalye hanggang sa may isang matandang babae kaming nakita na naka-upo sa may gilid. Agad naming nilapitan ang matanda at kinausap ito.

Ang matanda ay tila nag-aalala at kita ang takot sa kanyang mga kilos na para bang may nakita o naranasan syang nakakakilabot. Sinubukan namin syang kausapin at tanungin subalit wala syang imik samin kayat hinayaan na lamang namin sya at sinabihang mag-ingat sapagkat gabi na. Nagpatuloy kami saming pagpaghahanap iniwan namin ang matanda sa kalye.

Ilang oras ang nakalipas wala paring bakas o palatandaan mula sa kung sino o ano man ang dahilan ng pagkalaho ng mga bata. Dahil sa bigo kaming makita sa kalye ang salarin sa pagkalaho ng mga bata naisipan na naming pumunta sa may kakahuyan ng aming lugar. Naglakad kami tungo sa kakahuyan hanggang sa makarating na kami sa may bungad ng kakahuyan.

Pagkarating palang namin sa may bungad ng kakahuyan ay kinilabutan agad kami. Rinig namin ang huni ng mga insekto at ang pagkiskis ng hangin sa mga dahon at tanging kadiliman lamang ang bumabalot sa kakahuyan na kung titignan mo ay parang may nakatingin sayo sa kadiliman. Inilabas ni Larry ang kanyang flashlight at nagsimula kaming lumakad papasok sa kakahuyan dala ang takot na baka may kung ano kaming makita sa aming daan sa gitna ng dilim.

Rinig ang pagyapak namin sa mga natuyong dahon habang naglalakad kami. Sa bawat pag ingay ng mga hayop ay syang pagbilis ng tibok ng puso namin, at sa bawat pag ihip ng hangin ay syang pagtayo ng mga balahibo namin sa katawan. Naglakad kami sa kadiliman na tanging takot at kaba ang aming nararamdaman subalit di nawawala saming isipan ang dahilan kung bakit kami tumungo dito.

Nagpatuloy kami sa paglalakad at wala kaming makitang kakaiba o kahina-hinala tanging ang katahimikan at kadiliman lamang ang bumabalot. Umabot ng hating gabi ang paglalakad at paghahanap namin subalit wala kaming natagpuan. Sa puntong ito malapit na kaming mawalan ng pag-asa.

Lumipas ang ilang oras at naisipan nalang naming umuwi. Naghanda kaming lumakad pabalik hanggang sa may narinig kaming hagulgol ng bata. Narinig namin ang malakas na pag-iyak at paghagulgol ng bata di kami tiyak pero parang marami sila at kung papakinggang maigi parang humihingi ng tulong ang pagiyak na iyon kaya agad kaming tumakbo papunta sa pinanggagalingan ng pag-iyak.

Pagkarating namin sa lugar kung san nanggaling ang pag-iyak ay laking gulat namin nang makita namin ang mga nawawalang bata na nakaupo sa gitna ng dilim, mga umiiyak, humahagulgol, at sumisigaw na mga bata. Agad namin silang nilapitan at sinubukan kong kausapin ang isa sa kanila subalit hindi ito nagsasalita umiiyak lamang ito gayon din ang batang nilapitan ni Larry tila takot na takot ito at dahil sa matinding takot nito ay halos layuan na nito si Larry. Tumayo ako at tumingin sa kanila tila ba may naranasan silang nakakakilabot na syang dahilan ng kanilang kinikilos ngayon.

Dahil sa di matukoy na kadahilanan ang mga batang ito ay takot na takot, napapasigaw, napapaiyak at napapahagulgol sila, at halos ayaw pumansin samin ni Larry. Tumingin kami sa paligid para sana maghanap ng bakas ng kung sino man ang kumuha sa mga batang ito subalit wala kaming nakita. Sinubukan na rin naming ayain sila upang lumabas ng kakahuyan subalit ayaw nilang gumalaw sa kanilang kinalalagyan.

Patuloy ang mga batang ito sa pag-iyak kaya ang tanging naiisip ko na lamang ay ang humingi ng tulong. Sinabihan ko si Larry na manatili sa mga bata at ako ay hihingi ng tulong sa labas ng kakahuyan. Sumangayon naman sya kayat agad akong tumakbo di ko inalintana ang dilim ng paligid at takot ko, ang tanging nasa isip ko ay ang makahingi ng tulong upang mailigtas ang mga bata.

Tumakbo ako papunta saming bahay sapagkat doon ang pinakamalapit na bahay mula sa kinaroroonan ng mga bata. Hingal na hingal akong nakarating sa bahay namin at bago pa man ako makasigaw para humingi ng tulong ay agad akong sinunggaban ng yakap ng aking mga magulang. Sinubukan kong pumiglas sa yakap nila subalit sobrang higpit ng pagkakayakap nila sakin, wala akong nagawa kundi ang hayaan na lamang sila.

Niyakap nila ako na para bang di nila ako nakita ng ilang taon. Pagkabitaw nila sakin ay agad na sana akong magpapaliwanag subalit biglang nagsalita si papa habang umiiyak "Hinanap ka namin ng mama mo, anak ko." saad nya habang patuloy ang pagpatak ng kanyang luha "Alam namin na buhay ka pa at di ka pa patay, anim na buwan ka naming hinanap, anim na buwan kang nawawala, san ka ba nanggaling?" dagdag nya. Nagtaka ako dahil sa nagpaalam naman ako sa kanila kahapon na pupunta ako sa kakahuyan kasama si Larry at papanong naging anim na buwan akong nawawala kung nasa kakahuyan ako ng ilang oras lamang ang lumipas mula kahapon. Lahat ng iyon ay gumugulo sa aking isipan.

Sinabi ko sa kanila na nagpaalam ako sa kanila kahapon, sinabi ko sa kanila ang tungkol sa paghahanap namin ni Larry sa mga nawawalang bata at sinabi ko rin na nahanap na namin ni Larry ang mga bata at naghihintay sila ng tulong sa gitna ng madilim na kakahuyan. Pagkatapos kong sabihin ang mga iyon ay tila nagtaka sila. Tumingin sila sa isat-isa at pagkatapos nito ay tumingin sila sakin at ang mga sumunod na sinabi nila ang syang nagpakilabot sakin.

Pumaharap sakin si papa at hinawakan ang mga braso ko at tinapik-tapik ito sabay sabing "Anak matagal nang natagpuang patay ang mga nawawalang bata, at sino si Larry? Wala akong kakilalang Larry na kaibigan mo, anak." ang mga salitang iyon ang syang nagpatindig sa mga balahibo ko at nagbigay kilabot saking katawan.

Nanahimik ako dahil sa takot habang nasa harapan ko si papa at ilang saglit pa ay agad na may kumatok sa nakabukas na pintuan ng aming bahay. Nabaling ang atensyon namin at sabay-sabay kaming lumingon sa pintuan. Pagkalingon ko ay laking gulat ko nang makita ko si Larry na nakatayo sa may pintuan nanginginig sya, namumula ang mga mata nya, puno ng dugo ang kanyang puting t-shirt, may putik ang kanyang itim na pantalon, hawak-hawak sa kamay nya ang parang isang maliit na daliri, may nakalaylay na buhok sa kanyang suot-suot na bag, at habang pinagmamasdan ko sya ay binigyan nya ako ng nanlilisik na tingin mula sa kanyang kinatatayuan sabay ngumiti sya sakin at dun nakita ko ang ngipin nyang babad sa dugo sabay sabing "Bakit? Bakit walang naniniwala sakin?" malademonyong tanong nya sakin.

•END•

Isang Gabing Anim na BuwanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon