Kahirapan

2 0 0
                                    

Ipanganak sa mayamang pamilya o ipanganak sa mahirap na pamilya?

Kung pwede lang sanang pumili ng magiging kapalaran ay ginawa ko na. Sa kasamaang palad, ipinanganak ako sa isang mahirap na pamilya.

Ang sabi nila, hindi masama na ipinanganak kang mahirap. Ang masama ay ang mamatay kang mahirap.

Sa sitwasyon ko, masasabi kong ang malas ng kapalaran ko.

Taong 1943. Naalala ko noong bata pa lang ako ay halos wala kaming makain. Ang aking ina ay nasa bahay lamang samantalang ang aking ama ay isang lasenggo. Walang tiyak na trabaho at puro sugal lang ang alam kung kaya't kaming mga naiiwan sa bahay ay halos mamatay na sa gutom.

Baon kami sa utang. Isang dosena kaming magkakapatid kaya hindi na kataka-takang napipilitan kaming mangutang sa tindahan para lang may makain. Hindi na mabilang sa kamay ang mga pagkakataong natutulog kami sa gabi ng walang laman ang tiyan.

Minsan noong naglalaro kami sa labas ng aking mga kapatid ay nakikita namin ang mga batang naka-uniporme galing sa paaralan. Isang liwanag sanang magbibigay ng daan para umasenso sa buhay. Ngunit ang ganoong pribilehiyo ay tanging mga may pera lamang ang nakakukuha dahil sila ay may pangmatrikula.

Isang beses akong lumapit sa inay upang sana'y hingin ang kanyang opinyon tungkol sa pag-aaral. Nadismaya ako nang sabihin niyang dapat ay magtrabaho na lamang ako para may maipambili ng pagkain.

At ang trabahong tinutukoy niya ay ang pamamalimos sa kalsada. Isang trabaho na ginagawa namin araw-araw para may pangkain kami sa hapunan. Maswerte nalang kami kung hindi makukuha ni itay ang nakolekta namin para ipang inom.

Lima sa mga kapatid ko ang pinili na lamang na mag-asawa para takasan ang malupit na kahirapan. Pero dahil sa maagang nag-asawa at nagkaanak ay wala rin silang napala. Minsan ay lumalapit sila kay inay para humingi ng suporta kahit na alam naman nilang wala na kaming halos makain.

Noong ako'y nagdalaga na ay pinilit ako ni inay na pumasok sa bar at doon magtrabaho. Dalawa sa mga nakakatanda kong kapatid ang nauna ng nagtrabaho doon. Kahit na labag sa aking kalooban ay wala akong magagawa dahil sa takot na baka bugbugin na naman ako ni itay.

Nawasak ang dignidad at pagkatao ko. Ang mura kong isipan ay nabahiran ng karahasan. Wala akong magagawa upang pigilan ang mga nangyayari. Masyado akong mahina.

Ilang beses akong sumubok na tumakas ngunit tanging sampal ang tadyak ang inaabot ko dahil sa palpak na plano. Nanatili ang buhay ko ng ganoon hanggang sa ako'y naging edad disi-otso.

Nabuntis ako at hindi ko alam kung sino ang ama. Halos mapatay ako ng mga magulang ko kung hindi lamang ako ipinagtanggol ng iba kong kapatid. Pinalayas ako sa aming tahanan ng walang ibang dala kung hindi ang sako ng kapiraso kong damit.

Kung saan-saan ako nagpunta, humihiling na sana ay may maawa sa kalagayan ko. Ngunit wala ni isa ang tumulong sa'kin. Walang nahabag sa sitwasyon ko. Sinubukan kong mamasukan bilang isa katulong ngunit walang tumanggap sa'kin nang malaman nilang buntis ako at nagtrabaho isa isang bar.

Ilang taon akong namalimos sa kalsada. Naipanganak ko ang aking supling sa isang madilim at abandonadong eskinita habang bumumuhos ang malakas na ulan. Sa tindi ng lagnat ko pagkatapos ay isang himala na buhay pa ako ngunit sa kasamaang palad ay namatay ang aking anak.

Pinilit kong magpakatatag. Sinikap kong mabuhay kahit na walang tumatanggap sa'kin dahil sa wala akong pinag-aralan. Gamit ang perang naipon ko sa pamamalimos ay nagsimula akong magbenta ng mga kakanin sa tabi ng kalsada. Sapat na ang kinikita ko upang makakain sa isang araw.

Hanggang sa isang lalaki ang dumating sa buhay ko. Hindi siya mayaman ngunit mabait ang pakikitungo niya sa'kin. Nakuha niya ang loob ko hanggang sa hindi ko namalayang nakatira na pala ako sa isang bubong kasama siya.

Akala ko may karamay na ako. Isang pagkakamali na huli na nang mapagtanto ko dahil pagkatapos kong manganak ay lumabas ang kanyang tunay na kulay. Wala siyang pinagkaiba sa aking ama.

Pinilit kong tumakas ng ilang beses ngunit hindi pa man ako nakakalayo ay nahahabol niya ako. Puro bugbog ang inabot ko at maraming beses kong pinagdasal na sana'y malagutan na nalang ako ng hininga.

Nagkaroon ako ng maraming anak. Ang pangarap kong umasenso sa buhay ay nawasak ng ganoon na lamang. Ang pag-asang makamit man lang ang ginhawa kahit pansamantala ay parang usok na bigla na lamang naglaho. Ang buhay na pilit kong tinatakasan ay siya ang kinahangungan ko.

Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin kung ano ang naging buhay ko kung pinanganak ako sa mayamang pamilya.

Magdudusa kaya ako? Maghihirap kagaya ng pinagdaanan ko? Habang nakatingin sa salamin ay nakikita ko ang isang batang babaeng malungkot na nakatingin sa'kin. Ang batang ako. Nakikita ko ang batang ako. Nakasuot ng lumang damit na halatang ilang tao na ang gumamit.

Kung sana ay nagawa ko lamang na lumayo, edi sana ay kahit konti ay nakatakam ako ng ginhawa.

Habang lumalabo ang aking paningin ay unti-unti ring nagiging kulubot ang pigura sa salamin. Unti-unti na ring nawawala ang aking buhay.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 03 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Short stories Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon