Isa, dalawa, tatlo, labing apat, isang daan o di kaya ay libo-libong patak ng luha and lumabas na sa aking mga mata. Itong mga luhang ito ay naglalaman ng lahat ng mga nararamdaman ko. Galit, poot, at pighati na nag uunahang lumabas sa puso ko na sa kabila ng lahat umaasa parin ako na abutin ka, ka, bago mo abutin ang iba.
Lagi na lamang akong naghihintay ng isang bagay na mabuti, yung kakaiba. Dumating ka, pero wala ka sa larangan ng pagiging mabuti. Pero maaari mo ring sabihin na isa ka sa mga kakaiba.
Sa sandaling ito, sa puntong ito, masasabi ko na hindi talaga tayo ang itinakda para sa isa't-isa, katulad na lamang ng mga bulalakaw na bigong maging planeta. Ang pag-ibig natin na hindi naman talaga dumating. Ang pag-ibig ko na kailanman hindi na mararating ang itinakdang destinasyon.
Lagi kang nasa harapan ko, pero bakit napakalayo mo, katulad na lamang ng puso mong laging nakatalikod para sa akin. Hindi kita masisisi kung iyan ang napili mong gawin, na mas piliin akong saktan at iwan. Pero bakit kinailangan mo pang mag hanap ng ibang kamay, kung andito naman na ako, handa nang ibigay ang dalawa kong mga palad?
Andito ako, at nandito ka nga pero magkaiba naman tayo ng landas. Sumusubok, pero laging bigo. Siguro nga tama sila na pagsuko ang mas magandang paraan na gawin ko. Napag isip-isip ko na mas maganda na sigurong matapos na to at malinawagan na tayo pareho.
Titigilan na kita simula ngayon, patawarin mo sana ako sa pagsuko ko at patatawarin din kita para sa pagmamahal mo ng iba.
At pinapangako ko na ito na ang kahuli-hulihang sakit na ipaparanas mo sa akin, ito na ang huling patak ng luha na papatak sa mga mata ko.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Patak (One Shot)
Non-FictionSadyang may mga bagay talaga na hindi itinakda para sa isat' isa.