Ako si Emong. Kaka retiro ko lang sa isang ahensya ng gobyerno na nakabase dito sa probinsya namin. Ngayon ay namamasukan bilang isang barangay tanod dito. Itinuturing kong libangan ang pag trabajo dito sa barangay. Tapos naman na mga anak ko sa kanilang pag aaral. Ang asawa ko naman, nagta trabajo sa kooperatiba.
Bilang bagong pasok, sa gabi ako na-assign. Ganun talaga eh. Bago ka lang. Minsan isang gabi habang rumoronda ako sa paligid gamit ang motor, may pumara sa akin na isang lalaking may itim na bag sa balikat. "Kuya, pwede po ba magpahatid sa gate ng plantasyon ng mais? Nasiraan kasi ako ng kotse" tanong nya sa akin. Agad ko naman syang sinakay. Madilim at malupa ang dinadaanan namin. Hindi pa kasi sementado ang maliliit na kalye. Pagdating sa gate ng plantasyon, dalawang gwardiya ang naka abang na sa labas. "Dali Edong, kanina ka pa hinihintay" wika nung isang gwardiya. Ina-abutan ako ni Kuya ng pera pero hindi ko tinanggap. Habang pabalik na ako sa pino-postehan ko, nang may nakita akong dalawang bata na tumawid sa dinadaanan ko. Huminto ako, bumaba ng motor, at sinundan ko ng paningin. May mataas na bakod ang plantasyon pero ang pinagtataka ko, paano sila nakapasok sa loob ng ganun kabilis. At isa pa, gabi na. Nag desisyon na akong umalis nung hindi ko na makita ang mga bata.
Lumipas ang isang linggo, habang rumoronda ako nang gabi, nakita ko ulit yung dalawang bata na tumatakbo. Inunahan ko. Huminto sila. "Op op sandali lang. Saan kayo nakatira?" tanong ko. Tinuro nila ang kaliwang direksyon pero bigla silang tumakbo sa direksyon patungo sa loob na ng plantasyon. "hoy hoy hoy sandali lang" sabi ko habang hinahabol sila. Nagtaka na naman ako kung paano sila nakapasok ng ganun kabilis sa mataas na bakod ng plantasyon. Sinundan ko ng paningin gamit ang flashlight. Patungo sila sa bodega sa gitna ng plantasyon. Maya maya, bigla silang nawala.
Pag balik ko sa pinupwestuhan ko sa highway, nakita ko na naman yung lalaking sinakay ko papunta sa gate ng plantasyon. May bitbit ulit syang malaking bag na itim. "Oh brad, diba ikaw yung hinatid ko sa gate ng plantasyon ng mais" tanong ko sa kanya. Tumango lang sya sa akin. "Sira pa ba ang kotse mo? Gusto mo ihatid ulit kita?" tanong ko ulit sa kanya at tumango na naman sya. Ang nagtataka ako, habang angkas ko sya sa motor at binabagtas namin ang malupang daanan, marami akong tinatanong sa kanya pero hindi sya sumasagot. Pag dating namin sa gate ng plantasyon, bumaba sya at may inabot sya sa akin. Tatlong malalaking pako. "Huh, para saan ito"? tanong ko. At nagulat ako, bigla syang nawala sa paningin ko.
Lumabas ang isang gwardya ng plantasyon. "Oh ano yun" tanong sa akin. "Nakapasok na ba yung lalaking may dalang bag na itim?" tanong ko. "Huh, anong lalaking may bag na itim? Gabi na. Wala kaming inaasahan darating ngayong oras. At isa pa, kung yung tinutukoy mo yung hinatid mo dito nung gabi, wala na yun. Tinanggal na yun dito. Sige na makaka alis ka na" ang sabi ng gwardiya sa akin sabay pasok nya sa loob ng gate.
Pero angkas ko lang sya kanina diba? Paano nangyari yun?
Nag usisa ako sa aming punong barangay. Tinanong ko ang tungkol sa plantasyon. "Ah yung tinutukoy mo bang plantasyon ng mais yung nandun sa barangay trese. Balita ko pag aari ni Congressman yun. May mga naririnig akong nangyayari dun pero hindi na natin sakop ang barangay na yun kaya wag na natin pakialaman" sagot sa akin ng aming punong barangay.
Pero hindi pa rin sa akin mawala ang pag iisip tungkol sa mga batang tumatakbo papasok sa loob ng plantasyon papunta sa bodega, at yung lalaking inangkas ko na binaba ko sa gate at nag abot sa akin ng tatlong malalaking pako tapos biglang nawala. Hindi ako mapakali. Para bang may nangyayari.
Isang gabi pag dating ko sa pinopostehan ko sa highway, wala ang kapalitan kong tanod sa pwesto, si Totong. Nasan kaya yun. Baka may binili lang. Maya maya dumating sya naka motor. Sabi nya sa akin galing daw sya sa barangay trese sa plantasyon ng mais. May nakisuyo daw magpahatid na lalaki na may malaking itim na bag. Nasiraan daw ng kotse. Pero nagtaka sya, pag dating daw sa gate ng plantasyon, bigla daw itong nawala. Kaya ayun, nakasagutan pa daw nya ang gwardya.
Nagdududa na ako. Kaya hiniram ko ang motor kay Totong, at sabi ko saglit lang kaya wag muna syang aalis sa pinu pwestuhan namin.
Papunta ako sa barangay trese. Nakita ko sa relo ko, alas una y media na ng gabi. Habang binabagtas ko ang malupang daanan, nakita ko ulit ang dalawang bata patakbo papunta sa loob ng plantasyon. Nagdahan dahan ako ng takbo. Pinatay ko ang headlight. Nakita ko naka pasok agad sila sa mataas na bakod ng plantasyon. Tinanggal ko ang reflector vest ko. Hinubad ang puting uniform. At pilit na lumusot sa nakita kong bob wire na bakod. Sinundan ko ng paningin ang mga bata. Dahan dahan ang lakad ko baka makita ako ng mga gwardya.
Nakarating ako ng bodega. Bukas ang ilaw. Nagmasid sa paligid. Maya maya nagtago ako kasi nakita ko may paparating na kotse na sinusundan ng isang malaki at magarang sasakyan. Lumabas ang mga sakay at pumasok sa bodega.
Nakakita ako ng butas sa dingding na yero. Sinilip ko. Nakakita ako ng lalaking nakatali sa kisame, nakayuko, at may mga pasa ang katawan. Lumapit sa kanya ang isang makinis na lalaki na magara ang pananamit. Nakilala ko. Si Congressman. "Alam mo, sa mga tao kong tanga, may pasensya pa ako. Pero sa mga traydor, wala. Parejo kayo ng dati kong bagman na si Edong. Kaya magsama kayo" narinig kong sabi nya. Nakita ko ang isa sa mga tauhan na nag abot ng tatlong pako at martilyo. Itinutok ang pako sa ulo habang hawak ang martilyo sa kabilang kamay. Nasaksihan ko ang pangyayari. Nagulat ako. Nanlambot. Nanginig sa nakita. Maya maya, inutusan ang mga tauhan na alisin ang mga sako ng mais sa isang pwesto. At nakita ko, may pintuan sa sahig na binuksan. Binaba ang lalaki sa pagkakatali sa kisame, at inihulog sa binuksan na pintuan sa sahig. Maya maya, narinig ko ang utos sa mga tauhan. "Ikutin nyo ang labas at tiyakin nyo na walang tao sa paligid gaya nung dalawang bata na nahuli nyong nagmamasid". Nung marinig ko yun, dali dali akong tumakbo at gumapang palabas ng bakod na bob wire. Tumakbo papunta sa motor ko. Kinuha ang mga hinubad kong suot, at dali daling umalis sa lugar.Dahil sa mga narinig ko, nabuo ang kwento. Agad kong sinabi sa punong barangay namin ang nasaksihan ko.
Makalipas ang tatlong araw, pinuntahan ako ng isang barangay official sa bahay. "Emong pwede ka bang makausap ng pribado", tanong nya sa akin. Nagpunta kami sa dulo ng bakuran namin sa likod bahay. Nag usap kami. Maya maya, may inabot sa akin na sobre. "huh, ano to?" tanong ko. "Hindi sa akin galing yan" sabi ng barangay official. "Nakisuyo lang sa akin ang kalaban sa politika nung may ari ng plantasyon. Nakita kasi ng mga pulis sa basement ng bodega na may mga bangkay na naaagnas. Halos pare parejo ang sanhi ng pagkamatay. Pako sa ulo. Maliban dun sa dalawang bata, na nakitang may plastic sa mukha" dugtong pa nya.
Ayaw kong tanggapin ang sobre pero biglang sinabi "Emong, mainit pa ang sitwasyon. Mahirap ang kalagayan mo. Lumayo muna kayo ng asawa mo. Buti pa dun muna kayo sa Maynila kasama mga anak nyo. Diba dun sila nagta trabajo?. Sasabihan na lang kita kapag pwede ka na bumalik dito sa lugar natin. Para sa kaligtasan nyo rin yan".
Kaya ayun, nandito muna kami ng asawa ko sa Maynila kasama ang mga anak namin sa inuupahan nilang apartment. Ang tanong na lang, kailan kaya kami makakabalik sa probinsya namin.Disclaimer :
Ang kwentong ito ay kathang isip lamang. Ang pangngalan, lugar, negosyo, kaganapan,at pangyayari ay produkto lamang ng imahinasyon ng may akda. Anu mang pagkakahawig sa mga aktwal na tao, nabubuhay, namatay, o kaganapan, ay sadyang nagkataon lamang.

BINABASA MO ANG
Ang Nasaksihan Sa Plantasyon
TerrorIsang retiradong empleyado ng gobyerno si Emong na nagta trabaho na sa kanilang barangay bilang isang tanod. Dahil tapos na mga anak niya sa pag aaral, ito na lang pagiging tanod ang kanyang libangan. Pero may mga naranasan siya na hindi niya maun...