Chapter 4

95 68 7
                                    


Laureen's Point of View

"Anong ginagawa mo dito?" tanong ko kay Ivan, nagulat ako nang bigla siyang sumulpot sa ospital na pinagtatrabahoan ko. Paano niya nalamang dito ako nagtatrabaho?

"Magpapagamot po ng pasa," sagot niya, hawak-hawak ang kanyang ilong na may konting dugo. Kung kanina lang ay sobrang lungkot ng mukha niya nung umalis ako sa bahay, ngayon ay nandito na naman siya, dala-dala ang nakakainis niyang ngiti.

"Hindi ko na sana ipapagamot, kaso ang sakit pala ng suntok ni Kira," pabiro niyang sabi, ngunit bakas sa kanyang mga mata ang sakit.

"Tamang-tama!" sabi ko nang lumapit si Jenny. "Nurse Jen, pakigamot nga 'tong lalaking 'to," utos ko sa kay Nurse Jenny sabay turo kay Ivan.

Habang nakatingin ako kay Nurse Jenny, napansin kong parang may kakaiba sa kanyang reaksiyon habang tinitingnan niya si Ivan. Para siyang naguguluhan at tila nag-aalinlangan.

"Ah, sige po," sabi ni Jenny, medyo nagtatakang nakatingin kay Ivan. Si Ivan naman, kahit nakangiti, parang may sinasabi sa kanya gamit ang mga mata niya. Kitang-kita ko ang pagtitig niya kay Jenny, tila may pahiwatig na gustong iparating, pero hindi ko mawari kung ano iyon.

Nakita ko si Jenny na tila nag-aalinlangan pa rin. "Sige, dito na tayo," sabi niya kay Ivan, nag-aalangan ngunit sumusunod. "Laureen, ako na bahala dito."

Habang paalis sila, hindi ko maiwasang mapansin ang palitan ng mga tingin nina Ivan at Jenny. Para bang may silent communication na nagaganap sa pagitan nila, na lalo pang nagpalakas ng aking kutob na may kakaiba.

Naiwan akong nakatayo, nagtataka at nag-iisip kung ano nga ba ang tunay na nangyayari. Kumunot naman ang noo ko nang tumigil sila at pagkatapos ay lumingon si Jenny sa'kin.

Bigla na lang nagbago ang ekspresyon ni Jenny, na parang bigla siyang natauhan.

"Girl, may pasyente pa pala ako," sabi niya, halatang pilit ang ngiti at medyo pawisan ang noo. "Ikaw na bahala sa kanya, ah. Bye!" Agad niyang iniwas ang tingin at parang nagmamadaling umalis, halos matalisod pa siya sa isang upuan habang papalayo.

Napabuntong-hininga na lamang ako kasi wala na akong ibang choice kundi gamotin nalang talaga ang lalaking 'to. Lumapit ako kay Ivan at hinila siya papunta sa isang bakanteng kama. "Sige, tingnan natin 'yan," sabi ko, habang si Ivan ay mas lalo pang lumawak ang ngiti niya sa mga labi kasama ng nagniningning niyang mga mata.

Sumunod si Ivan at naupo sa isang bakanteng kama. Kumuha ako ng mga gamit sa tray at lumapit sa kanya. "Masakit ba?" tanong ko habang maingat kong iniinspeksiyon ang pasa sa kanyang mukha.

"Medyo," sagot niya, ngunit may ngiti pa rin sa kanyang labi. "Pero okay lang, masaya naman ako na ikaw ang gagamot."

Napatingin ako sa kanyang mga mata at nakita ko ang tapat na ningning doon. Naramdaman kong nag-init ang aking pisngi at nag-iwas ng tingin. "Tama na, Ivan. Huwag kang masyadong magpatawa," aniko na wala paring emosyon sa mukha.

Kumuha ako ng alcohol swab at dahan-dahan kong nilinis ang kanyang sugat. Naramdaman ko ang kanyang bahagyang pag-igkas nang maramdaman ang hapdi ng alcohol. "mahapdi?" tanong ko.

"Konti lang, pero ayos lang," sagot niya. "Isang magandang nurse ba naman ang magpapagaling sa akin." aniya dahilan upang magdikit ang aking mga labi at tumaas ang isang kilay.

Loving Ms. Laureen Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon