Ika-8 na ng Enero ngayon. Bukas na ang uwi ni Ate Helena. Sa totoo lang, hindi talaga ako nasasabik mamaya para sa gaganaping piging. Halos buwan-buwan na lang may salo-salo o may dadalong bisita sa bahay namin. Nakakasawa na paulit-ulit na lang makikihalubilo sa mga tao na ang gusto lang naman ay makalapit kay ama para sa kapangyarihan o gamitin siya. Bahala na. Magsasaya nalang ako sa pagkain mamaya na luto ni Manang Lumen. Palagi na lang masarap ang putaheng niluluto niya kaya kami ay pinagpala magkaroon ng isang katulong na tulad niya. Para sa amin ay hindi lang isang katulong si Manang kundi isa na rin parte ng pamilya namin dahil kay tagal na niyang naninilbihan dito.
Kanina pa ako gising pero nakahiga pa rin ako sa higaan ko. Wala rin naman kasi akong gawain. Mamaya na ako tatayo para mag-almusal. Nakatitig lang ako ngayon sa kisame na mayroon mga bulaklak na pininta ni Tiya Felicidad ng pinapaayos pa ang kwarto ko noon sanggol palang ako. Kamusta na kaya si Tiya Felicidad...
Napatigil ako sa aking malalim na pagiisip ng may narinig akong katok sa pinto. "Pasok." wika ko. Nang bumukas ang pinto, pumasok si Juli. Isang katulong sa bahay na apo ni Manang Lumen. Bata pa si Juli ngunit naglilingkod na siya para sa pagtubos ng bayarin ng pamilya nila. "Binibining Ligaya, pupunta po kami sa bayan ngayon upang bumili ng mga sangkap na gagamitin mamaya para sa mga putahe. Nais niyo po bang sumama?" ani ni Juli. Tuwang-tuwa naman ako at napatayo na. Naiinip na rin ako sa bahay. Nakakasawa na rin ang pagmumukha ni Lolita na tangi kong nakikita araw-araw.
Nang dumating kami sa palengke, makikita ang maraming paninda at napakaraming tao. Meron ding mga binibini na nakasuot ng magagarbong bestida na nakangiti sa akin. Ako'y nasindak sandali at napagtanto ko na anak pala ako ng Gobernador. Bihira lamang ako lumalabas at kapag lumabas naman ako, para lang ito samahan si ama o bumisita kay Binibining Selina. Kaya hindi lahat ng mamamayan kilala ako at nagpapasalamat naman ako doon.
"Dito po, Binibini." ani ni Juli papunta sa mga prutas na paninda. Mga sariwa ito at halatang hinog pa dahil sa kulay nito. Habang namimili si Manang Lumen na bibilhin na prutas, napatingin din ako sa mga mangga. Paborito kong prutas ang mga mangga kaya alam ko na kung saan ang sariwa kumpara sa bulok. Sa patingin-tingin ko ay may nahulog akong mangga. Pupulutin ko na sana nang naapakan ang kamay ko.
"Aray!" sigaw ko. Sanay na ako matusok ng karayom ang mga daliri ko ngunit ang matapakan ay hindi. Lumapit naman agad si Juli sa akin para tingnan kung ayos lang ba ako. "Binibini, ayos lang ho ba kayo?" tanong ni Juli. Napatayo naman agad ako para tingnan ng malalim kung sino ito dahil natabunan siya ng sinag ng araw kanina. Isa itong babae na mestiza. Mahaba ang buhok nito at naka-ipit sa likod. Namimili rin siya ng mga prutas at tiningnan ako. "Paumanhin. Hindi kita nakita, Binibini." ani niya. Tumalikod nalang ako at nagpatuloy sa pagpili ng mga mangga kasi wala naman na akong magagawa. "Huwag kasing bulag." pabulong ko na pagwika habang naghahanap ng sariwang mangga. Napansin ko naman na narinig niya ito at tumingin siya sa akin. Nararamdaman ko ngayon ang matalim na mga tingin niya. Ganun ba talaga kasama ang sinabi ko?
Napansin ko siyang kumuha ng isang mangga at ipinakita ito sakin. "Alam mo, para kang isang mangga na ito. Parehas kayong bulok." ani ng bruhang 'to. Uminit ang ulo ko dahil sa sinabi niya kaya umikot ang ulo ko para tingnan siya at nanlaki ang mga mata ko. "Anong sinabi mo?!" sigaw ko at ngayon napatingin na silang lahat sa aming dalawa. Agad-agad naman lumapit sa akin si Manang Lumen para pakalmahin ako dahil baka magsimula ako ng away at hindi ito kanais-nais para sa reputasyon ni ama para sa mga nakakakilala sa akin dito. "Binibini, nasa palengke tayo. Husto na." ani ni Manang. Ipinakalma ko nalang ang saili ko at sumama kay Manang para umalis na. Aalis na sana ako ng nagsalita pa siya na ikinagigil ko. "Humihingi na nga ako ng despensa ngunit tinawag mo pa akong bulag! Para ka talagang mangga na ito, binibini." ani niya sabay diin sa salitang binibini. Tinatanong niya ba ang pagka-binibini ko?
Uminit ang dugo ko at sinampal ko siya. Nagbulong-bulungan na ngayon ang mga nakatingin sa amin. Tinignan ako ng babae ngayon at hinila ang buhok ko. Syempre, hindi ako papayag sa ginawa niya at hinila ko rin buhok niya at nagdulot na nga ng away.
Kakauwi lang namin ngayon at kalat na kalat ang buhok ko. Pagpasok namin sa loob, ang sumalubong sa amin ay si ama. Nanlaki ang mga mata ni ama na parang nakakita ng multo.
"Dios mio! Anong nangyari sa iyo, Ligaya?!" gulat na tanong ni ama. Lumipat naman ngayon ang tingin ni ama kay Manang Lumen. "Anong nangyari dito? Bakit nagmukha itong baliw na para bang tinakasan ng katinuan at nakipagsabunutan?" tanong ni ama kay Manang. Nahiya naman ako at mas isinubsob ang ulo ko. "Sinagot niyo na po ang tanong niyo, Don Leandro." ani ni Manang Lumen. Bumalik ang tingin sa akin ni ama at galit na galit. "Ligaya?" galit na tanong ni ama. "Ama, ang binibining iyon naman ang nagsimula ng away." paninindigan ko. "Dios mio! Away?! Hindi mahalaga sa akin sino nagsimula, Ligaya! Kasalanan mo pa rin dahil pinatulan mo pa ang mga walang modo na katulad ng binibini na iyon!" sagot niya. "Aber, kilala mo ba kung sino 'yun?" tanong niya.
Umiling naman ang ulo ko dahil hindi ko naman siya nakikilala. "Kilala ko po Don Leandro lahat ng mamamayan sa bayan dahil palagi po ako namamalengke doon..ngunit hindi ko po nakikilala ang mujer 'yun" ani ni Manang Lumen. Hindi ko naman iniisip sino siya ang sa akin lang ay natalo ako. "Sigurado akong kakalat ang balitang iyon na ang anak ng isang Gobernador na isa pang Herrera ay nakipag-away sa palengke." ani ni ama. "Buti na lang dadating ang mga Dela Merced mamaya at matatabunan ang chismis na 'yun." pahabol niya. Hindi niya man lang tinanong kung maayos lang ba ako. Hays.
"Oh siya, ikaw ay maghanda na Ligaya dahil pagkatapos natin mananghalian ay aalis na tayo papunta sa daungan." ani ni ama bago umalis. "Binibini, tutulungan na po kita." ani ni Juli. Nakaupo lang ako ngayon habang inaayusan ng papusod ni Juli ang buhok ko. Bigla nalang ako napaisip sa darating na mga Dela Merced. Matagal na rin ng huli ko nakita ang nag-iisang anak ni Don Emilio na si Ginoong Alejandro. Kasing edad ko lang siya at balita ko isa na siyang sundalo ngayon. Mahangin ang ulo niya at kapag nag-uusap kami, palagi nalang niya binabanggit ang pamumuhay nila sa Maynila. Ang kanyang ama ay isang negosyante sa Maynila at kilalang-kilala ito. Nang pumanaw ang asawa nito sa panganganak ay inialay niya na ang buong dedikasyon niya sa negosyo.
Alas 2 na ng hapon ng dumating ang barkong galing sa Maynila papunta rito sa San Herrera kung saan nasa loob nito si Don Emilio at Ginoong Alejandro. Kasama ko ngayon si ama at Lolita. Nang bumukas na ang pintuan ng barko, maraming tao ang naglabasan. Mga mag-asawa, pamilya, mga Peninsulares, sundalo at iba pa, hanggang bumaba narin sila Don Emilio at Ginoong Alejandro. Malaki ang ipinagbago ni Ginoong Alejandro. Mas tumaas ito at mapapansin naman na namuo na ang kalamnan nito dulot ng pagiging sundalo. Mas malalim na rin ang boses niya kumpara noong mga bata pa kami. Nagbatian na sila pero nakangiti lang ako dahil hindi ko nais umimik. "Ginoong Alejandro, eto na nga pala ang aking mga dalaga. Si lolita.." pagpapakilala ni ama sabay pagyuko ni Lolita. "Magandang hapon, Binibining Lolita." ani ni Alejandro sabay ngiti at ipinaypay naman ni Lolita ang kanyang abaniko ng mabilis at dahil ako'y nasa kanyang gilid, kitang-kita ko ang namumula nitong pisngi. Akala ko ay siya'y tapat kay Ginoong Carlos, hindi pala. "At ang aking bunso, si Ligaya." pagpapakilala naman ni ama sa akin.
Yumuko ako at nagulat nang kunin niya ang aking kanang kamay at hinalikan ito. "Magandang hapon, Binibining Ligaya. Kasing tagal na rin ng huli tayong nagkita." ani niya. Nanlaki lang ang mga mata ko at nais ko na sana siyang sampalin ng tumikhim si ama. Pinakalma ko na lamang ang aking sarili para hindi ako makadulot ng dalawang away ngayong araw. "Ikinagagalak ko rin makita kang muli, Ginoong Alejandro." ani ko sabay pagkukunwaring nakangiti.
YOU ARE READING
Alpas
Historical FictionIn the year 1898, amidst the backdrop of the Philippine Revolution against Spanish colonial rule, two brave women, Camila and Ligaya, embarked on a courageous journey. Despite the overwhelming odds, their love and determination fuel their relentless...