Nakaunan si Denise sa hita ni Evan James sa ilalim ng punong-akasya. Malapit nang lumubog ang araw ngunit ayaw pa rin nilang maghiwalay. Sabado ng hapon—kadarating nito mula sa Manila.
Masaya ito dahil nakatapos na ito ng kolehiyo. Kahit hindi siya nakadalo sa graduation nito ay naiintindihan siya nito. Walang nakakaalam sa relasyon nila. Baka lalo lamang silang pagbawalan ng mama nito kapag nalaman nitong hindi lang sila magkaibigan. Dama niyang hindi siya tatanggapin ng matapobreng ina nito.
Mayaman ang mga Aspiran; pag-aari ng mga ito ang hacienda kung saan sila nakatira ng kanyang inay dahil katulong ito roon. Tiningala niya ang binata nang hagurin ng palad nito ang kanyang noo.
"Graduating ka na rin this year sa high school, mahal," sabi nitong nakatungo.
"Sana'y makatapos na rin ako. Ikaw ay titulado na at—"
"Sshh! Huwag mong isiping napakalayo ko sa iyo. Mahal kita, tandaan mo 'yan. Walang makakapaghiwalay sa atin." Masuyong hinagod nito uli ang kanyang noo. "Mahal na mahal."
"Mahal din kita. Hindi nga ako makapaniwalang maging magkasintahan tayo. Akala ko, magiging magkaibigan lamang tayo," nakangiting tugon niya.
"Uhm!" Ngumiti rin ito. "Akala mo lang 'yon. Sa totoo lang, noon pa man ay marami na akong pangarap para sa atin. Kapag tapos ka na ng college ay magpapakasal na tayo. Bubuo tayo ng masayang pamilya. Magkakaanak tayo ng isang dosena," pagbibiro nito.
"Andami naman!" Umingos siya.
"Basta, gusto ko, malaking pamilya at masaya." Pinindot nito ang kanyang ilong.
"Kaya kaya natin 'yon?"
"Ako pa!" pagyayabang nito.
"Ano'ng plano mo ngayon?" tanong niyang hinaplos ang pisngi nito. Namumungay ang mga matang tumitig ito sa kanya, ipinaloob ang isang palad nito sa kanyang batok at inayos ang kanyang mahabang buhok.
Dama niya ang labis na pagmamahal nito sa kanya. Twenty na ito at siya naman ay kinse pa lamang pero matibay na ang pangako nila sa isa't isa. Marami na silang pangarap na binuo.
"Magtatrabaho na ako sa Manila. Ikaw, ano'ng course ang kukunin mo?"
"Accounting." Naupo siya at sumandal sa dibdib nito. "Basta ba palagi kang nandiyan para sa akin, lahat ay gagawin ko para makatapos ako. Para hindi ako magiging alangan sa iyo."
Nagbaba siya ng tingin nang maalala niya ang katayuan nito sa buhay. Alam din nitong hindi siya gusto ng mama nito para dito. Palaging masama ang tingin ng doña sa kanya kapag napapadaan siya sa villa. Pero kapag kasama niya ang binata ay hindi naman ipinapakita ng ginang ang disgusto nito sa kanya. Dama lamang niyang hindi ito pabor na palagi silang nagkikita ng anak nito.
Noon pa man ay pinagbawalan na rin siya ng inay niyang makipagkita rito. Ngunit kulang ang linggo niya kapag hindi niya nakapiling si Evan James; kaya sa burol sila palaging nagtatagpo. Umulan o umaraw ay nandoon sila kapag weekend.
"Pagbutihin mo, honey." Ipinulupot nito ang mga bisig nito sa katawan niya.
Isinandal naman niya ang kanyang ulo sa dibdib nito. Pakiramdam niya ay wala siyang problemang hindi kakayanin kapag kasama niya ito. Mahal na mahal niya ito. Mayaman ito pero hindi hadlang iyon para ibigin niya ito.
"Halika, magtanim na lang tayo ng San Francisco. May dala akong seeds," anyaya nito.
"Oh, talaga?" Napatayo siya bigla. Marami na rin silang naitanim na mga namumulaklak na halaman at karamihan sa mga iyon ay binili pa nito sa Manila.
"Magaganda na ang mga orchids mo."
Nilapitan nila ang mga dancing lady na nakasabit sa puno ng mangga.
"Noong isang linggo pa yang mga bulaklak na yan. Ang tagal na nila, 'no?" Hinaplos niya ang mga petals niyon.
"Magaling ka kasi, honey." Inakbayan siya nito.
"Halika, doon natin itanim ang mga yan."
Tinungo nila ang paanan ng burol.
"Tatawagin nating 'Mount Denise' ito," nakatawang sabi nito habang hawak siya sa kamay pababa ng burol.
"Ang saya-saya ko talaga kapag kasama kita."
"Ako rin, hindi kompleto ang linggo ko kapag hindi kita nakasama." Inilabas nito ang isang supot mula sa bulsa ng pantalon nito.
"Oy, uulan!" palatak niya nang biglang umambon.
"Masaya naman tayo." Binuksan nito ang sachet.
"Hoy! Bakit basta mo na lang isinaboy?"
"Tapos na!" Tumawa ito at basta na lamang siya binuhat nito.
"Hoy! Ibaba mo ako! Ano ka ba!" Nagpumiglas siya sa mga bisig nito.
"Nope!" Kagat ang labing ikinuskos nito ang nguso nito sa ilong niya.
"Ang kulit mo talaga!" Ikinulong na lamang niya ang mukha nito sa mga palad niya.
"'Sarap mo talagang magmahal, Denise. Sana'y ikasal na tayo."
Marahil, sa sobrang pagmamahal nito ay nahagkan siya nito sa mga labi na mas mabilis pa sa pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Ngunit kasimbilis din ng boltahe ng kidlat ang paggapang ng masasarap na pakiramdam sa buong katawan niya. Dati ay pinagtatakhan niya kung anong uri ng damdamin ang mga iyon. Hanggang sa ito na mismo ang nagsabi ng ibig sabihin ng mga iyon. Na mahal niya ito kaya ganoon ang nararamdaman niya kapag kasama niya ito.
Pinakatitigan niya ang mukha nito. Matangos ang maliit na ilong nito, at nabiyayaan ng malalantik na pilik-mata ang bilog ng mga mata nito. Makapal ang kilay nito, manipis ang mamula-mulang mga labi. Maamo ang mukha nito. Guwapo ito—at hindi niya akalaing mamahalin siya nito.
"Uhm! Baby, huwag mo akong titigan nang ganyan." Sinalubong ng mga titig nito ang humahangang tingin niya rito.
"Ang guwapo mo kasi. I love you," anas niya.
"I love you so much, Denise. Ikaw ang ngayon at bukas para sa akin." Kinintalan nito ng malutong na halik ang kanyang ilong.
BINABASA MO ANG
Pangako Ng Kasal - Suzanne Angelu
RomanceDenise took a vow with Evan James to love each other till the end of time. Kinse anyos lamang siya nang magsimulang umusbong ang pag-ibig nila. Ngunit hindi naging sapat ang pangako niya. Kailangan niyang ipagparaya ang kanyang pag-ibig para sa isan...