Isinusuko ko na 'yang pag-ibig na iyan.
Simula nang maghiwalay kami ni Jayda na naging girlfriend ko for almost nine years, hindi ko na nakikita ang sarili kong makikipagkilala pang muli sa ibang babae.
Bukod sa nakaka-trauma, pakiramdam ko eh nakakatamad nang makipag-date sa henerasyong ito.
Isipin n'yo nga, nagpakahirap kang buuin 'yong pagkakaibigan at relasyon mo sa iisang tao, sabay kayong nangarap para sa sarili't sa isa't isa, ibinuhos mo ang makakaya mo para sa kaniya, may mga isinantabi kang pangarap para unahin ang kaniya, nakalimutan mo na kung sino at ano ka ba talaga dahil nakatuon halos lahat ng atensyon mo sa partner mo at higit sa lahat... inakala mong siya na 'yong magiging hantungan mo.
Pero isang araw, bigla na lang sasabog ang balita sa pagmumukha mo na ayaw na niya sa 'yo. Hindi ka na niya mahal. Matagal na lang pala siyang nagtitiis sa 'yo sa kadahilanang nakasanayan na lang niya na palagi kang nandiyan para sa kaniya.
Tapos kahit gusto mo pang ayusin at itama iyon, ayaw na niya.
Gano'n lang niya kadaling bitawan ang mga salitang, "Na-fall out of love na ako. Hindi na ako masaya."
Gustuhin mo man sanang itanong kung bakit, anong nangyari, paano nauwi sa gano'n at bakit bigla-bigla naman ang desisyon... nanahimik ka na lang.
Inisip mo lang na baka magulo lang ang kaniyang isipan o baka marami lang talagang pina-prioritize ng mga sandaling iyon.
O baka kailangan lang muna niyang makahinga kaya hinayaan mo na lang muna siya sa kaniyang desisyon. Baka kasi bugso lang ng damdamin o factor din ang hormones.
Hanggang sa dumaan ang mga araw at linggo na wala na siyang paramdam. Kinukumusta mo siya, pero ni isang sagot, wala. Minsan seen na lang hanggang sa blocked ka na pala sa kaniyang mga social media accounts.
Iniwan ka na pala talaga sa ere.
Wala kang mapagsabihan ng galit at lungkot na nadarama mo. Lalo na kung introvert ka pa, na mas mabuti nang sarilihin na lang ang mga hinanaing kaysa makaistorbo pa sa iba.
Mabigat at masakit na nga, nadagdagan pa ng balitang mangingibang-bansa na pala 'yong taong minahal mo nang lubusan. Magmi-migrate na raw doon nang wala kang kaalam-alam.
Hindi ba't matagal at mahabang proseso iyon? May nahanap na ba siyang iba kaya gano'n? May napangasawa na ba siyang citizen ng bansang iyon? Bakit nahuli ka na sa balita? Bakit hindi niya nabanggit no'ng kayo pang dalawa? Bakit gano'n gano'n lang siya kadaling mag-desisyon?
Masaklap pa roon, sa mga katropa mo lang napag-alaman ang balitang 'yon.
Wala kang ibang magawa sa buhay kundi gumising sa umaga para humarap sa computer at magtrabaho maghapon. Ultimo pag-kain, hirap na hirap ka. Ayaw mong makipag-usap sa kahit sino. Gusto mo lang magkulong sa kuwarto buong araw hanggang sa abutin ng gabi.
Wala kang gana sa lahat ng bagay. Para bang napilayan ka. Nawala bigla 'yong motivation mo, na dati naman eh ganadong-ganado ka sa maraming bagay.
Nag-iba na ang routine mo. Dati, mas madalas nandoon ka kasama niya dahil pinagaganda niya ang araw mo. Bihira ka na ngang matulog sa sarili mong bahay dahil mas gusto mo siyang kapiling.
For nine years, gano'n ang nakasanayan mo. Ginawa mo lahat kasi nga "mahal" mo. Okay lang mapagod, ayos lang malagasan ng pera, tiniis mo 'yong mga gabing wala ka halos tulog dahil kinailangan ka niya, lumiban ka sa ibang family gatherings and occasions para sa kaniya... at ayos na ayos lang iyon para sa 'yo.
Pero ngayong sugatan ka, masasabi mo bang wala kang pinagsisisihan sa mga nangyayari?
Naitanong mo ba sa sarili kung saan ka nagkulang o nagkamali? Hindi ka ba sapat para sa kaniya? Hindi ka na ba niya nakikita sa future niya kaya minabuti niyang umalis?

BINABASA MO ANG
Pihado (One-shot Fiction)
RomantikSa piling mo'y pihado. Kailanma'y hindi magiging dehado. © 2024 isipatsalita.