Nakasukbit sa isang balikat ni Bram ang itim na duffle bag habang ang isa pang kamay niya ay may hawak na bote ng malamig na tubig nang tumawid siya ng kalsada. Pero pareho niyang nabitiwan ang mga dala nang mabilis na lumundag siya paatras upang maiwasang mahagip ng biglang sumulpot na pulang kotse mula sa gawing kanan niya. Nakaririndi ang pagsagitsit ng preno ng kotse ilang metro ang layo mula sa kinatatayuan niya. Malakas na napamura at nagngingitngit sa galit na nagmartsa siya patungo sa driver's side ng sasakyan.
"Hey! Muntik ka nang makasagasa! Wala ka sa racetrack! Kung hindi ka marunong magmaneho---" naudlot ang galit na pagkompronta sana niya sa driver ng kotse hustong pagtapat niya sa bintana sa driver's side.
Dagling naglaho ang pagngingitngit niya nang makilala kung sino ang driver ng kotse. Dahil napalitan na ang pagngingitngit niya ng gulat, galak, pagtataka, inis, iritasyon at lahat na siguro ng uri ng emosyong maaring maramdaman ng isang tao patungkol sa isa pang taong hindi mo inaasahang makita pero heto at nasa harapan mo na. Sa huli, mas nangibabaw ang iritasyon at inis niya dahil naisip niya na sa bilis ng pagmamaneho ng dalagang lulan ng sasakyan, tila naghahanap talaga ng disgrasya ito. She was still the same old reckless Nicole!
"Dammit, Nicole! I should've known it was you! Wala namang iba pang magtatangka sa buhay ko kundi ikaw! Kailan ka pa pinalabas ng kulungan?! Akala ko itinapon na nila ang susi ng selda mo!" singhal ni Bram sa dalagang gulat na napatingin din sa kanya.
Ilang beses pa itong napakurap-kurap, nabitin ang matamis at halatang nang-uutong ngiti na nakahanda sa mga labi nito. Malamang iniisip ng dalaga na madadaan nito sa matamis na ngiti lang ang paghingi ng dispensa sa inaasahan nitong estrangherong muntik na nitong madisgrasya.
Bakas sa reaksyon ng dalaga na hindi siya nito namukhaan agad. Bagay na lalong nagpa-igting sa galit niya. Kung siya, isang sulyap lang sa mukha ng dalaga ay nakilala agad ito, bakit siya hindi agad nakilala ng dalaga? Dalawa't kalahating taon pa lang naman mula nang huli silang magkita. Ganoon ba karaming lalaki ang nakadaupan nito sa States para makalimutan agad siya?
Magkasalubong ang mga kilay na tumitig si Bram sa dalaga. Akala niya ay malilibre siya sa presensya ng dalaga nang mga limang buwan pa dahil sa susunod na taon pa ang alam niyang nakatakdang pag-uwi nito sa bansa. Bakit napaaga ang pagbabalik nito?
Ang itim at kulot na buhok ng dalaga ay tila mas humaba. Kung noon ay hanggang balikat lang ang buhok ng dalaga, ngayon tila umaabot na yata iyon hanggang sa baywang nito.
Nakatali ng pulang laso ang buhok ng dalaga at nakadantay sa kaliwang balikat nito. Noong bata pa ang dalaga ay isinusumpa nito ang kulot na buhok nito na minana nito sa ina. Lagi kasing inaasar noon ang dalaga na 'Salot-kulot' ng mga kalaro. Ilang beses nga rin nitong pinakiusapan ang mga magulang na ipaunat ang buhok nito para hindi na raw ito takaw-tukso.
Pero para kay Bram ang buhok ni Nicole ang pinaka-maipagmamalaking katangian ng dalaga. Mistulang maliliit na alon kasi ang buhok nito. Makintab at malambot pa. Aliw na aliw siya noon na ipulupot sa isang daliri niya ang mga hibla ng buhok nito, uunatin niya iyon saka niya bibitawan. Tila may sariling buhay naman ang mga hibla na bumabalik sa dating pagkakakulot.
Kapansin-pansin din ang ibang features ng mukha ni Nicole na halos lahat ay minana ng dalaga mula sa ina. Angkulay-kapeng mga mata lang ng dalaga ang namana nito sa ama. Natitiyak niyang walang make-up ang dalaga pero napakakinis ng kutis nito, mala-porselana. Perpekto rin ang hugis ng pa-arkong mga kilay nito, mamula-mula ang makikinis na pisngi at singpula ng dugo ang mga labing---
"Bakit may dugo ang labi mo?!" kunot-noong bulalas ni Bram na awtomatikong umangat ang kamay at maingat na hinaplos ng hinlalaki ang pang-ibabang labi ng dalaga na bahagyang nagdurugo.
BINABASA MO ANG
Broken Hearts Trilogy 1-Mend This Broken Heart of Mine(published under Precious Hearts Romances)
RomanceBram would finally be hers. But first, she would have to convince him that she is the only woman in the entire world who would love him as he deserves to be loved.