“Delia! Sinong may sabi sa iyong maaari kang matulog sa kama ng iyong kapatid?! Hindi ba dapat ay nagluluto ka na riyan para sa aming umagahan?” iyan ang bungad sa akin ng aking ina noong naabutan niya akong natutulog sa kama ni Marie. “Pasensya na po, ‘nay. Hindi ko po sinasadyang makatulog dito. Malambot po kasi ang kama niya, hindi gaya ng akin na banig lamang.” saad ko habang nililigpit ang kama na aking tinulugan. “Ang dami mo pang sinasabi riyan! Magluto ka na lamang ng umagahan nang makakain na kami!” Huminga ako ng malalim bago dumiretso sa kusina. Palaging ganito ang trato sa akin ng aking magulang pati na rin ng aking kapatid. Sinabi kasi nila sa akin na hindi nila ako planado, na ako ay isang pagkakamali lamang at hindi sadya. Labing-anim na taon lamang ang aking ina noong ako ay kaniyang ipinagbuntis. Binalak pa nga akong ipalaglag ng aking ina ngunit ayaw daw niyang makagawa ng kasalanan. Masakit isipin na hindi na nga ako planado, ganito pa ang trato nila sa akin. Wala naman akong magagawa sapagkat ako ay pagkakamali lamang sa kanilang paningin. Hindi ako masyadong magaling sa larangan ng akademiko at kahit isang talento ay wala ako. Ang silbi ko lamang sa buhay ay pagsilbihan ang aking magulang dahil kahit ganoon ang trato nila sa akin ay pinapaaral pa rin nila ako at binibigyan ng tulugan.Pagkatapos ko silang ipagluto ng umagahan ay dumiretso na ako patungo sa unibersidad. Sa University of Biñan nga pala ako nag-aaral. Ako ay nasa ikaapat na taon na at BS in Medical Technology ang kinuha kong kurso. Nabalitaan kong magkakaroon kami ng pagsusulit sa susunod na linggo at kung hindi kami makakapasa ay hindi kami makakatapos ng kolehiyo. Alam ko sa sarili kong hindi ako magaling at hirap ako sa pagrerebyu. Kadalasan pa ay nakakatulog ako sa klase dahil sa puyat. Ako kasi ang pinaglalaba ng aking ina sa gabi pagkatapos ng aking klase. Kahit na sa susunod na linggo pa ang pagsusulit ay kinabahan na agad ako. Mahina ang aking memorya pagdating sa mga ganiyang bagay ngunit pangarap ko talagang maging isang doktor kaya ito ang pinili kong kurso.
Pumasok ako sa aming silid-aralan at nakita kong halos lahat ng aking kaklase ay nagrerebyu. Wala kaming klase buong linggo dahil sa paparating na pagsusulit. Nais ng aming guro na bigyan naming pansin ang pagrerebyu upang kami ay makapasa. “Hypertrophic...Ano nga ulit ‘yon? Ang hirap talaga sauluhin nito, nakakainis.” reklamo ng isa kong kaklase. Totoo naman kasing ang hirap magsaulo ng salitang may kaugnayan sa siyensya.
YOU ARE READING
Bahaghari
RomanceLabing-anim na taon lamang ang aking ina noong ako ay kaniyang ipinagbuntis. Binalak pa nga akong ipalaglag ng aking ina ngunit ayaw daw niyang makagawa ng kasalanan. Masakit isipin na hindi na nga ako planado, ganito pa ang trato nila sa akin. Wala...