Tagalog ver

6 0 0
                                    

Hindi pa nabuo ang konsepto ng Romantikong Pag-ibig. Ang silbi lang ng kasal ay para lang magkaroon ng mga alyansa at pagdami ng populasyon. Dahil dito ang pagsasamahan ng mag-aasawa ay hindi nakalulugod. Minsan pa nga nagkakaroon ng alitan sa pagitan ng mga tribo, dahil sa hindi pagkakaunawaan ng mga mag-asawa. Sa mundong ito, ang mga diyos ay hindi lamang mga tagamasid, sila ang mga arkitekto ng buhay.

Ang kanilang mga desisyon ay may malaking kinalaman sa buhay ng mga mortal. Ang bawat diyos o diyosa ay may kani-kaniyang responsibilidad at sakop. Kahit na sila ay kadalasang malayo at walang pakialam, ang kanilang mga desisyon ay maaaring magkaroon ng malalaking epekto sa mundo.

Si Mora, ang Diyosa ng Kamatayan, ay tila pagod na pagod na makita ang alitan ng mga tao. Dagdag pa, halos lahat ng mga diyos ay nagkakasayahan dahil wala silang pakialam sa mga tao na nasa sanlibutan. Dahil dito, ayaw niyang kausapin ang mga kapwa niyang diyos. Kilala si Mora sa kaniyang mga nagniningning na berdeng mga mata na parang mga esmeralda, pero ang nakakakita lamang sa kaniya ay mga kapwa niyang diyos at mga patay.

Si Perla naman ang Diyosa ng Kalangitan, siya ang anak ng Diyos ng Batas at Kaalaman na si Solon. Si Perla ay isang magandang dilag; ang kaniyang mga mata ay parehas lang sa sikat at kulay ng araw. Ang mga pekas niya ay parang mga tala na babagay sa kaniyang balat, parang mga tala na nagniningning sa gabi. Siya ay ikinasal kay Alon, ang diyos ng Dagat. Kahit na ang kasal sa pagitan nila ay kapaki-pakinabang, nanghihinayang si Perla, kahit hindi niya alam kung bakit.

Isang araw, si Mora ay naglalakbay sa isang dalampasigan. Biglang may nakita siyang nagniningning sa sulok ng kaniyang mata; lumapit siya para suriin iyon. Isang mahabang kuwintas na gawa sa perlas ang kaniyang nakita. Hahanapin na sana niya ang may-ari ng kuwintas nang biglang may narinig siyang gumalaw.

"Sino iyan?" tanong ng diyosa. Nang tinanong niya ito, isang dilag ang lumabas sa kaniyang pinagkukublihan. Nang nakita niya ang babae, bumilis ang tibok ng kaniyang puso.

"Magandang hapon po, binibini," bati ng dilag. "Maaari mo po bang isauli ang aking kuwintas? Ito ay isang mahalagang regalo mula sa aking ina," pakiusap ng babae.

Pagkatapos ibalik ni Mora ang kuwintas, nagtataka siya. "Paano mo ba ako nakikita? Ang mga patay lang at ang mga diyos ang nakakakita sa akin," sabi ni Mora.

Ngunit nang matama niyang tingnan ang babae, nakita niya ang kakaibang kinang sa mata nito. "Sandali lamang! Ikaw po ba ang Diyosa ng Kalangitan? Perla, diba ang pangalan mo?" tanong ulit nito.

"Opo, ako nga iyon," patunay ni Perla. Nang sila ay magkatinginan, sila ay kapwa natigilan.

"Kailangan ko pala ibigay ito sa iyo," sabi ni Mora. Inabot niya ang kuwintas kay Perla. "Huwag sanang magagalit kung itatanong ko sa iyo kung paano mo nawaglit ang inyong kuwintas?" tanong niya.

"Naaksidente akong nahulog mula sa kalangitan at hindi ko alam kung bakit. Mabuti na lang ako ay isang diyos at hindi mortal," sagot ni Perla.

"Perla, nandito ka pala," biglang may narinig silang boses sa likod nila. Lumingon sila at nakita nila ang pinagmulan ng tinig, na walang iba kundi si Alon, ang Diyos ng Karagatan. "Maraming salamat na binantayan mo ang aking asawa," pasasalamat niya kay Mora. "Kailangan mo nang bumalik sa kalangitan; ang Ama mo ay nagtataka kung bakit hindi pa sumisikat ang buwan." Pagkatapos niyang sabihin ito ay umalis na silang dalawa.

Sa darating na gabi ay nagulat si Mora na binisita ulit siya ni Perla sa dalampasigan. "Anong ginagawa mo dito, Perla?" tanong ni Mora.

"Nagtanong ako sa aking ama kung pwede akong dalawin tuwing gabi, dahil sa tingin ko parang parehas nating nararamdaman na nag-iisa tayo," sagot ni Perla. Nagtataka si Mora sa sinabi ni Perla sa kaniya; agad pinagsisihan ni Perla ang mga salitang ito. "Patawarin mo po ako, binibini." Nataranta niyang nasabi. "Hindi ko sinasadyang sabihin ang mga masasakit na salita." Muntikan nang tumawa si Mora sa kaniyang reaksiyon. "Maayos lang po iyan; nagtataka lang ako na bakit sinabi mo ay nararamdaman na nag-iisa ka? Kala ko masaya ka dahil meron kang Ama na nagbabantay sa iyo at mga kaibigan?" tanong niya.

"Binibini, maaari mo bang huwag sabihin sa aking Ama?" pagmamakaawa ni Perla. Sumang-ayon naman si Mora. "Pagkatapos kong ikasal kay Alon, parang may kulang sa kasal na ito. Pero nung sinasabi ko ito sa aking Ama ay palagi siyang nagagalit at hindi ako nirerespeto," sabi ni Perla. Naawa si Mora sa kaniyang ikinuwento. "Hindi ka nagkamali sa iyong sinabi tungkol sa aking nararamdaman; ako ay talagang nag-iisa. Kaya, ipagpatuloy natin ang ating pagsasama!" ideklara niya.

Sa mga sumunod na araw, lalo pang ikinalulugod ni Mora na makasama si Perla, kaya gusto niya itong makilala pa nang husto. Kaya palagi niya itong tinatanong tungkol sa buhay niya. "Bakit ka nga ba ipinangalang Perla? Ito ba ay dahil sa inyong kuwintas?" tanong niya.

"Ang aking Ina ay nagagandahan sa mga perlas. Dahil dito, gusto niya na ipangalan ang kanyang panganay na anak batay sa inaakala niyang pinakamagandang bagay," sagot nito. Tumingin siya sa tubig para makita ang sarili niyang repleksiyon. "Sa totoo lang, hindi ko iyon nakikita sa aking sarili," biglang nagsalita si Mora. "Pero nababagay nga sa iyo ang pangalan." Biglang namula ang pisngi ni Perla sa kaniyang sinabi. "Mora, ikaw ba ay nagbibiro?" tanong nito. "Hindi. Tama ang desisyon niya na ipangalan ka sa mga magagandang perlas." Ngumiti si Perla sa sinabi nito.

"Binibini, ayos lang ba sa iyo na sabihin ko sa iyo ang aking idinadamdam na sikreto?" tanong ni Perla. "Mapagkakatiwalaan mo ako. Tutal magkaibigan naman tayo," sagot naman ni Mora. "Sa totoo lang, parang hindi rin kuntento ang aking Ina sa kasal niya sa aking Ama. Kaya sinabi niya sa akin na nagsisi siya na sinundan niya ang isang lalaking hindi siya nakakapagpasaya at kailangan kong sundin ang sinasabi ng puso ko, pero hindi ko alam kung ano ang gusto ng puso ko." Halos umiiyak na siya habang nagsasalita. Marahang pinunasan ni Mora ang kanyang mga luha. "Huwag kang mag-alala, Perla. Bilang kaibigan mo, sisiguraduhin kong mapanatiling masaya ka habang nandito ako." Nang sabihin niya ang mga salitang ito, alam na ni Perla kung ano ang gusto niya; at iyon ay ang makasama si Mora magpakailanman.

Dahil sa kanilang pagsasama, mas lalo pa nilang nakilala ang isa't isa. Sa tuwing magkasama sila, parehong may nararamdamang kakaiba sa kanilang puso. Gustong sundin ni Perla ang kanyang nararamdaman at makalaya sa mabigat na pasanin na matagal na niyang dinaranas sa kaniyang puso, kaya gusto niyang masabi ito sa kaniyang Ama. Pero ikinagalit ni Solon ang pagtatangi niya sa kanyang utos. "Sa aking mga sandaling kasama ko ang aking asawa, hindi maalis sa aking isipan si Mora?" tanong ni Perla. "Ang Diyosa ng Kamatayan? Gusto mo palitan ang iyong asawa para lang sa isang babae? Walang benepisyo ang inyong pagsasama!" sigaw ng kaniyang ama at pinarusahan siya na ikulong sa isang malalim na kuweba na sila lang ni Alon ang nakakaalam.

Nagtataka si Mora kung bakit hindi pa gumagabi ang kalangitan at sa tagal niyang paghihintay ay wala pa rin ang pinakamamahal na kaibigan. Kaya tinawag niya si Alon kung bakit wala pa si Perla. Dinala ni Alon si Mora sa isang kuweba at doon nila nakita ang kulungan ni Perla. Ibinigay ni Alon ang susi kay Mora para makalaya na si Perla. Nang makalabas na siya sa pagkakakulong, nakita sila ng kaniyang ama. Biglang dinampot ni Perla ang kamay ni Mora para tumakas sa kuweba. Papunta sila lagpas sa kalangitan patungo sa kawalan, kung saan nararamdaman nilang sila ay ligtas at hindi na maaabala.

Mula sa kanilang kinalalagyan, sila ay mahigpit na nagyakap. Sa kanilang paglalambingan, may sinabi si Mora nang buong katapatan. "Hindi ko pa nararanasan ang damdaming ito, pero gusto kong sabihin sa iyo na ikaw ay aking pinaka-tatangi, at gagawin ko ang lahat upang manatili sa iyong piling," ngiting-ngiti niyang sinabi. "Kapag sa tingin ng aking ama na ang ating ugnayan ay karumal-dumal, ay patuloy kong lalabag ang kaniyang utos at lalo pa kitang iibigin," buong pusong ipinagtapat ni Perla bago niya muling yakapin si Mora.

Habang lumilipad sa kalawakan sina Mora at Perla, nakahanap sila ng isang santuario kung saan sila maaaring magmahal nang malaya. Gayunpaman, alam nila na ang kanilang pagmamahalan ay labag sa utos at batas na ginawa ni Solon. Si Solon ay walang tigil sa kanyang pagtugis at ginagawa niya ang lahat upang paghiwalayin silang dalawa. Ngunit sina Mora at Perla, na nagkakaisa sa kanilang pag-ibig, ay hinarap ang bawat hamon nang sama-sama.

Ang pagsasama nina Mora at Perla ay naging katangi-tangi at dahil dito, kumalat ang kanilang kuwento sa buong kalawakan. Pati ang mga diyos sa buong kalawakan ay palaging kinukuwento ito sa kanilang mga alagad.

Nang makalat na ang kuwento nina Perla at Mora, ang kanilang pag-ibig ay tinawag na "Romantikong Pag-ibig," mula sa pangalan ng Diyosa ng Kamatayan, si Mora, ang inibig ni Perla.

Legend Of Romantic LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon