Hello, Future

15 4 0
                                    

Labis ang pagkagulantang ko nang madatnan ang dalawang taong naglalampungan sa sala.

"A-Ano ang ibig sabihin nito?" Ang namuong luha sa mga mata ko'y tuluyang naglandas sa aking mga pisngi pagkabitaw sa mga salitang iyon.

Ang mga kamay ko'y biglang nanginig, nahirapan ako sa paghinga dahil sa paninikip ng aking dibdib, at ang mga tuhod ko'y nanlambot na parang mapapasalampak ako sa sahig.

Mabilis silang tumayo't nilingon ako ng may takot sa kanilang mga mukha.

"H-Hon... it is not what you think. I'll explain," nagsusumamong saad ni Maki patungo sa akin.

Pabagsak kong iwinaksi ang aking mga kamay nang ito'y kaniyang hawakan, saka dali-daling humakbang papunta sa taong kinasusuklaman ko.

"Mang-aagaw ka!" nanggigigil kong sigaw bago ito sinampal nang malakas. "Kaya pala minamalas ako sa lahat kasi may nakatirang demonyo sa pamamahay na 'to!" Napatumba ito sa pagkakatulak ko't hindi ko na napigilang sipain ang ibat-ibang parte ng kaniyang katawan.

"Hon! Stop! That's your mom!"

Napahinto ako't dahan-dahang tinapunan ng tingin ang taong akala ko'y kakampi ko't nagmamahal sa akin ng tapat, subalit patago pala akong niloloko.

Nangangati ang aking dila't handang-handa siyang saktan ng mga kamay ko, pero para saan pa? Ano pa ang silbi ng mga tanong at pananakit kung nagawa na niya't sa mismong ina ko pa?!

Tanging tunog ng suot kong takong at pagtangis ang umalingawngaw sa aking tainga habang nililisan ang bahay na tinirhan ko ng dalawampu't tatlong taon, ngunit hindi ko kailanman naramdaman na isang tahanan.

Tao pa ba ako?

Bakit puro kamalasan na lang ang mga nangyayari't hindi nagtatagal ang saya na aking nararamdaman? Parang ipinaparamdam lang saglit tapos babawiin din kaagad!

Dapat pa ba akong mabuhay gayoong iniwan na ako ng taong inakala ko'y buhay ko? Na iyong taong nagsilang sa akin ay isa pala sa magiging dahilan ng pagkawala ko rito?

Maagang namatay ang aking ama dahil sa isang aksidente, at nag-iisa lamang nila akong anak kung kayat wala akong matatakbuhang kapatid.

Kaibigan?

Wala rin ako no'n. Mga mukhang anghel kung ako'y kaharap, pero tinitira na pala ako patalikod!

Ang Diyos?

Hindi ko na alam. Parang hindi na ako naniniwala sa Kaniya. Kasi kung totoong minamahal Niya ako, bakit Niya hinayaang ganito ang sapitin ko, 'di ba? Kaya sa madaling salita, wala na akong karamay. Mag-isa na lamang ako.

Nang makarating sa highway, napakuyom ang mga kamao ko habang hinihintay ang papalapit na truck. Pero sa sandaling ihahakbang ko na ang aking mga paa'y siya namang paglitaw ng isang kayumangging sobre sa aking paanan.

Saan ito galing?

Sa pagtataka'y hindi ko naituloy ang aking binabalak. Kunot-noo ko itong pinulot at walang pag-aatubiling binuksan.

Sawa ka na ba sa kasalukuyan? Kung nais mong magkaroon ng masaya't matiwasay na pamumuhay, ito na ang hudyat at perpektong pagkakataon!

H-Ha?

A-Ano raw?

Paliparin mo ito kung ika'y sumasang-ayon, at kung hindi nama'y iyong punitin. Paalala lamang, hindi mo na matatakasan ang reyalidad maliban sa pagwawakas ng iyong buhay at pagtanggap sa liham. Pag-isipan mo itong mabuti.

P-Paano nito nalaman ang plano ko?!

M-May nagmamasid ba sa akin?!

Kaba at takot ang namayani sa akin nang maigala ko ang aking tingin sa paligid. Gayunpaman, sa dala ng kuryosidad at pag-aakalang isa lamang itong biro'y nagawa ko ang bagay na makapagpapabago pala sa takbo ng aking buhay. Sa isang iglap, bigla na lamang akong napadpad sa hinaharap!

Taong dalawang libo't limampu?!

Ibig sabihin, dalawampu't pitong taon na ang pagitan mula sa taong pinanggalingan ko?! Ngunit ang aking katawan at mukha'y walang pinagbago!

Kung noo'y pahirapan ako sa paghahanap ng trabaho't mabilis na natatanggal, ngayon may-ari na ako ng marami at malalaking kumpanya rito sa Pilipinas at maging sa ibat-ibang bansa!

Hindi ako makapaniwalang isa na ako sa pinakamayamang tao sa mundong 'to! Nasa akin na lahat pati ang taong unang nakilala ko rito'y kasintahan ko na! Parang kailan lang, lugmok ako't balak nang lagutan ang aking hininga. Pero ito ako ngayon, nagpapakasasa sa yaman at nag-uumapaw na sa saya.

Ngunit hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko'y may kulang. Parang hindi pa ako buo. Hindi ko matukoy kung ano ito hanggang sa dumating ang araw na sinampal ako ng katotohanan.

"Love, do you happen to know someone named Jhanice Gorpel?" tanong ni Eross pagkaamin ko sa aking totoong pangalan na ikinubli ko sa kaniya magmula nang mapadpad ako rito.

Umalab ang pakiramdam ko't napuno ako ng pagtataka. Subalit tanging pag-iling lamang ang aking nagawa.

"Is that so? Well, that person killed my step-father, Marsel Kinnedy Fersual."

Pagsisisi, lungkot, at pagkamuhi sa sarili; iyon ang mga nararamdaman ko magmula pa kanina at ngayong aking pinagmamasdan ang taong tumatawa mag-isa. Manipis na ang katawan nito, at kulay puti na ang kaniyang mahahaba't gulo-gulong buhok.

Sa pagpukol ng kaniyang mga mata sa aki'y unti-unting nag-iba ang ekspresyon nito.

"L-Lexiana?!" naluluhang sambit ng taong nasaktan ko't aking tinalikuran dahil sa isang pagkakamali.

Hindi pa man ito nakakagalaw, dali-dali na akong lumapit saka ito niyakap nang mahigpit.

"K-Kay tagal kitang hinanap! P-Patawarin mo ako, anak! G-Ginawa ko lamang iyon para hiwalayan mo ang babaerong 'yon! S-Sa limang taon na relasyon ninyo'y pinili kong manahimik sapagkat ayokong maging malungkot ka! P-Pero hindi ko na natiis, anak! I-Ipinaglaban ko ang totoo't napatay ko siya kaya ako nabilanggo! B-Baliw ang tingin nila sa akin kung kayat ako'y kanilang dinala sa mental hospital na ito!"

Sa puntong iyon, doon ko napagtanto ang bubuo sa aking buhay at maging sa pagkatao ko.

Mapayapang isip at kalmadong puso; iyon ang naging epekto sa akin habang hawak-hawak ang liham na nagsasaad sa aking pagbabalik sa kasalukuyan.

Gumuhit ang ngiti sa aking labi pagkakita sa imahe ng Diyos mula sa langit. Siya ang may gawa ng lahat ng ito. Malaki ang pagkakasala ko, pero walang-wala ang mga iyon sa laki ng pagmamahal Niya sa akin.

Ang mga bagay na mayroon ako rito'y wala ng halaga sa akin. Masakit lamang tanggapin na maiiwanan ko ang taong nagpahalaga't nagmahal sa akin ng dalisay. Gayunpaman, mas nanaisin kong itama ang mga nagawa kong pagkakamali nang mabago ang aking sarili at hinaharap.

Hello, FutureTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon