STORY 1: Ang Tunay na Malaya Hindi Nag-aalala

6 0 0
                                    

Napahagalpak na lang kami ng tawa ng girlfriend ko na si Philia nang ang lahat ng mga nurses ay magsimulang magsitakbuhan sa lobby ng mental hospital. Tama ang nasa isip namin, sa lugar na ito ay hindi lang kami ang mga baliw, sila rin. Lahat kami dito, sa kung saan man ay may tinatagong lihim na kabaliwan. Pero nakakatawa pa rin. Sa dalawang taon na na-admit kami ng mahal ko sa lugar na 'to ay ngayon lang sila umasta ng ganyan. Para silang mga takot at nasisiraan na ng ulo. Tingin nga namin ay mas malala pa sila sa iba sa amin. Dahil ba sa balita kaya sila nagkakaganyan? Hayy, parang mga bata pala sila kung ganon. Mga batang natatakot sa walang kwentang bagay.

Karamihan sa kanila ay nakalabas na, patakbo syempre. Ang iba naman sa kanila ay nagsimulang umiyak. Humahagulgol na akala mo ay magugunaw na ang mundo. Hindi pa, medyo matatagalan pa para mangyari 'yon sa pagkakaalam namin. Pero grabe talaga ang mga reaksiyon nila simula kaninang umaga. Ang iba nga sa kanila ay napaluhod pa nga sa sahig eh. Kami naman, katulad ng inaasahan, tumawa lang kami ng tumawa. Para kaming nanalo sa lotto sa paraan ng pagbubunyi namin. Masaya kami sa nasasaksihan namin ngayon. Ngayong araw lang naman kasi ay napatunayan namin na ang lahat ng mga tao ay mga kagaya din namin, mga baliw.

Sa tuwa ni Philia ay nakuha niya pang hingin ang itinatagong alak ng isa sa mga nurse na nag-aalaga sa amin. Nakakapagtaka lang din dahil ibinigay naman niya iyon nang parang wala lang. Kasama non ang mata niya na parang nawalan na ng pag-asa sa buhay. Ngayon lang namin siya nakitang ganyan. Siya kasi ang masayahin at palabiro sa kanila. Siya na rin pala ang nagbukas ng bote nv alak na ibinigay niya dahil uminom siya dito sa isang baso bago niya ito tuluyang ibigay sa amin. Pero mas wirdo pa rin ang ginawa ng mga kasama niya kanina, yung palayain kaming lahat at pabayaan na kaming gawin ang lahat ng gusto namin. Tunay talaga na napakasaya ng araw na ito, kung alam niyo lang.

Sa huli ay napagdesisyonan namin na magpaalam na sa kanilang lahat. Pumunta kami ni Philia sa rooftop ng mental facility namin. Hawak-hawak niya ang kamay ko habang umaakyat kami sa hagdanan, at wala nang ibang ginagawa kundi ang tumawa ng malakas. Sa puntong ito ay wala na akong ibang maramdaman kundi ang pagtawa, magpakasaya...at ang pagmamahal ko kay Philia. Mahal na mahal ko talaga siya. Mahal ko siya ng buong puso at kulang-kulang ko na pag-iisip. Kaya nga mas pinili kong magpakabaliw at samahan siya sa lugar na 'to ng dalawang taon eh... At ngayon, nabuksan na namin ang pintuan papuntang rooftop. Pagkalabas namin ay nagsitakbo kami sa paligid na parang mga bata. Dinama namin ang liwanag, ang masarap na simoy ng hangin. Muli ay bumungisngis kami nang makita namin ang mga taong nagsisitakbuhan sa baba. Kailan ba sila titigil?

Sa huli ay tumigil kami ni Philia. Inabot niya sa'kin ang bote ng alak na hawak niya. Ito na siguro ang huling bagay na malalasahan namin.

"Ito na ang katapusan," nakangiti ngunit mapait kong sabi. Kahit naman baliw na ako na maituturing, alam ko ang nangyayari.

"O ang simula! Sino bang nakakaalam?!" sabi ni Philia na sinundan ng pagtawa niya. Sinabayan ko ang pagtawa niya.

"Paano kung hindi na kita makita?... Alam mo bang mababaliw ako lalo pag nangyari 'yon?"

"Baliw ka na, diba? Baliw na tayong dalawa, hahaha. Ano bang sinasabi mo diyan? Hindi mangyayari 'yon. Magiging magkasama tayo hanggang sa huli, o sa bagong simula. Hay nako, uminom ka na nga lang."

"Takteng yan... Lintik talaga 'yang gera yan eh." Tinignan ko siya sa huling pagkakataon. "Cheers!"

Inubos namin ang alak na baon namin. Sa huling pagkakataon ay hinila ko siya papunta sa akin at binigyan siya ng isang matamis na halik. Kasabay non...ay ang paglaki ng isang ulap na hugis kabute sa malayo na naging dahilan para maging mas maliwanag pa ang paligid.

~THE END.~

[October 21, 2024. Ginawa ko po ito para sa isang filipino writing activity ng sister ko sa school nila. Isa po itong "Daglit" or tinatawag din na "Flash Fiction" or "Sudden Fiction". Actually, nagkaroon talaga ako ng existential crisis as a writer nung sinusulat ko ito kanina dahil wala akong mahanap na plot for daglit😭😭😭, but here I am, natapos ko naman siya, and naisipan ko pang gumawa ng book sa Wattpad nang dahil dito😉😉😉. I hope you like it😊😊😊!]

Filipino and English Short Stories of Shotgun BautistaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon