Ang Huling Biyahe

39 7 0
                                    

"Sa likod ng bawat tahimik na biyahe ay may kwentong kababalaghan na nakakubli."

Pasado alas-dos nang madaling araw ay natapos ang shift ni Aliyah sa ospital. Bilang isang nurse, sanay na itong umuwi ng ganitong oras dahil sa magdamagan na gawain sa kaniyang trabaho.

Nang makalabas s'ya ng ospital ay kaagad itong tumungo sa terminal ng jeep. Tahimik na ang paligid at kasabay nito ay ang pagdampi ng malamig na hangin sa kaniyang mukha, ngunit tila ba may iba sa pakiramdam niya sa mga oras na 'yon.

Nang makarating sa terminal, palihim siyang nagpasalamat dahil paalis na rin ang nag-iisang jeep na nakaparada at hindi na niya kailangan pang maghintay ng ibang pasahero. Nang makaupo, kaagad itong sumandal para ilapat ang nangangalay na likod. Sa sobrang pagod, hindi na niya pinansin ang iba pang mga pasahero at nagpasya na munang ipikit ang mga mata at umidlip dahil malayo-layo pa naman ang biyahe nito.

Ilang minuto ang lumipas, napansin ni Aliyah na may kakaiba, dahil sobrang tahimik ng paligid at ang tunog lang ng makina ng jeep at kuliglig sa mga puno na nadaraan ang naririnig nito. Kaya't nagpasya itong imulat ang kaniyang mga mata, at kaagad namang bumilis ang tibok ng puso nito nang makita ang mga kapwa pasahero. Napansin n'ya na pare-parehas ang kanilang postura at taimtim na nakatingin lamang sa bintana at ani mo'y pinag-usapan ang pagtutugma ng kanilang katawan.

Babalik sana siya sa pag-idlip nang may umalingasaw na bulok at malansang amoy. Kaya't napatingin siya sa katabi nito at doon niya lamang napansin na isang matandang babae ito. Kaagad na pumukaw sa atensyon niya ang bayong na nasa pagitan ng kan'yang paanan; hinala niya na rito nanggagaling ang amoy dahil mas tumatapang pa ang singaw nito.

Habang lumalalim ang biyahe, mas umaalingasaw pa ang amoy, kaya naman ay nagpasya na siyang kausapin ang matanda. Ngunit laking gulat niya nang makita ang kanang mata nito na may tumutulo na kung ano, at ilang segundo niyang napagtanto na dugo na pala ito. Mabilis na bumilis ang tibok ng puso niya nang makita iyon at kaagad na ibinaling ang atensyon sa ibang pasahero. Laking gulat niya nang mapansin na may mali sa mga nakasakay. Ang mga pasahero ay nasa iisang posisyon pa rin, at napansin niya na ang ilan ay may mga sugat sa iba't-ibang parte ng katawan, at ang ilan pa ay nakayapak at kulang sa suot na tsinelas.

Dahil sa kaba, kaagad siyang sumigaw ng "Para po!" Ngunit gano'n na lamang ang gulat niya nang makita na iisa lang ang ekspresyon ng mga pasahero at ng driver. Sa sobrang takot, ang salitang "Kailangan ko ng makaalis dito bago pa mahuli ang lahat." ang naguunahan sa isipan ni Aliyah kaya't sinubukan pa niyang sumigaw ng ilang beses pero tila ba walang nangyayari. Kaya naman ay nagpasya na siyang tumayo at tumalon sa jeep.

Ilang beses siyang nagpagulong-gulong sa malamig na semento ng kalsada at kaagad na tumayo at tumakbo palayo. Sa hindi kalayuan, may nakita siyang maliit na tindahan, kaya't kaagad itong tumungo roon. Hapong-hapo ito at sinusubukan na i-proseso ang lahat ng nangyari, kasabay ng pagtatanong sa kaniyang sarili, "Totoo ba ang lahat ng 'yon? Na-sobrahan ba ako sa pagod kaya't kung ano-ano ang ilusyon na nakikita ko?"

Habang nagpapalipas sa maliit na tindahan, lumabas ang isang matandang babae at kaagad na nagsalita.

"Ija, bakit narito ka sa kalagitnaan ng madaling araw? Malayo-layo ito sa mga sakayan at wala naman kaming karatig na kapit-bahay dito?"

Doon na lamang napagtanto ni Aliyah na maling direksyon ang tinungo ng jeep. Kaagad naman na kinuwento ni Aliyah ang nangyari at sinagot ito ng matanda.

"Sinarado ang direksyon ng kalsadang 'yan kaninang alas-siyete ng gabi dahil sa disgrasya na naganap. Nawalan ng preno ang driver at nabangga ng malaking truck; patay ang lahat ng mga pasahero, kasama na ang driver ng jeep."

"Kaluluwa nila ang nakasama mo, ija. Mga patay ang mga nakasama mo."






𐙚

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: 6 days ago ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Huling BiyaheTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon