IED 013

834 23 0
                                    

"Ala una na pala." Napatingin sa orasang nasa dingding ang nurse na si Nikki. Pagod na pagod sʼya dahil sa daming pasyente ngayong araw. Ala una nang madaling araw, ngunit parang mabagal ang pagtakbo ng oras, mabigat ang bawat segundo. 

Napansin ni Mara, kapwa nʼya nurse, ang kaniyang pagod na aura at nilapitan nʼya ito. "Mag-out ka na?" tanong ni Mara, ang mga mata may bahid ng pag-aalala.

"Oo, sige na at baka maubusan na ako ng masasakyan," sagot ni Nikki, pinipilit ngumiti sa kabila ng pamumuo ng antok at pagod sa katawan.  

Habang naglalakad si Nikki sa kahabaan ng madilim na hallway, tumitibok nang mabilis ang kaniyang puso. Sa kabila ng lamig na bumabalot sa paligid, may kaunting kaba rin sʼyang nararamdaman. Tahimik ang pasilyo, maliban sa mahinang tunog ng mga makina sa malayong bahagi ng ospital. 

Nagtatalo sa kaniyang isipan ang pagod at ang bigat ng katahimikan.

Nakahinga lamang sʼya nang maluwag nang makalabas na sʼya ng ospital. Sa paglabas nʼya, may humintong isang pampasaherong jeep sa kaniyang harapan. Katulad nang kinagisnan nʼya noon, titignan muna nʼya ang plaka ng sasakyan at pipicturan para sa kaniyang seguridad. I E D 013 ang plaka ng jeep na huminto sa harapan ng ospital.

Agad sʼyang sumakay, umaasang makakapagpahinga kahit papaano sa biyahe pauwi. Ngunit pagkaupo pa lang nʼya, sumalubong sa kaniya ang nakakasulasok na amoy ng loob ng jeep.

"Pasuyo po ng bayad," mahinang sabi niya habang ini-abot ang kaniyang pera sa isang babaeng pasahero. Pagdampi ng kamay ng babae sa kaniya, naramdaman ni Nikki ang isang kakaibang lamig na dumaloy mula sa kamay nito papunta sa kaniya.

"Saan ʼto?" tanong ng driver.

"Sa Luna Street lang po," tugon naman nʼya.

Tahimik ang paligid habang patuloy na binabaybay ng jeep ang madilim na kalsada. Tanging ang tunog ng radyo at ang malamig na simoy ng hangin mula sa labas ang naririnig. Sa labas, halos walang mga ilaw sa gilid ng kalsada, ang paligid ay mistulang nilamon ng dilim.

Malayo pa ang biyahe kayaʼt nagdesisyon si Nikki na pumikit saglit, umaasang makakakuha ng kahit kaunting pahinga. Ngunit hindi pa sʼya nakakaidlip nang maayos nang bigla nʼyang maramdaman ang malamig na pagdampi ng kamay sa kaniyang braso.

Malamig ito... Kakaibang lamig...

Unti-unti nʼyang iminulat ang mga mata, at halos lumuwa ang puso ni Nikki nang makita ang itsura ng katabi nʼya. Wasak at puno ng dugo ang mukha nito, habang mahigpit na nakahawak sa kaniyang braso, ang mga mata nito ay nakatitig sa kaniya nang walang buhay.

"B-Bitawan mo ako," mahinang usal ni Nikki, pilit nagpupumiglas ngunit tila nawala ang lakas sa kaniyang katawan. 

Nilibot nʼya ang paningin sa loob ng jeep at napansin ang kakaibang katahimikan. Nang mapagtanto nʼyang patay na ang lahat ng kasama nʼya, parang nawalan sʼya ng ulirat. Kinagat nʼya ang kaniyang labi, nagbabakasakaling panaginip lang ito.

"M-Manong..." tawag nʼya sa driver, halos walang boses sa sobrang takot. Ngunit parang wala itong naririnig, nagpatuloy lang sa pagmamaneho, dire-diretso sa madilim na kalsada.

"Para po!" sigaw nʼya, desperada nang makaalis. Ngunit hindi sʼya pinansin ng driver. Sa halip, patuloy lamang ito sa tahimik na pagmamaneho, ang mga mata nito nakapako sa kalsada na tila wala sʼyang naririnig.

"T-Tulong..."

"Tulungan mo kami..." sunod-sunod na nagsalita ang mga kasamahan nʼya sa jeep, boses nilang puno ng hinanakit at lamig na dumurog sa kaniyang pandinig.

Tinakpan ni Nikki ang mga tenga, mariing pumikit upang hindi marinig ang mga boses na pumapaligid sa kaniya.

"G-gusto kong makauwi sa pamilya ko..."

IED 013Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon