ENTRY #10
Aking Buwang Marikit
Alam kong dumaranas ka ngayon ng pangungulila. Nawawalan ka minsan ng pag-asa dahil wala ako sa iyong tabi, upang sumuporta. Nahihirapan kang makibagay sa mga nakapaligid sa iyo, hindi kita masisisi kasi lumaki ka, na ako ang iyong kasama palagi.
Patawarin mo si mama, sapagkat wala ako sa iyong tabi upang gabayan at damayan ka. Hindi kita magagawang yakapin sa tuwing natatakot at umiiyak ka. Ni hindi ko magawang ipagtanggol sa mga umaapi sa iyo. Naalala ko pa ang unang buwan na wala ako sa iyong tabi. Tumawag kang nakangiti, ngunit nakikita ko sa mga mata mo ang sakit na kahit ang pera ay hindi kayang pawiin iyon.
Mas lalo akong nasaktan dahil sa sinabi mong "mama, uwi ka na po, hindi ko pala kayang wala ka." Sobrang sakit sa dibdib nang marinig ko mula sa iyo ang mga katagang hindi ko inaasahang sasabihin mo. Kulang ang salitang patawad kasi mas ginusto kong abutin ang aking pangarap kaysa pagtuonan kayo ng pansin, lalo na ikaw.
Gusto kong sabihin na, oo mahirap ang buhay pero kailangan nating lumaban. Sapagkat ang buhay ay hindi lang basta matulog at gumising kundi kailangan din nating makibaka. Lumalaki ka na ate, at asahan mong bumibigat na rin ang mga responsibility na nakapatong sa balikat mo. Patawad kasi sa murang edad mo namulat ka sa katotohanang mahirap ang buhay lalo na at ikaw ang tumatayong pangalawang ina sa bunso ninyong kapatid. Tawag nga niya sa iyo ngayon ay "Ate mama". Sobrang proud ako sa mga nakamit mong tagumpay kahit wala ako sa iyong tabi upang gabayan ka.
Palagi kong sinasabi na lumaban ka hanggat may hininga, at ganoon nga ang iyong ginagawa. Lumalaban ka ng patas, upang makamit lahat ng iyon. Alam kong ang dami mong gustong sabihin tungkol sa bigat na iyong pinapasan ngayon, pero mas ginusto mong ikuwento sa akin ang mga masasayang nangyayari sa iyo. Nagpapasalamat ako sapagkat hindi mo hinahayaang mag-alala ang iyong ina.
Alalahanin mong huwag tumulad sa guryon na may matayog na lipad, sapagkat kapag naputol ang lubid ay masakit ang bagsak, manatili sanang nakatapak sa lupa ang iyong mga paa. Alam kong dumaranas ka ngayon ng tinatawag nilang anxiety, dahil na rin iyong edad. Gusto ko lang sabihin na kahit hindi ka na maintindihan ng lahat piliin mong intindihin ang iyong sarili. Humarap ka sa salamin at sabihing pagsubok lamang ang lahat.
Piliin mong ngumiti sa kabila ng problema, at pasakit. Huwag mong hayaang matalo ka ng iyong nararamdaman dahil tulad ng ulan, tumitila ito saka makikita ang bahagharing makulay. Piliin mong maging buwan sa gitna ng mga bituin. Nag-iisa ngunit pinakamaliwanag, huwag mong hayaang tibagin ng mga nakapaligid sa iyo ang prinsipyong naituro ko.
Naalala ko pa ang iyong unang pag-iyak, alam kong magiging iyakin ka paglaki kaya hinanda kita mula noong ika'y sanggol pa lang hanggang sa dumating ang puntong iniwan kita upang magtrabaho sa ibang bansa. Alam kong mabait kang bata ngunit taglay mo ang ugaling kapag nasa katuwiran ay ipaglalaban mo ito. Dahil diyan sobrang hanga ako sa iyo.
Maraming nagsasabing magkamukha tayo, hindi naman talaga maipagkakailang mag-ina nga tayo parehas tayo ng paninindigan. Ngunit lamang ka sa akin mga isang paligo, sapagkat hindi ko kayang pantayan ang iyong tapang. Sobrang tapang mong hinarap ang hamon ng buhay sa murang edad na walang ina sa kaniyang tabi. Kasi diba, lumaki akong may mama samantalang ikaw nasa malayo. Nasasaktan ako sa tuwing nakikita kang pagod na, sa pag-aaral at pag-aalaga, alam kong kinakaya mo lang kahit ang totoo minsan gusto mo ng sumuko.
Ngunit alam kong ang surrender ang huli mong sasambiting salita, sapagkat hindi ko pa nakitang sumuko ka. Never mong sinusuko ang mga bagay na kaya mo. Naalala mo iyong unang anak ng aso mong si Amber, malapit na iyong mamatay ngunit sinagip mo kahit alam mong hayop iyon ngunit binigyan mo ng hangin upang madugtungan ang buhay. Naluluha ka dahil ayaw mong mawala ang iyong unang apo kahit na isang aso. Sobrang tuwa mo noon dahil nailigtas ito at ngayon ay malaki na. Naalala mo iyong palihim akong umiiyak dahil sa problemang hindi ko na makayanan, lumabas ka galing sa inyong silid ngunit nakamake-up. Ginawa mong clown ang iyong sarili upang mapatawa ako. Magmula noon hindi na ako nalulungkot sapagkat andiyan ka palagi. Isa kang anghel na may matibay na pakpak, at nagbibigay pag-asa sa aming lahat.
Enero a trese araw ng biyernes taong dalawang libo't labing dalawa, noong ka dumating sa buhay ko. Nag-iisang bulaklak na binigay ng Panginoon. Isa kang kayamanan para sa akin, natatakot akong baka may mangyari sa iyong masama rati, ngunit ngayon taglay mo ang dibdib ng isang dragon. Masaya ako sapagkat paunti-unting natutupad ang iyong mga gusto, isa ka ng "Lady's Scout ngayon". Achiever ka sa inyong klase, at higit sa lahat matangkad at maganda. Taglay mo ang mga katangian na hinahangad ng ibang kabataan ngayon. Magaling ka ring kumanta at sumayaw, ngunit anak alam kong sa iyong paglaki ang puso mo naman ang manganganib. Pero nagpapasalamat pa rin ako dahil kahit mga paghanga lang ang iyong nararamdaman sinasabi mo ito sa akin. Hindi ka nagbago ako pa rin ang unang nakakaalam sa mga sekreto mo.
Hangad kong makapagtapos ka ng pag-aaral, sapagkat iyan lang ang kayamanang hindi mananakaw sa atin. Pang-habambuhay iyan, pero ganon pa man eenjoy mo lang ang pag-aaral huwag isipin ang mataas na grado importante may natutunan ka at sa paglipas ng mga panahon paniguradong magagamit mo iyan. Sana palagi mong tatandaan ang mga sinasabi kong "there's a reason behind the worst situation" kaya huwag manghinayang kung maliit ang grado na nakuha dahil hindi lang naman ngayon iyan may bukas pa at makakabawi ka pa.
Isipin mo lang na hindi pa ngayon ang katapusan kasi ang tunay na laban hindi pa nagsisimula. Mahal na mahal ka namin ng iyong mga kapatid at ng papa mo. Huwag kang mag-alala malapit ng umuwi si mama, mayayakap mo na rin ako matutulongan na kitang maglaba.
Makakapagpahinga ka na rin sa gawaing bahay na iniwan ko sa pangangalaga mo. Aking buwan, sana nakangiti ka habang binabasa mo ito. Hayaan mong umagos ang luha sapagkat hindi iyan kahinaan bagkus katapangan.
Nagmamahal ang iyong Ina.
BINABASA MO ANG
𝐀 𝐓𝐇𝐎𝐔𝐒𝐀𝐍𝐃 𝐔𝐍𝐒𝐀𝐈𝐃 𝐖𝐎𝐑𝐃𝐒
RandomA Compilation of Letters of Hope for Mental Health Warriors