SONYA ARROVO
DISYEMBRE DALAWAMPU'T LIMA, DIES 'Y NUWEBE 'Y NOBENTA 'Y TRES---nagsipag-uwian ang lahat sa probinsiya para sa noche buena.
Dumating ang mga kapatid ko na isang abogado, isang doktor, isang inhinyero, isang manager ng shoe store, isang sekretarya, at isang kolehiyala pa lamang. Kasama nila ang kani-kanilang mga mahal sa buhay at pamilya, maliit man o malaki. Ang abogado lang ang single at ang kolehiyala naman ay magsasama raw ng isa sa kaniyang mga manliligaw.
Mabuti na lang at hindi sila sabay-sabay na dumating. Kung hindi ay bugsuan sila at mahirap nang asikasuhin. Ang hilig pa naman nilang mag-utos, ang magpabili ng kung ano-ano sa tindahan na kung minsan, e, pagkalalayo mula rito sa malaking lupain ng nanay namin.
Ako ang naiwan dito sa bahay na taga-alaga ni nanay. Ako ang caretaker na rin nitong bahay at ng lupain na kinatitirikan nito. Kaya hilong-talilong na ako tuwing sasapit ang Pasko dahil muli kong isasabay sa aasikasuhin ang mga kapatid ko at ang kanilang mga mahal sa buhay.
Mag-isa kong nilinis ang bahay kaninang umaga. Mag-isa kong inihanda ang mga sangkap para sa lulutuin na noche buena.
Tunay na nakapapagod talaga . . .
***
DUMATING si Dok Felix. Ang sumunod sa akin na panganay sa kapanganakan. Kasama niya ang asawa't anim na anak.
Hindi ba't doktor siya? Hindi ba niya alam na delikado sa babae ang mag-anak ng pagkadami-dami at halos isa hanggang dalawang taon lang ang agwat?
Paghinto ng kotse ni Felix sa bakuran ay inabangan ko sila sa pinto, sa itaas ng hagdan. Naunang umakyat sa hagdan si Felix na buhat ang bunso niyang anak na lalaki.
"Kumusta ang biyahe, Felix?" tanong ko.
"Maayos naman," sagot niya pero tila wala sa presensiya ko ang kaniyang isip. "Ang nanay?"
"Nasa kusina."
Mabilis akong nilagpasan si Felix. Marahil ay patungo na siya sa kusina. Hindi ko malaman kung susundan siya o tutulungan ang asawa niyang naiwan sa tabi ng kotse. Hindi magkandaugaga ang babae sa kasasaway at kahahabol sa limang anak na naiwan sa pangangalaga nito.
Naalala ko bigla ang niluluto ko kaya sumunod na lang ako kay Felix sa kusina.
***
SUNOD na dumating ang kapatid kong sekretarya. Humahangos akong lumabas mula sa kusina nang marinig ang pagdating ng kaniyang sasakyan.
Tumayo ako sa may pintuan at tinanaw si Samantha, pang-apat sa aming magkakapatid. Pinagbuksan siya ng pinto ng kaniyang galanteng asawa na boss din niya sa opisina't may katandaan na. Araw ng Pasko ngunit naka-corporate attire pa rin ang dalawa.
Buhat ni Samantha ang apat na buwan na sanggol. Kaawa-awang bata dahil tuwing nasa trabaho ang mga magulang ay inaalagaan ng hindi nito kaano-ano. Kung bakit ba naman kasi hindi na lang ako kinuha ni Sameng na taga-alaga ng anak niya, e. Kung nakaka-hire naman kasi siya ng mag-aalaga sa anak niya, sana ay mag-hire na lang din siya ng nurse para kay Nanay. Mas madali kasi sa hindi nurse na katulad ko ang mag-alaga ng sanggol kaysa kay Nanay na namamalo ng baston!
Napatingin ako saglit sa lumang bestida na suot ko, pagkatapos ay sa fitting na pencil skirt ni Samantha. Napahaplos ako sa aking pisngi habang hinahangaan ang magandang pagkakalapat ng makeup sa mukha ni Sameng.
"Merry Christmas, Sameng!" bati ko nang makaakyat sila ng hagdan.
Mayuming ngumiti ang maganda kong kapatid. "Ang nanay?"
BINABASA MO ANG
Ang Mga Arrovo | One-Shot Story
Short StoryA short story for my dearest readers ♥️ Happy Halloween 🎃🧅🧄🪔 © anamariess | october 2024